Chapter 1: Isang Gabing Madilim
Gabi, sa isang madilim na bahagi ng kagubatan.
“Kailangang hindi nila ako maabutan!”
Takot na takot na sabi ng isang babae. Basang-basa ang damit nya sa pawis. Puro galos sa pagkakasabit sa mga halamang may tinik ang binti nyang puno na ng dugo. Umaalingawngaw ang warning shot ng baril ng mga humahabol sa kanya sa madilim na kakahuyang iyon. Hindi na nya alam kung anong oras na ba dahil balot ng dilim ang gabi liban sa kapiranggot na liwanag na galing sa buwang papaliit na. Nagkubli sya sa puwang ng isang malaking puno. Pikit-matang pinaglalabanan ang takot sa ahas at iba pang hayop sa kakahuyan. Nanghihina na sya, parang hihimatayin sa pagod pero kailangan nyang makaalis sa lugar na yon at maisahan ang mga lalaking humahabol sa kanya.
Sa kabilang banda ng kakahuyan ay parang mga asong ulol ang apat na lalaking humahabol sa kanya. Ang isa ay iika-ika pa habang tumatakbo at panay ang mura.
“May kakalagyan kang babae ka. Pag namatay ang kuko ko sa paa, isusunod kita!” gigil na sabi ng lalaking may kabilugan ang mukha, kulot ang buhok at sarat ang ilong. Humahangos namang humabol sa tatlong lalaking nauna ang isang matipunong lalaki na naka-leather jacket, ang boss ng grupo. Pinaputok nito ang baril at saka sumigaw.
“Wala kang mapupuntahan kaya kung gusto mo pang mabuhay, sumama ka na sa amin nang hindi na kami nahihirapan,”sabay putok ng baril. Abala naman ang dalawang iba pa sa paggalugad sa bawat sulok na matapatan nila. Yung payat na matangkad ay hinampas pa ang kulumpon ng baging na nakapulupot na matandang puno.
“Mabuti pa ay maghiwa-hiwalay tayo. Dito ako sa direksyon na ito pupunta. Okay lang ba sa yo, boss?” suhestyon ng pinakabata sa kanila. Tumango ang lider ng grupo at sumenyas sa dalawang kasama na magkanya-kanya.
Nanatili pa din sa puwang ng malaking puno ang babae. Nakatulog na ito sa pagod at sakit ng katawan. Kapag kuwa’y may malaking palad na nagtakip sa bibig niya. Nanlaki ang mata nya sa nakita. Natunton na sya ng lalaki. Sumenyas ang lalaki na wag mag-ingay kundi ay papatayin sya nito. Tumango-tango ang babae at nanginginig habang itinayo sya ng lalaki.
“Akala mo siguro ay hindi kita matututunton? Sinundan ko ang bakas ng dugo mo sa mga dahon. Mapupusok ang kasama ko pero kulang sila dito,” itinuro ng lalaki ang sintido. Inalis nya sa pagkakatakip ng bibig ng babae ang kaliwa nyang kamay habang nakatutok ang baril gamit ang kanang kamay. Napaatras ng kaunti ang babae at tumingin sa paligid.
“Matigas talaga ang ulo mo, ano? Alam mo bang isang putok lang ng baril ko ay tapos na ang problema ng bosing ko?” gigil na sabi ng lalaki.
Nangilid ang luha ng babae. Nagmamakaawa ang mukha nitong nakatingin sa lalaki.
“Huwag maawa ka. Wala akong kalaban-laban sa inyo. Wala akong kasalanan sa inyo. Hayaan nyo na ako. Hindi ko maintindihan bakit ginaganito ninyo ako,” pagsusumamo ng babae.
Nakaamba pa rin ang baril sa babae. Nakataas ang dalawang kamay, dahan-dahang lumuhod ang babae at nagsumamong pakawalan. Nagdadalawang-isip ang lalaki sa gagawin. Hindi niya kayang manakit nang walang kalaban-labang babae pero hindi niya rin kayang harapin ang galit ng bosing nya. Sa bandang huli ay nanaig ang pagkatakot ng lalaki sa sinasabing bosing. Isang malakas na putok ng baril ang pinakawalan nito.
Nagtakbuhan ang tatlong kasama sa lugar niya para usisain ang nangyari. Nagkalat ang dugo sa mga tuyong dahon hanggang sa palayo sa grupo.
“Nasaan ang babae? Tinamaan mo?”ang magkasunod na tanong ng lider.
“Binigyan ko nang warning shot pero nagtatakbo pa rin,”mahinahong sagot ng lalaking nakabaril sa babae.
“Eh sira ka pala eh! Ang utos sa atin ay dalhin siya sa kanya ngayong gabi. Sabit tayong apat sa galit ni boss niyan!”galit na bwelta ng lalaking bilugan ang mukha.
“Sa dami ng dugong narito, hindi na mabubuhay yun. Ikaw, kung gusto mong hanapin at ilibing, eh di ikaw ang gumawa. Kung nakakawala naman siya, hindi ba mas magagalit si bosing?” maangas na tugon ng lalaking nakabaril sa babae.
Magsasalita pa sana ang lalaking bilugan ang mukha kung hindi pinigilan ng lider. Nagmamadali silang umalis sa kakahuyan para hindi abutan nang umaga. Magbubukang-liwayway na sa kakahuyan at mahirap ipagsapalaran kung may mga taong magawi at makilala sila. Lumingon ang lalaking nakabaril sa babae bago sila umalis upang siguraduhing walang nakakita sa krimeng ginawa nila.
Ring…ring…ring…
Alas-onse ng umaga, walang tigil ang tunog ng cellphone ni Jennica Tolentino, isang reporter para sa panlalawigang pahayagan ng probinsya ng Calamares.
“Hello…ah talagang pagising na ako. Napasobra lang ng inom kagabi. Thirty minutes, yes. Maliligo lang ako,” sagot ni Jennica.
Napasabunot ito sa ulo dahil andun pa ang epekto ng hang-over at puyat. Alam nang boss niya na napainom siya kagabi pero ang pagtawag na yun sa kanya ay isang bagay lang ang ibig sabihin- isang malaking balita ang nagaganap at hindi nila pwedeng baliwalain lang.
Mag-isa ang dalaga sa one-bedroom apartment na nirerentahan nito sa matandang byudang babae na nakatira sa silong ng bahay niya. Solo niya ang lugar kaya hindi alintana ang paghubad ng T-shirt papuntang banyo. Dahil maikli lang ang bob cut na buhok, hindi naman nagtagal sa shower ang dalaga. Dala ang mga gamit sa trabaho at helmet, handa na sya sa isa na namang balitang bubulaga sa kanya.
Sinadya niyang huwag munang kumain dahil ayaw nyang maulit ang nangyari noong nakaraang buwan. Naisuka niya ang laman ng tiyan nang makita niya ang mga taga at saksak sa binti ng magsasakang ibinalita niya. Hindi naman siya maselang tao pero may mga pagkakataon na kahit pitong taon na siya sa trabaho, nananaig pa din ang pagiging tao niya sa mga nakikita at natutuklasan.
Sakay ng motorsiklo, nagmamadali siyang nagpunta sa highway ng isang bayan sa Calamares, ang San Isidro. May nakakurdon na sa pulang kotse na nasa highway at marami-rami na ring tao ang nasa paligid. Itinabi niya ang motorsiklo sabay dumiretso sa isang pulis na nagbabantay.
“Ano ho ang nangyari?” tanong ni Jennica sa isang pulis, si Police Officer Ramos, nasa 50 anyos na, tama lang ang pangangatawan at may maamong mukha.
“Nagpunta sa presinto ang mga magulang nito. Kagabi pa hindi umuuwi. May nakapagsabi sa amin na may abandonadong kotse dito sa highway kaya pinuntahan namin pero wala namang laman,”sagot ni Ramos.
“Dyan ako di pabor sa practice na yan eh. Dapat, tatlong oras pa lang nawawala, pwede nang ipa-blotter. So, ibig sabihin, umaga pa lang kahapon ay nawawala na yan pero ang pwede lang gawin ng naghahanap ay maghantay ng bente-kwatro oras bago sya ipa-blotter?” naiinis na tanong ni Jennica.
Napangiti ang pulis at hindi na nakipagtalo. Kilala niya ang babaeng reporter na ito na maanghang ding magsalita. Hindi nakapagtataka kung bakit wala man lang nagtatakang manligaw dito, sa isip-isip nya.
May humintong tricyle at lumabas ang mag-asawang nagmamadaling dumiretso sa abandonadong pulang kotse.
“Ang anak ko!!! Nawawala ang anak ko!!!” ang pagtangis ng ina, si Aling Delia. Humpak ang mukha nito at namumuti na ang buhok na nakapusod. Umaalalay naman ang asawang si Mang Kardo na kayumanggi ang kulay at halatang batak ang katawan sa mabigat na trabaho.
Pumunta si Ramos sa gawi ng mag-asawa para ibalitang wala silang nakuhang anumang gamit ng nawawalang anak. Ultimo rehistro ng sasakyan ay wala. Sinipat-sipat ni Jennica ang kotse at malisyosong naisip na naaatim ng anak na magkaroon ng normal na buhay ang mga magulang samantalang siya ay nagmamaneho ng pinakabagong modelo ng kotse.
“Mary Ann…..Mary Ann, anak ko!” tuluyan nang nawalan ng malay si Aling Delia dahil sa matinding sama ng loob.
Tumakbo naman ang ibang mga reporter para kunan ng litrato ang pagkahimatay ni Aling Delia. Lahat maliban kay Jennica na nakaramdam ng pagkaawa sa mag-asawang dumating.
Chapter 2: Nasaan Ka, Mary Ann?
“Pasensya ka na boss pero wala talaga akong mapiga pang istorya sa kaso na yan!”naiinis na paliwanag ni Jennica sa boss niyang si Mr. Delgado. Nasa 45 anyos lang ito pero kinangingilagan ng mga tauhan niya sa Calamares Today dahil sa init ng ulo. Minana nito ang negosyo ng pahayagan mula sa mga magulang na nasa America na ngayon at sinusulit ang panahon sa ibang mga apo at anak na naroon.
“Talaga? Because you were late! Kung ang editor mo, naiintindihan ka kahit andami nyang dapat trabahuhin sa paggawa mo ng istorya, puwes ako, I don’t tolerate mediocrity in my company!” sabay walk out ni Mr. Delgado.
Naiwan si Jennica na naghahagilap ng sasabihin. Napatingin sya sa editor-in-chief na si Art at saka nagsalita.
“Kasalanan mo ito eh. Alam mong may pasok tayo, nagyaya ka sa birthday. Mag-resign na lang kaya ako?”iiling-iling na sabi ni Jennica.
Napahalakhak naman si Art. Alam nyang hindi tototohanin ni Jennica ang pagre-resign. Ganyang-ganyan din sya noong unang beses na mapagalitan ni Mr. Delgado. Sa kabila ng kaangasan, ang kahinaan ni Jennica ay ang isipin ng tao na nagpabaya sya sa tungkulin o trabaho. Yan ang isang bagay na ingat na ingat silang biruin kay Jennica. Sa totoo, kahit si Mr. Delgado ay aminado sa lakas ng loob ni Jennica. Kung saan nila utusang mangalap ng balita ay nagpupunta ito at napagtatagumpayan naman…maliban sa malaking balita kanina.
“Natatawa ka dahil panghulog ko nga sa motor ko, kelangan ko pang tipirin ang sarili ko, ano?” nakaismid na sabi ni Jennica.
“Kaya ka nakikain sa birthday! Hahaha! Tama na nga ang alburuto. Trabahuhin na natin ang istorya sa kaso ni Mary Ann Gonzales,” natatawa pa ding sagot ni Art.
“Ah, kita mo nga naman. Naroon ako kanina pero parang malala ang hang-over ko kaya hindi ko nakuha ang buong pangalan ng nawawala. Mary Ann Gonzales, ang gandang pangalan. Parang artista lang,”sabi ni Jennica.
Sinimulan ni Jennica na isulat ang malaking balita sa San Isidro. Isang dalaga na 27 anyos ang nawala kahapon ng umaga. Staff ito sa isa sa kumpanyang pagmamay-ari ng pamilya ni Vice Mayor Cordova. Hindi ito nakapasok at inakala naman ng boss niya na masama lang ang pakiramdam. Hindi pala-absent na empleyado si Mary Ann. Normal din sa kanya ang maiwan sa opisina hanggang alas-otso ng gabi. Biro nga ng mga kasamahan nito, sobra naman daw ang pagpapayaman nito dahil sa overtime. Iniisip din ng iba na wala naman talagang dapat i-overtime pero dahil may hinuhulugang kotse kaya gumagawa ng paraan para kumita ng extra.
Sa research na ginawa ni Jennica kay Mary Ann, panganay ito sa tatlong magkakapatid. Ang sumunod ay nasa 21 anyos lang at kaka-graduate sa kursong Education. Ang bunso ay kasalukuyan pa ding nag-aaral sa kolehiyo nang kursong nursing. Dalawang-taong kurso ang kinuha ni Mary Ann at ang unang trabaho nya ay errand girl ng kumpanya. Kalaunan ay naging bookkeeper sya at bago sya nawala, sa document section naman ng kumpanya naka-assign. Very flexible na empleyado, kumbaga. Maaaring mataas nga ang ambisyon ni Mary Ann dahil hindi naman maginhawa ang buhay nila noong siya ay nag-aaral pa lang. Si Aling Delia ay nagsa-sideline noon bilang labandera ng mga mayayamang pamilya samantalang si Mang Kardo ay isang mekaniko sa auto-shop.
“Isang ulirang anak, mabait na kapatid, masipag na empleyado. Iyan si Mary Ann Gonzales at sa kasamaang-palad ay nawawala siya simula kahapon, Pebrero 5, 2019. Nasaan ka, Mary Ann Gonzales?” pagtatapos na panulat ni Jennica saka nya pinadala sa email ni Art para sa editing o review.
Kung ang ibang probinsya ay nakikisabay na sa takbo ng teknolohiya, ibahin ninyo ang Calamares. Gaya ng Calamares Today kung saan nagtatrabaho sila Art at Jennica at pagmamay-ari ng pamilya Delgado, gumagamit pa din sila ng printing press sa halip na i-upload na lang agad ang balita sa website at kumuha ng sponsor para sa advertisements.
“Kung ako, mas pabor akong i-online ang Calamares Today. Eh kaso, paano ang mga gaya ni Mang Lando at Mang Jun? Sa palagay mo may mapupuntahan pa silang iba kung dito na sila inugat sa imprenta?” ang pagtataray minsan ni Mr. Delgado nang banggitin ni Jennica ang proposal niyang i-modernize ang pagbuo nang balita.
Napangiti si Jennica nang maalala yun. Nabawasan kahit paano ang inis nya sa mala-tigreng boss. Hindi naman sya takot o intimidated kay Mr. Delgado. Sa height pa lang niya na 5’4, maliit na ng isang pulgada sa kanya ang matapang na si Mr. Delgado. Paano pa kaya kung “magdalaga” sya at magsimulang magsuot ng high heels? Natawa sya ng palihim. Siguro ay mas makikita na nya ang numinipis na bumbunan ng boss na pilit tinatakpan ng gel at tamang pagkakahati ng buhok.
“Hahaha!” ang hindi niya mapigilang halakhak sa sariling naiisip.
Kapag kuwan ay may bumato sa kanya ng paper ball, si Art. Sa tagal ba naman ng pinagsamahan nila bilang writer at editor, alam na nito ang tumatakbo sa isipan nya. Kung tutuusin, kung hindi rin lang sila kilala ng ibang tao bilang mag-partner sa trabaho ay iisipin ng lahat na magkarelasyon sila. Paano naman ay lagi silang magkasama. Pero alam nila sa sarili nila na napakaimposibleng mangyari noon. Darker version sya ni Joseph Marco pero kapag inaasar siya ni Jennica ay “ugly version” daw. Natatawa naman si Art dahil para pa ba naman kanino ang pagpapagwapo nya kundi sa nag-iisang babae sa puso nya na si Edna. Malaki ang tiwala ni Edna sa partnership nila Art at Jennica. Sa wallet ni Jennica ay naroon ang litrato ng namayapang kuya na malaki ang pagkakahawig kay Art. Nasa isip ng mag-asawa na nami-miss nito nang todo ang namayapang kapatid kaya magaan ang loob kay Art.
Magaan din naman ang loob ng mag-asawa kay Jennica. Hindi rin naman kasi si Jennica ang tipo ng babae ni Art kahit bilang asawa o bilang kabit. Ideal girl nya ang napangasawang si Edna na bukod sa napakahinhin ay napaka-feminine din ng beauty.
Bilog ang mata at matangos ang ilong ng morenang si Jennica. Dating mahaba ang buhok nito noong nagsisimula bilang writer at reporter sa Calamares Today pero panay nabibiktima ng mga sipol-paghanga lalo na’t balingkinitan ang katawan nito at mahahaba ang mga binti. Isang araw ay pumasok ito na hindi nila nakilala sa ikli ng buhok. Mabuti na nga lang at naka-bob cut na ito ngayon kaya lumitaw pa din ang angking ganda ng mukha.
Sinubukan ni Edna na i-blind date si Jennica sa kumpare nila ni Art na si Tony pero nauwi iyon sa inuman. Halos gumapang pauwi si Tony habang si Jennica naman ay tila walang epekto ang limang bote ng beer na nainom. Hindi na nasundan ng second date yun at binalaan na din ni Art si Edna na hayaan na lang si Jennica na makakita ng lalaking para sa kanya.
Chapter 3: Mga Katanungan
Pebrero 6, 2019, alas-otso ng umaga sa tahanan ng mga Gonzales.
“Tao po…tao po…Jennica Tolentino po from Calamares Today,” katok ni Jennica sa kahoy na gate.
Tilaok ng mga manok na panabong ang sumagot kay Jennica.
“Tao po…tao po….”sambit ulit nito.
Bumukas ang bintanang kapis at tumanaw ang isang matandang babae.
“Ano pong maipaglilingkod namin sa inyo?” sagot ni Aling Delia.
Hindi agad nakakibo si Jennica. Mas humapis pa ang mukha ni Aling Delia kaysa kahapon na una nyang nakita ang mag-asawa. Andun sa loob niya ang pag-aalinlangan kung ito ba ang tamang panahon para makapanayam niya ang pamilya ni Mary Ann gayung halos wala ang mga ito sa maayos na kalagayan gawa ng pag-aalala. Gayun pa man ay umakyat sya sa bahay ng mga Gonzalez nang senyasan sya ni Aling Delia na pumanhik.
Hinubad niya ang sapatos at itinabi sa kahoy na hagdan. Ang panlabas na disenyo ng bahay ay gawa sa sawali pero ang panloob ay kahoy. Payak ang tahanan ngunit napakalinis kung kaya’t para kay Jennica ay isa na itong magandang bahay.
“Magandang araw po, ako po si Jennica Tolentino. Palagay ko po ay nagkita na tayo kahapon sa highway pero hindi tayo nagkaroon ng pagkakataong magkakilala. Jennica Tolentino po from Calamares Today,” iniabot ni Jennica ang kamay kay Aling Delia. Agad namang nakipagkamay ang ale at pinaupo sya sa kawayang sofa.
“Alam nyo po, kayo lang sa Calamares Today ang interesado sa pagkawala ng anak ko. Hindi ko na babanggitin ang ibang pahayagan pero ang totoo ay lumapit na kami sa iba para sana maisa-publiko ang pagkawala ng anak namin. Pero hindi po kami pinapansin at baka daw nagtanan lang si Mary Ann,” ang nangingilid sa luha na sabi ni Aling Delia.
“Servicio publico po ang hatid namin sa Calamares Today. Ito po ang dahilan kung bakit ako pinapunta dito nang boss namin. Nagpapakuha po sya sa akin nang latest photo ni Mary Ann para mailathala namin ang kanyang pagkawala. Chineck ko po ang Facebook nya pero wala po syang litrato doon,” paliwanag ni Jennica.
Napangiti nang matamlay si Aling Delia.
“Hindi mahilig sa Facebook ang anak ko. Kaya lang siya nag-Facebook ay dahil sa mga dating kaklase na ine-etsa pwera siya sa group activities dahil daw wala syang Facebook. Ang hindi nila alam, wala din namang cellphone si Mary Ann noong nag-aaral sya dahil mahirap kami,” ang maluha-luhang kwento ni Aling Delia.
“Pero kahanga-hanga po ang kasipagan ni Mary Ann dahil, tama po ba, kanya ang abandonadong pulang kotse sa highway?” ang ingat na ingat na tanong ni Jennica.
Kumislap nang kaunti ang mga mata ni Aling Delia. Halatang pinagmamalaki ang achievement ng anak.
“Oo, pero hinuhulugan niya yan buwan-buwan. Sinasagad niya nga lang ang katawan nya sa overtime. Yung pang-down niya, wag ka na lang maingay, napanalunan niya nang konti sa lotto. Yung trenta mil na natira ay ibinigay sa tatay niya pandagdag ng puhunan sa auto-shop nila ng kumpare nya. Syempre, tuwang-tuwa ang ama,”ang sabi ni Aling Delia.
Napaisip ng malalim si Jennica. Sino ang sasalbahe sa isang babaeng walang ginawang masama sa kapwa? Kung ito ay kidnapping, bakit wala pang ransom money na hinihingi kung sino man sila. At kung ito naman ay pagnanakaw, bakit hindi tinangay ang bagung-bagong sasakyan? Kung papaniwalaan ni Jennica ang alingasngas na nakarating sa kanya, madalas makita ang kotseng pula na yun sa kabilang bayan ng San Isidro. Pero bakit tila walang alam ang pamilya ni Mary Ann sa kinakatagpo nya doon?
Uusisain na sana nya si Aling Delia nang makatanggap siya nang tawag mula kay Art. Nagmamadali siyang nagpaalam kay Aling Delia at nilitratuhan na din ang graduation picture ng dalaga dahil yun lang ang nag-iisang most recent photo ni Mary Ann sa bahay.
Lubos-lubos naman ang pasasalamat ni Aling Delia sa pagbisita niya at tigas na hingi ng paumanhin dahil ni hindi man lang siya naipaghanda ng kape.
“Babalik po ako sa ibang araw,” sabay harurot ng motorsiklo papuntang presinto.
Malamig pa rin ang simoy ng hangin sa kabila ng papatirik na init ng araw. Alam nyang hindi magtatagal ang lamig ng simoy ng hangin na iyon dahil umiinit naman talaga ang panahon bigla sa pagsapit nang Marso. Dumadampi ang malamig na hanging ito kahit paano sa balot na katawan ni Jennica. Nang malapit na sya sa plaza ay nag-ring ang cellphone nya. Itinabi niya ang motor at saka sinagot ito.
“Ano? Akala ko ba sa presinto ako pupunta?”inis na tanong nya.
“Pasensya na, sabi ng contact ko sa munisipyo ay nasa provincial hospital daw. Ngayon ko lang din nalaman,” si Art.
Napa-buntunghininga si Jennica hindi dahil nasayang ang beinte minutos ng araw nya kundi dahil naroon ang matinding pagnanais nyang makita ang taong iyon. Pinaharurot nya ang motor papuntang provincial hospital.
Sa lobby ng ospital ay tila wala pang nakakaalam sa mga kaganapan. Nakaupo ang pulis na si Delos Santos sa isang sulok at hindi lumilikha ng atensyon. Sinenyasan siya nito na maghintay muna at umupo sa stainless na upuan sa waiting area. Bumukas ang partition door at lumabas ang isang lalaking nasa 35 anyos, nasa 5’7 ang taas, kayumanggi at nasa katamtamang laki ang katawan. Nakaposas sa harap ang mga kamay nito at iika-ikang naglalakad kasunod ang matangkad na pulis sa likod nito.
Lumapit si Jennica sa pulis pero tiningnan siya nang matalim nito. Agad niyang pinakita ang ID nya pero lalong tumalim ang tingin ng pulis sa kanya.
“Jennica Tolentino po from Calamares Today. Hihingan ko lang ng pahayag ang suspect,”giit ni Jennica.
“Bakit po dinala nyo sa ospital ang suspect? Totoo po ba na hinimatay ang suspect sa kustodiya ninyo?” tanong ni Jennica sa pulis na noon nya lang din nakita. Kakaiba ito sa mga pulis na nakasalamuha niya gaya nila Ramos at Delos Santos.
“Hinimatay sya dahil sa high blood pressure. Ikaw ba naman ang makipaghabulan sa amin sa highway kung hindi ka mapagod nang todo,” ang walang kangiti-ngiting sagot ng pulis.
“Ano po ang pangalan ng suspect?” follow-up question ni Jennica sa pulis.
“Inaalam pa namin. Tatlong magkakaibang ID ang hawak niya at lahat ay puro peke lang. Ang sigurado ako ay siya ang matagal ng tinutugis ng batas na si alyas Palos. Involved ang grupo niya sa highway robbery at murder,” matalim na tingin ng pulis kay Palos.
Lumapit ang pulis na si Delos Santos sa kanilang tatlo at sinabing dadalhin na sa presinto si Palos. Mabilis namang sumakay nang motor nya si Jennica at sinundan ang mobile ng pulis na parang naka-convoy. Ang kulungan ay nasa pinakadulong bahagi ng munisipyo na may short-cut na pinto papunta sa pinaka-lobby nito. Dito dumaraan ang mga may katungkulan sa bayan gaya ng mayor, vice-mayor at mga konsehal kung may tinitignang akusado. Sa mga walang katungkulan, kinakailangang gamitin ang pinto sa kabila na hindi rin naman kalayuan.
“Malaking gulo ang pinasok mo, Palos! Kung dati rati ay singdulas ka ng palos, ngayon ay nasa mga kamay ka na namin,” si Mayor Toribio.
“PABAYAAN NYO AKO! KARAPATAN KONG MALAMAN ANG TOTOO!”
Isang matangkad na lalaki ang galit na galit na pumasok sa presinto. Sa tangkad nito ay halos nadadala ang dalawang pulis na pumipigil sa kanya.
“Sir, for inquest na yan bukas, baka gusto ninyong kumalma muna?” sabi ng isang pulis na nakahawak sa kaliwang braso ng lalaking sumigaw.
“Madali para sa inyong sabihin yan dahil hindi kayo ang nawalan!”
“At ano naman ang maipaglilingkod ko sa inyo?” sabad ni Mayor Toribio.
Lumapit ang mayor sa nanggagalaiting lalaki at agad itong kumalma. Halos magkasingtangkad sila ng mayor pero animo’y nakakakita ng mabangis na pastol at naging maamong tupa ang lalaki. Nang maramdaman nang dalawang pulis na kumalma na ang lalaki ay saka binitawan nila ito. Agad namang inayos ng lalaki ang T-shirt na nagusot at pumormal na tumungo sa mayor.
“Dave Malonzo po, Mayor Toribio. Ako ang boyfriend ni Mary Ann.”
Napatingin si Jennica sa mukha ni Dave. Sa unang pagkakataon ay may lalaking nakapukaw ng atensyon niya. Matangkad, matipuno ang pangangatawan at may mukhang akala mo ay sa pelikula mo lang makikita. Tamang-tama lang ang kayumangging kulay nito na lalong nagpapatingkad sa kanyang alindog bilang lalaki. Nakisimpatya naman ang mayor sa damdamin ni Dave at tinapik-tapik ang balikat nito.
“Wag kang mag-alala. Mahahanap din natin si Mary Ann. Paaaminin natin si Palos,” ang tila may kasiguraduhang sabi ng mayor.
Habang abala sa pag-uusap si Mayor Toribio at Dave ay sumalisi naman si Jennica patungong selda ni Palos. Isang maliit na selda na may 2 double-deck bed ang naroon. Pinalibot ni Jennica ang mata at nabilang na nasa trese katao ang pinagkakasya dito. Sa bandang kaliwa ay may shower curtain na nagsisilbing privacy ng mga gustong gumamit ng banyo. Dahil bagong salta si Palos ay dun sya sa silong ng double deck matutulog, karton ang higaan para mabawasan ang lamig ng sahig ng kulungan.
“Palos, ako si Jennica Tolentino ng Calamares Today. Pwede mo ba akong paunlakan ng maikling interview?” ang mahinang salita ni Jennica.
Mula sa pagkakaupo sa isang sulok ay tumayo si Palos. Walang kakibo-kibo itong lumapit sa rehas. Napaatras nang kaunti si Jennica para hindi siya maabot ni Palos. Ang ibang nakakulong naman ay nagkantyawan na sila na lang ang interviewhin dahil pangarap daw nilang ma-dyaryo. Ang isa ay pinuri pa ang reporter at sinabing magbabagong-buhay sya basta mai-date nya lang si Jennica.
“Palos, ano’ng masasabi mo sa mga akusasyon sa iyo na ikaw ang dumukot kay Mary Ann Gonzales?”
“At bakit ko naman gagawin yun sa kanya? Mayaman ba sya?” ang pabalang na sagot ni Palos.
“Ikaw kasi ang may background sa highway robbery at hold-up at isa ka din sa tinuturong mastermind sa pagpatay sa mayamang negosyanteng taga-San Joaquin,” pilit na tinatapangan ni Jennica ang kalooban.
“Kung gayon ay bakit ngayon lang ako nakulong? Di ba dapat noon pa nila ako tinugis?”ang malamig pero nakaka-intimidate na sagot ni Palos.
“Paano ka naman matutugis kung lahat kami ay walang alam kung sino ka ba talaga? Ano ba talaga ang pangalan mo, Palos?” ang nabuhayan ng loob na sagot ni Jennica.
Tumitig si Palos kay Jennica na parang kinakalkula ang pagkatao nito. Hinubad nito ang suot na long sleeve at tinapon sa sahig. Nanlamig si Jennica sa inasal ng preso pero pinilit nyang huwag ipahalata ang pagkatakot nya. Kasunod ng long-sleeve ay hinubad naman ni Palos ang puting T-shirt. Tumambad kay Jennica ang bugbog sa katawan ni Palos. Itinaas din nito ang maong na pantalon para ipakita ang binting puro pasa. Kaya pala iika-ika itong naglakad noong nasa ospital ito kanina.
Kumapit si Palos sa rehas at may ibinulong kay Jennica.
“Wala akong kinalaman sa pagkawala ni Mary Ann Gonzales. Itanong mo kay Mayor Toribio kung bakit apurado syang isara ang kasong ito,” ang tiim-bagang sabi ni Palos.
Iyon lamang at tumalikod na si Palos. Dali-dali namang umalis si Jennica sa lugar ng selda. Naroon pa din si Mayor Toribio at Dave na abala sa pag-uusap. Di gaya kanina ay kampante na ang mukha ni Dave. Habang pasakay ng motor ay napaisip si Jennica kung fall guy nga lang ba si Palos at bakit sa dinami-rami ng atraso nito sa Calamares ay sa kaso pa ng isang karaniwang mamamayan interesado si Mayor Toribio. Ganun pa man, ang pamilya pa rin ni Mary Ann ang pinaka-biktima ng mga kaganapan dahil tatlong araw na itong nawawala.
Chapter 4: The Secret Boyfriend
“Ayos ka lang ba?Namumutla ka kahapon pagkagaling sa presinto eh,” pang-aasar na biro ni Art kay Jennica.
“Naku, wag mo kong istorbohin at nagmamadali ako para sa follow up story doon sa parents ni Mary Ann,” sagot naman ni Jennica.
“Ano pa ba naman ang ipa-follow up story mo? Nahuli na ang salarin. Umamin na ang salarin kani-kanina lang. Ano pa bang kailangan doon sa side ni Mary Ann?” ang tila frustrated na litanya ni Art.
Tama naman si Art dahil sa issue ng pagkawala ni Mary Ann ay natabunan ang mas malalaking issue ng Calamares gaya ng pagpayag ng gobernador na gawing landfill ang isang baranggay sa San Diego, ang union strike sa factory na pag-aari ng pamilya ng asawa ni Mayor Toribio at ang kurapsyon sa ahensya ng gobyerno na nag-aayos ng mga kalsada. Isama pa natin ang umiinit na tensyon sa pagitan ni Mayor Toribio at ni Vice Mayor Cordova na balitang magkakasagupa sa pagka-mayor sa susunod na halalan.
“Hindi aamin ang salarin at walang Mary Ann na lalabas,” halos pabulong na sabi ni Jennica, nag-iingat na may makarinig.
“Paano ka naman nakasiguro?” patawang tanong ni Art.
“Mark my words, Art. Walang Mary Ann na lalabas,” at lumabas si Jennica para puntahan ang pamilya ni Mary Ann. Naiwan si Art na iiling-iling na lang.
Sa bakuran ng mga Gonzalaes, dinatnan ni Jennica ang nakaparadang itim na Fortuner. Nagdadalawang-isip si Jennica kung itutuloy ba niya ang pagkatok dahil baka may ongoing na interview ang mag-asawa para sa ibang pahayagan. Paalis na siya nang may marinig siyang nagsalita.
“Mabuti’t nadalaw ka,”si Aling Delia pala.
“Kayo po pala, Aling Delia. Ginulat ninyo ako,” ang nakangiting tugon ni Jennica.
May dalang isang litrong softdrink si Aling Delia at isang supot na sa tingin niya ay mga biskwit. Lalong tinamaan ng hiya ang dalaga na ituloy ang pagpunta dahil tama nga na may bisita ang mga Gonzales. Nagdahilan si Jennica na napadaan lang at babalik na lang sa ibang araw pero mapilit ang ale na papanhikin siya. Walang nagawa si Jennica kung hindi sumunod kay Aling Delia sa loob ng bahay.
Pagbungad niya sa pinto ay tumambad sa kanya ang pamilyar na mukhang iyon. Namula ang kanyang mga pisngi at pumino ang kilos.
“O, tamang-tama ang dating mo, Jennica. Ipakikilala ko sa iyo ang boyfriend ni Mary Ann,”maaliwalas ang mukha ngayon ni Mang Kardo kumpara noong unang beses nyang makita ito.
Tumayo ang bisita at iniabot ang kanang kamay kay Jennica.
“I think I’ve met you just recently. Hindi ko lang matandaan kung saan,”ang nag-iisip na sabi nito.
Nakipagkamay si Jennica sa bisita.
“Jennica Tolentino from Calamares Today. Oo, palagay ko ikaw yung nakita ko sa presinto kahapon,” pakiramdam ni Jennica ay namumula ang mga pisngi niya.
“Dave Malonzo, tama, sa presinto kita nakita,”nakangiting tugon ni Dave. Lalong namula ang pisngi ni Jennica.
“Umupo muna kayo nang makapagpalamig nang kaunti. Pasensya na at yan lang ang naihanda namin para sa inyo. Jennica, malaki ang utang na loob namin sa Calamares Today dahil nakalampag ninyo ang damdamin ng mga kababayan natin. Sino ba naman ang papansin sa isang hamak na mahirap lang?” napatawa ng mahina si Mang Kardo. Tawa na senyales ng pagtanggap na naroon sila sa babang bahagi ng lipunan. Laylayan, sabi nga nila.
“Ang nasorpresa din kami ay may boyfriend pala ang anak namin,”nakangiting sabi ni Aling Delia sabay tingin kay Dave.
Nagtama ang paningin nila ni Dave at napaisip siya kung bakit hindi alam ng mga magulang ni Mary Ann ang pagkakaroon nito ng boyfriend. Nasa tamang edad na ito para magpasya sa sarili at hindi rin naman sila ang uri ng magulang na mahilig makiaalam sa personal na buhay ng anak.
“Kahapon ko pa ho alam na boyfriend sya ni Mary Ann. Nagkita kami sa presinto nung ipasok si Palos sa selda,”sabi ni Jennica habang pinagmamasdan si Dave. Napayuko si Dave sa nadinig.
“Aba, hindi mo yata nabanggit, Dave na nakita mo na si Palos?” nagtatakang tanong ni Mang Kardo kay Dave.
“Ah, eh, masyado po akong na-overwhelm sa first meeting natin kaya nawala sa isipan ko si Palos,”sagot ni Dave at ininom ang softdrink pagkatapos.
Tahimik lang si Jennica na nakikiramdam sa kaharap. Naroon ang matinding atraksyon niya kay Dave Malonzo pero dinaraig ito ng samu’t-saring katanungan kung bakit ngayon lang ito nagparamdam sa mga magulang ni Mary Ann sa halos tatlong araw na pinaghahanap si Mary Ann. Bakit mas inuna ni Dave ang pagpunta kay Palos kaysa makipagtulungan sa pamilya ni Mary Ann na hanapin siya? Napansin ni Dave ang mga mata niyang may pagtataka. Nakipagtitigan ito sa kanya hanggang si Jennica na ang sumuko dahil nakakapaso ang mga titig nito.
“Paano po, Aling Delia at Mang Kardo, hindi na po ako magtatagal. Gusto ko lang malaman ninyo na may suspect na sa kaso ni Mary Ann. Mauna na ako sa iyo, Dave,” paalam ni Jennica.
Pinipigilan sana siya ng mag-asawa pero magalang niyang tinanggihan ang mga ito. Pinaandar nya ang motor niya pero di pa sya nakakalayo ng bahay ay naramdaman niyang hindi pantay ang andar. Pagbaba niya ng motor ay tama nga ang hinala nya. Flat ang gulong niya sa likod, may malaking pako na bumaon dito. Napasalampak sya sa lupa sa inis.
“O, sumemplang ka ba?”
Tiningala ni Jennica ang boses. Si Dave. Naka-extend ang kamay nito para tulungan siyang tumayo. Inabot naman niya at tumayo.
“Hindi ako sumemplang. Frustrated lang ako dahil flat ang gulong ko. Ang pinakamalapit na talyer ay dun pa sa kabilang baranggay,”ang parang batang nagsusumbong na sabi nya kay Dave.
“Maliit na bagay lang yan. Ihahatid kita sa kabilang barangay para masundo ang mekaniko,”sabi ni Dave habang pinapagpag ang kamay na nadumihan.
Namula si Jennica. Hindi niya akalaing mag-o-offer si Dave.
“Wag na. Maaabala pa kita. May masasakyan namang tricyle dyan sa may kanto,” sabay baling nya ng tingin sa direksyon ng kanto.
Natawa ng marahan si Dave.
“Jennica, ang kanto na yan ay kailangan mong lakarin ng trenta minutos. Medyo malayo ang bahay nila Mary Ann,” binuksan ni Dave ang front passenger seat para kay Jennica.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Jennica at sinamantala ang pagmamalasakit ni Dave. Mabango ang loob ng sasakyan ni Dave. Malinis din ito at walang makikitang kalat o alikabok. OC (obsessive-compulsive) ang impresyon nito sa binata.
“Ang ganda naman ng sasakyan mo,” ang papuri nito kay Dave.
“Thank you. Ikaw pa lang ang babaeng nakasakay diyan bukod sa nanay ko,” ang sabi naman ni Dave.
“Hmmm…hindi pa nakakasakay si Mary Ann dito?” maintrigang tanong ni Jennica.
Tumingin si Dave sa kanya, “May kotse si Mary Ann,” ang maikling tugon nito.
Napatawa ng marahan si Jennica. Bakit nga ba nya hindi naisip na may kotse nga palang sarili si Mary Ann. Bakit nga ba ito papasundo kay Dave kung siya mismo ang nagda-drive ng sasakyang pag-aari.
“Medyo surprised sila Aling Delia sa iyo kanina. Ano ba kasi ang set-up ninyo at hindi kayo agad lumantad ni Mary Ann?”palagay sa loob na tanong ni Jennica.
“Naku, interview ba ito?” nakangiting tanong ni Dave habang nagmamaneho.
“Off the record. I just want to know,” nakangiti ring tugon ni Jennica.
“It’s a long story. But basically, it was Mary Ann’s decision not to tell her family about us. May tamang panahon daw para dito,” ang sagot naman ni Dave.
Tatango-tango si Jennica bilang pagsang-ayon.
“Well, don’t worry. Malay mo one of these days ay bumalik si Mary Ann. May happy reunion na ulit kayo,” may konting kurot sa puso nya ang pagkakasabi nito.
“Sana nga. Sana. Nang matapos na ang lahat ng ito,” ang umaasang tugon ni Dave.
Chapter 5: Ang Ama ng San Isidro
“Alam mo, Art. Sa lahat ng taong iniiwasan kong interviewhin ay yung mayor ng San Isidro,” ang naiinis na litanya ni Jennica.
“Bakit naman?Dahil ba sa garapalan niyang pagtatakip sa mga kamag-anak niyang may violation ang kumpanya?” ang tanong ni Art.
Ganyan sila mag-usap sa opisina. Nagpapalitan sila ng opinyon tungkol sa mga issue at mga taong sangkot dito. Bilang media, hindi sila pupwedeng magkaroon ng unfair treatment sa mga issue dahil dapat nilang isiwalat ang bawat panig ng istorya. Pinaghahandaan ni Jennica ang one on one interview nya kay Mayor Toribio. Sa loob-loob nya, ito ang assignment na ayaw nya dahil tiyak na pipilitin nyang magpakita ng pagkagiliw komo ang Calamares Today ang nangangailangan ng istorya.
Dinaanan niya sa cubicle ni Mr. Delgado ang pasalubong para kay Mayor Toribio. Sa porma pa lang ng kahon ay alam nyang mamahaling alak ang laman niyon. Napansin naman siya ni Mr. Delgado at tinawag.
“Nga pala. Tumawag ang sekretarya ni Mayor Toribio. Looks like hindi pwede ang 4PM interview dahil may urgent meeting sila ni Governor… but the good news is, tuloy pa din ang interview nyo. Napabuti pa nga dahil sa mamahaling restaurant na gaganapin,” ang nakangiting sabi ni Mr. Delgado.
“Aba, Sir. Galante yata ang Calamares Today basta kay Mayor?” ang hindi malaman kung nang-iinis o natutuwang sagot ni Jennica.
Napatawa ng mahina si Mr. Delgado saka tumayo mula sa pagkakaupo.
“Dyan ka nagkakamali. Dahil sa magandang coverage natin sa Mary Ann Gonzales Kidnapping Case, tumaas ang kumpyansa ng mga tao kay Mayor Toribio. Yang dalawang pahayagang kalaban natin ay binalewala ang kasong ito dahil nga naman nobody si Mary Ann. Sino ba ang mag-aakala na ang mayor ng San Isidro pa ang mamumuno para malutas ang kaso. So, Jennica, si Mayor ang may utang na loob sa Calamares Today. Hence, sagot nya ang dinner date este interview nyo mamaya,” abot-tengang ngiti ni Mr. Delgado.
Tila nasa alapaap si Mr. Delgado habang kausap si Jennica. Bakit hindi, naungusan nya ang dalawang pahayagang kalaban. Hangga’t maaari ay ayaw niyang makunekta ang Calamares Today sa kahit kaninong pulitiko. Lumilipas ang panahon at may pagkakataong natatalo ang pulitiko at kapag nangyari iyon ay pahirapang maka-scoop ng balita sa susunod na administrasyon. Ang totoo ay siya ang gustong makatagpo ni Mayor Toribio pero hindi nya pinaunlakan ang imbitasyon nito dahil sa ayaw nyang mamarkahang isa sa paborito ng mayor. Mabuti na lamang at maagap ang isip nya kaya naitawid nya pa rin ang palusot na may importanteng lakad sya. Para hindi naman masyadong halata, nagmungkahi sya ng isang one on one interview tungkol sa mga efforts ng mayor para labanan ang krimen sa San Isidro kasama na rin ang pagtugis sa hinihinalang kidnapper ni Mary Ann Gonzales na si Palos. Ang kaso, hindi umubra ang 4:00 PM na interview dahil sa biglaang pulong ng mayor kasama ang gobernador. Dahil dito, nauwi sa dinner at interview ang schedule ng mayor. Para naman hindi maging alangan kay Jennica, inutusan niya ang driver niya para maging service nito.
Alas-singko ng hapon, ipinaalala ni Mr. Delgado ang interview ni Jennica kay Mayor Toribio ng alas-siyete ng gabi. Sumagot naman si Jennica na nag-usap na sila ni Mang Turo, ang driver ni Mr. Delgado, na balikan na lang sya sa opisina pagkahatid kay Mr. Delgado nito. Napaatras si Mr. Delgado at nanlalaki ang mga mata na pinagsabihan sya.
“Yan ang isusuot mo mamaya sa interview? Aba, baka kahit sa entrada ng restaurant ay hindi ka papasukin nyan? Magsuot ka naman ng maayos.” sabi nito habang iiling-iling na lumabas ng opisina.
Napasabunot naman sa buhok si Jennica. Malaking abala para sa kanya ang interview hindi dahil gagabihin sya kung hindi wala syang amor sa taong kailangan nyang kausapin. Kilala si Mayor Toribio na mahilig mag-manipula ng interviewer para sa pansarili nitong interes at iyon ang ayaw ni Jennica. Dahil wala naman syang magagawa kundi ang sumunod, nag-ayos na lang sya ng gamit at naghanda para umuwi at doon na lang magpasundo kay Mang Turo.
“Goodluck mamaya, “ ang kantyaw ni Art sa kanya.
Napa-sad face na lang si Jennica at lumabas na ng opisina.
Sa apartment, inilabas nya ang mga damit niyang pangmalakasan, kumbaga. Ayaw naman nyang magmukhang dinner date ang interview kaya pinili nya ang puting long-sleeved polo at itinerno sa puti ding straight-cut na slacks.
“Immaculately beautiful with a heart!” biro ni Jennica sa sarili.
Palibhasa matangkad, mahahaba ang mga binti at slim ang katawan, para siyang modelo kung pagtutuunan lang ng pansin ang pagbibihis. Lumilitaw ang kagandahan ng mukha nya. Hindi na kailangang ayusan ang kilay nya na parang sinadyang nakaayos na. Ang mga mata naman nya ay bilog at parang laging nangungusap. Katamtaman ang tangos ng ilong nya na bumabagay naman sa makipot niyang labi.
Naghahantay sa labas ng gate ng apartment niya si Mang Turo. Napatingin ito at nanibago sa hitsura ng dalaga.
“Mang Turo, baka po tayo mabangga. Eyes on the road po,” ang biro ni Jennica.
“Naku, Ma’am. Bagay po kasi sa inyo ang mag-ayos. Kung hindi ko lang kayo kilala, aakalain kong isa kayo sa mga anak-mayaman dito sa San Isidro,” ang sambit ni Mang Turo.
Napatawa si Jennica. Binagtas nila ang kahabaan ng highway kung saan naroon ang mamahaling restaurant. Nagmamadali siyang bumaba dahil ayaw niyang maunahan siya ni Mayor Toribio sa usapan. Pero nagkamali siya, naroon na sa table ang Mayor.
“Good evening po, Mayor,” ang pagbati nya kay Mayor Toribio na noon ay abala sa pakikipag-usap sa mga waiter ng restaurant.
Hindi agad siya nakilala ng mayor sa ayos nya. Tinignan siya nito mula ulo hanggang paa at saka lamang napalagay nang makita ang ID niya bilang reporter.
“Pasensya ka na. Hindi agad kita nakilala. You look beautiful tonight, Jennica,” sabi nito habang kumukumpas para sabihing umupo na sila.
Pagala-gala ang tingin ni Jennica sa restaurant. Sa tinagal-tagal nang pagkakatira nya sa San Isidro ay ngayon lamang nya napasok ang pinagmamalaking restaurant ng bayan. Napansin ito ni Mayor at biniro siya.
“Don’t tell me, hindi ka pa dinadala dito ng boyfriend mo?”
Napangiti si Jennica at bumawi ng biro.
“Naku, ang future first lady nyo po siguro muna ang mauunang makarating dito.”
Nagkatawanan sila. Ice breaker kumbaga. Hindi kaila sa lahat na sa edad na 54, very much single pa din si Mayor Toribio. May mga naging high profile relationships naman siya pero nauuwi sa hiwalayan dahil na rin sa napaka-abala niya sa trabaho. Nagsimula siya bilang konsehal ng bayan noong nasa beinte tres anyos siya. Pagkatapos ay 3 terminong naging Vice Mayor bago siya naging Mayor. Nagpahinga sya ng tatlong taon kasama ang ina dahil masyadong dinibdib ni Mrs. Toribio ang pagkamatay ng kanyang asawa. Sa tatlong taong iyon ay naging abala naman si Mayor Toribio sa pagpapalago ng naiwang rancho ng kanyang ama. Ang rancho at ang kanyang ina ang tanging libangan niya. Sa kanyang pagbabalik bilang ama ng San Isidro, napagtanto niya na importante talaga ang malakas na makinarya para hindi ka makalimutan ng mga tao. Konting-konti lamang ang lamang nya sa nakalabang tiyuhin ni Vice Mayor Cordova.
“Bueno, palagay ko habang niluluto nila ang inorder kong mga pagkain ay pwede na nating simulan ang interview?” mukhang nagmamadali ang Mayor.
“Sure, Mayor Toribio. Mayor Toribio, pinakamainit na balita ang tungkol sa seguridad ng San Isidro dahil sa pagkawala ni Mary Ann Gonzales. Pinaniniwalaang umaga siya kinidnap dahil hindi sya nakarating sa pinapasukan niyang opisina na pagmamay-ari ng pamilya nila Vice Mayor Cordova. Bilang ama ng San Isidro, ano pong mga hakbang ang ginagawa ninyo para sa ikalulutas ng kaso at para na rin mapanatag ang mga tao na maayos pa rin ang seguridad ng ating bayan?”
“Alam mo naman siguro, Jennica kung paano namin tinrabaho ang paglutas sa kidnapping case ni Mary Ann Gonzales. Bagama’t naghain ng not guilty plea si Palos, hindi pa rin mababago na umamin sya na sangkot sya sa pagdukot kay Mary Ann.”
“Mayor, papaano po kayo nakakasigurong nagsasabi ng totoo si Palos kung ang mismong pangalan niya nga ay wala pang nakakaalam?”
Tila nabigla si Mayor Toribio sa tanong ni Jennica. Pinag-aralang saglit ng mayor ang ekspresyon ng mukha ni Jennica kung nanunuya ba ito o hindi. Bakas sa mukha ni Jennica ang propesyonalismo at walang kulay ang pagtatanong.
“Malalaman din natin ang tunay nyang pangalan. Hindi sya makakaligtas sa batas. Hindi si Mary Ann ang una nyang kaso. Sangkot siya sa mga nakawan at pangongotong hindi lamang sa San Isidro kung hindi sa gawing San Franciso din,” tinutukoy ni Mayor ang kabilang bayan.
“Mayor, pero unique ang kaso ni Mary Ann dahil kung si Palos nga ang kumidnap sa kanya, siya pa lang ang kauna-unahang kinidnap ni Palos. Bukod dito, hindi pa rin nilalabas ng grupo ni Palos si Mary Ann at wala ding ransom money na hinihingi mula sa mga magulang,” may pag-aalala sa tono ni Jennica.
“Inaalam namin yang anggulong iyan. Maaaring napagkamalan lamang si Mary Ann dahil pareho sila ng sasakyan ng anak na babae ni Mr. Lim. Mahahanap din natin si Mary Ann. Ako, bilang mayor ng San Isidro ay gagawin ang lahat para mapanatili ang kapayapaan sa ating bayan,” nangangamoy-eleksyon, sa isip ni Jennica sa statement ni Mayor Toribio.
Tumagal ng isang oras ang interview ni Jennica kay Mayor Toribio. Sabihin nang nananaig ang pagdududa niya sa sinseridad ng Mayor pero wala siya sa posisyong makipagtalo dito para salungatin ang mga paniniwala niya na naghahanap ng kasagutan. Pumapasok din sa isip niya na gusto lang nitong makisawsaw sa kidnapping issue para bumango ang pangalan.
Dahil dito ay halos hindi niya malasahan ang sarap ng pagkaing nakahain sa kanilang harapan. Naglalaro sa isip niya na kasabay niyang kumakain ang pinakamakapangyarihang tao sa bayan ng San Isidro na obsessed na mapanatili ang imahe ng bayan bilang mapayapa at umuunlad sa kanyang pamamahala. Sa gitna ng kanyang pagmumuni-muni ay napansin niyang kanina pa nagbabasa ng diaryo ang isang lalaki na tatlong mesa ang layo mula sa kanila pero ang diaryo ay halos nasa gawing dibdib na nito. Ang mas kahina-hinala pa ay bakit ito naka-dark shades kahit gabi na. Kinutuban si Jennica na baka natunugan ng mga kasama ni Palos ang kanyang interview at nagmamatyag ito sa kung ano ang magaganap. Nasagi din sa isip niya na baka gaya niya na nakisuyo kay Mang Turo, ay baka driver naman din ito ni Mayor Toribio at nakamasid lang sa amo.
“Mayor, hindi pa po yata kumakain ang driver ninyo. Kanina pa nakatingin sa atin,”ang mahinang banggit ni Jennica kay Mayor Toribio.
Napakunot ng noo ang mayor at saka iginala ang mga mata sa paligid. Sa edad nito ay hindi mo aakalaing tumandang binata na sa serbisyo publiko. May mangilan-ngilan ng puting buhok sa likod ng ulo pero wala pang pangungulubot ang mestisuhin nitong balat.
“Sino ba ang tinutukoy mo? Nasa baba ang driver ko at bodyguard,”nagtatakang sagot ng Mayor.
Itinuro ni Jennica ang mesa kung saan nakaupo ang tinutukoy niyang lalaki ngunit sa isang iglap ay wala na ito. Nasa dulong mesa naman si Mang Turo na sa ngayon ay umiinom na ng kape habang nanonood ng balita sa telebisyon.
“Mukhang pagod ka sa maghapong trabaho, pagkatapos ay naabala ka pa sa interview. Anyway, maraming salamat sa iyo, Jennica. Nariyan naman si Mang Turo na maghahatid sa iyo, ano?” ang panigurado ni Mayor Toribio.
Tumango lamang si Jennica at nagpasalamat sa ipinaunlak na interview ng mayor. Pagkatapos ay pinuntahan na niya si Mang Turo para makauwi.
CHAPTER 6: Masalimuot
Isang linggo na ang nakakaraan pagkatapos ng interview ni Jennica kay Mayor Toribio. Halos isang linggo na ding nasa pahayagan ang ginawa niyang interview dito. Hindi maikakaila na tumaas ang kumpyansa ng mga taga-San Isidro ng dahil sa ginawang interview. Waging-wagi ang pagpapakita ni Mayor Toribio ng malasakit at dedikasyon sa pagpuksa sa krimen sa San Isidro. Napapangiti naman si Art sa reaksyon ni Jennica habang nagbabasa ng mga comment sa nag-iisang Facebook page ng mayor.
“Mukhang hindi ka sumasang-ayon sa pagkaka-post ni Mayor Toribio ng interview mo sa kanya ah,” pang-iinis pang lalo ni Art.
“Wala naman akong pakialam kung i-post niya yan. Facebook nya yan. Ang kinakainis ko ay ang bulag-bulagang mga supporters nya na hindi maisip na ginagawa niya lang yan para sa pagpapabango ng pangalan,”ang sagot ni Jennica.
“Binubura syempre nang admin nya ang lahat ng comments na di pabor sa kanya. Sige, subukan mong mag-comment. Ano ba sana ang isusulat mo?”tanong ni Art.
“Mayor Toribio, puro ka papogi pero ginagamit mo lang si Mary Ann Gonzales para sa pulitika. Ano ba si Palos? Fall guy nyo?” ang sunod-sunod na type ni Jennica sa comment section.
“Oy, oy, oy! Masamang sabihin yan. Madami kang makakaaway niyan. Akin na nga ang phone mo,”hahablutin sana ni Art ang cellphone pero mas maagap ang mga kamay ni Jennica sa pagtago sa likuran niya. Nasa ganun siyang puwesto nang mag-vibrate nang sunod-sunod ang phone. Maya-maya ay nasa harapan na nila si Mr. Delgado na nakasimangot at tila may masamang balita.
“Ano’ng kalokohan itong comment mo, Jennica?” dumadagundong ang boses ni Mr. Delgado sa galit.
Ipinaliwanag ni Art na nagbibiruan lamang sila pero aksidenteng napindot ni Jennica ang send button. Sinabi naman ni Jennica na iyon naman talaga ang nasa isip niya pero hindi niya sinasadyang maipadala ang komento sa Facebook page ni Mayor.
“Sana, hindi ko ginamit ang buo kong pangalan dahil nakakahiya naman sa Calamares Today,” ang may pagkainis na sabi ni Jennica habang nakatingin sa laptop at nagta-type.
“Jennica, palalabasin natin na na-hack ang Facebook mo. Yan ang sinasabi ko kaya ayoko sa social media na yan. Ang diaryong to, simula kabataan ng nanay ko, ang opisyal na pinaniniwalaan ng San Isidro sa mga kaganapan……” hindi na nadinig pa ni Art at ni Jennica ang huling mga salita ni Mr. Delgado pero saulo na nila ang sasabihin nito na ang Calamares Today lang naman ang tunay na may malasakit sa Calamares at ang bayan ng San Isidro ay dapat matuwa na may isang patas na pahayagan na nagmamalasakit sa mga mamamayan.
Bumalik na si Art sa desk nya habang si Jennica naman ay nagsimula na ring tignan ang mga dapat niyang gawin para sa maghapon. Maya-maya ay naabala sya ng sunod-sunod na mensahe galing sa kanyang Facebook messenger.
“JENNICA TOLENTINO, MATAPANG KA PALA TALAGA.”
“BAKA GUSTO MONG MAY PAGLAGYAN ANG TAPANG MO?”
“MAG-IINGAT KA, LALO PANAY KANG NAG-IISA.”
“WALA KANG ALAM SA KASO NI MARY ANN GONZALES KAYA ITIKOM MO ANG BIBIG MO.”
Nanlaki ang mga mata ni Jennica. Nanlamig ang mga kamay sa nabasa dahil unang beses niyang makatanggap ng pangha-harass sa social media.
“Art, Art….death threat ba ito?” nanginginig ang mga kamay ni Jennica.
Ipinakita ni Jennica ang mga mensahe sa kanya. Nag-alala naman si Art para sa kaligtasan ng kaibigan.
“Hindi kaya na-offend mo ang mga supporters ni Mayor?”nag-aalalang sagot ni Art.
Hindi agad nakasagot si Jennica. Tumayo siya at nagpunta sa opisina ni Mr. Delgado. Kunot-noong binasa ni Mr. Delgado ang mga mensahe at saka parang nainis na ibinalik ang cellphone.
“Kita mo ang napapala ng carelessness mo? Ayan, mga fake threats ang napapapala mo,” sabi nito na halatang hindi naniniwala sa mga nabasa.
“Mr. Delgado, hindi ba dapat mag-ingat pa rin ako dahil baka nagalit sa akin ang mga supporters ni Mayor?”ang sabi ni Jennica.
“Jennica, basahin mo ang FB page ni Mayor. Inabswelto ka nga na na-hack ang account mo kaya wag mo nang palakihin pa ang issue. Hindi sila naniniwalang ikaw ang nagpadala ng kalokohan mong comment kanina,” saka bumalik ulit sa pagbabasa ng kung ano si Mr. Delgado sa kanyang laptop.
Dahil pakiramdam niya ay wala namang kakahinatnan ang pagsusumbong niya sa boss niya, lumabas na lang si Jennica ng opisina ni Mr. Delgado at bumalik sa desk niya. Nakasunod naman ng tingin si Art na tinitignan ang reaksyon ng kaibigan. Alam nya ang pakiramdam ng may death threat dahil siya man ay nakatanggap din nito mula ng panay batikusin ng Calamares Today ang pamamalakad ng dating mayor na sangkot sa ilegal na pasugalan. Nagpalamig siya noon ng halos isang taon at pansamantalang pinatira sa tiyahin ni Edna ang kanyang pamilya. Lumamig lang ang pagbabanta nang ma-stroke ang dating mayor at umupo ang vice mayor na kaalyado naman ng mga Toribio. Bagama’t hindi tinotoo ang banta sa kanyang buhay, nag-iwan pa din ito ng trauma kay Art. Madalas nilang pag-awayan ni Edna ang trabaho niya bilang mamamahayag pero narito ang puso niya. Kung tutuusin ay malawak ang lupang sakahan ng pamilya ni Art at naghahantay lamang na pagyamanin niya ito.
Tumunog ang cellphone ni Jennica. Kinabahan na naman siya. May di kilalang numero sa screen niya. Ibinigay niya ang cellphone kay Art para siya ang sumagot. Nangingiti naman si Art na ibinalik sa kanya ang cellphone.
“May taga-sagot ka pa pala ng cellphone,”sabi ng lalaki sa kabilang linya.
“Sino ‘to?”matapang na tanong ni Jennica.
“Si Dave ito.”
“Paano mo nakuha ang number ko?” panigurado ni Jennica kung si Dave nga ba talaga ang kausap.
“Kay Nanay Delia. Galing ako doon kanina. Dinalaw ko lang dahil nag-aalala ako na isang linggo na ay hindi pa rin maibalik ng grupo ni Palos si Mary Ann.”
“Ano..ano’ng maipaglilingkod ko sa iyo?” nagtataka pa ding tanong ni Jennica.
“Nabasa ko ang interview mo kay Mayor Toribio. Wala ba siyang nabanggit na ongoing operation ng kapulisan para matugis ang mga kasama ni Palos?” tanong ni Dave.
“Ongoing yun, Dave. In fact, very optimistic si Mayor Toribio na buhay pa at makakabalik si Mary Ann. Walang ransom money, wala namang nakitang bangkay kahit sa kalapit na probinsya at huwag naman sana,”sagot ni Jennica.
“You sound like you have your full confidence on Mayor Toribio,”pagbibiro ni Dave.
“And why not?”sagot naman ni Jennica.
“Hmmm, so it’s true na na-hack lang ang account mo kaya ka nag-comment kanina sa FB page ni Mayor?” ang usisa ni Dave.
Ipinaliwanag ni Jennica na ganun nga ang nangyari habang nakatingin si Art na natatawa sa pangyayari.
“Pero maraming salamat talaga sa Calamares Today lalo na sa iyo na pursigidong makatulong para mahanap si Mary Ann. Bawat araw na dumaraan ay pahirap nang pahirap sa amin. Wala akong ibang ginagawa sa araw-araw kundi ang galugarin ang bawat sulok ng Calamares makita lang siya,” malungkot ang boses ni Dave.
“Maliit na bagay lang ang kaya kong maitulong. Personal ang dahilan ko sa kaso ni Mary Ann,”maiikling sagot nito at saka tinapos ang usapan nila ni Dave.
Alam ni Art ang kwento ng buhay ni Jennica. Taga-San Isidro ang ama ni Jennica ngunit hindi niya ito nakasama nang matagal. Ang kanyang ina ay taga-kabilang probinsya na tatlong oras lamang ang layo sa Calamares. Hiwalay ang kanilang mga magulang at mag-isa silang tinaguyod nang kanilang ina sa pamamagitan ng pagtitinda at iba pang pagkakakitaan. Noong namatay ang kanilang ina ay walong taong gulang pa lamang siya kaya naiwan sila nang kuya niya sa pangagalaga ng kanilang tiyahin.
Pabigat ang turing ng tiyahin niya sa dalawang bata kaya nang kaya nang lumuwas ng Calamares ay pinagsabihan nito ang kuya niya na humingi ng sustento para sa kanilang dalawa. Nasa labing-apat na taong gulang lamang ang kuya niya na matyagang binibyahe ang Calamares sa pamamagitan ng pakikiusap sa mga taga-palengke na pasakayin siya sa jeep na pang-angkat ng mga gulay at prutas. Nakakatipid sa pamasahe ang kuya niya dahil dito. Pag-uwi nang kuya niya ay may pasalubong na mga prutas para sa kanya dahil umeekstra din itong taga-buhat ng paninda ng mga sinasakyang nag-aangkat. Matatamis din ang mga ngiti ng kanilang tiyahin tuwing araw ng pagkuha ng sustento. Ngunit may pagkakataon din na basang-basa na sa ulan ang kuya niya galing sa pagkuha ng sustento pero wala itong napala dahil hindi sinabi ng ama nila na nasa seminar siya. Sa halip na kaawaan ay pinagsalitaan pa ng tiyahin niya ng masasakit ang kuya niya dahil walang uwing pera.
“Kuya, ano ba ang hitsura ni Tatay? Bakit lumaki ako na hindi ko siya nakilala?” minsang tanong niya kay Bestre, ang kuya niya.
“Kumplikado kasi ang naging relasyon nila nanay at tatay. Kahit naman ako ay nagtataka din kung bakit ganito ang set-up nila. Ayaw na ding pag-usapan pa ni nanay ang nakaraan niya,” malungkot na sabi ni Bestre.
“Sabi nga ni nanay, paglaki ko daw ay maiintindihan ko ang nangyari. Paano ko siya maiintindihan kung wala na siya para magpaliwanag sa akin?” inosenteng tanong nang noon ay 10 taong gulang na si Jennica.
“Wag kang mag-alala. Andito naman ang kuya mo. Kahit namatay si nanay at pinabayaan tayo ni tatay, andito pa rin naman ako. Sige, hinahantay na ako nila Ka Metring. Ngayon ang kuha ko ng sustento galing kay tatay.”
At iyon ang huling pagkakataon na nagkausap silang magkapatid ng masinsinan. Habang binabagtas ng jeep nila Ka Metring ang highway papuntang Calamares ay nagdire-diretso ito sa bangin. Patay ang driver, isang pahinante at sa kasawiang palad ay pati si Bestre. Nabaliaan naman ng buto si Ka Metring at halos isang taong di nakalakad.
Kahit sa burol ni Bestre ay hindi tumigil ng kakapuna ang kanilang tiyahin. Naabala daw sila dahil sa gastusin sa burol gayong marami namang tulong na dumating dahil nga sa likas na mabait at matulungin din sa mga kapitbahay si Bestre. Dahil dalawang taon pa lang mula ng mamatay ang kanilang ina, hindi din mapagsama sa iisang hukay ang mag-ina kaya lalong nainis ang kanilang tiyahin na kailangan pang bumili ng isang hukay para kay Bestre. Nagmagandang-loob naman si Ka Metring na ipagamit ang hukay nila kung kaya’t nasa magkaibang libingan ang mag-ina.
Ni anino ng ama ay hindi nakita ni Jennica. Nabuo ang matinding sama ng loob niya sa amang ni hindi niya nakagisnan. Tiniis niya ang pakikisama sa tiyahin dahil na rin sa mababait naman ang mga pinsan niya. Inintindi niyang mahirap nga sigurong maging balo at may dagdag pang responsibilidad. Noong siya ay 14 taong gulang ay namasukan siyang tindera sa bayan. Nag-aaral siya sa umaga at nagtitinda sa hapon mula alas-3 hanggang alas-siete. Tumutulong siya sa pagliligpit at bilang konswelo ay naililibre naman siya ng hapunan ng amo. Sa sahod niya dito kinukuha ang kanyang allowance sa eskwelahan. Noong kolehiyo na siya ay sa Calamares na siya nag-aral dahil dito siya nakakuha ng scholarship. Naging maagan ang buhay kolehiyo niya dahil sa scholarship niya na iyon.
First job niya ang Calamares Today, pitong taon na siyang nagtatrabaho dito. Hindi man kalakihan ang sahod ay masaya siya sa trabaho niya. Gumagaan din ang loob niya kapag kasama niya si Art na malaki ang pagkakahawig kay Bestre. Ang mawalan nang mahal sa buhay ay napakasakit na yugto sa buhay niya habang lumalaki kaya alam niya ang hinagpis ng loob ng mga nauulila. Ito ang dahilan kung bakit nakatutok siya basta ang kaso ay tungkol sa naliligaw, nawawala o dili kaya ay mga batang kinikidnap ng mga sariling magulang kapag naghihiwalay ang mag-asawa. Isang bagay din kung bakit pinili niya ang ganitong trabaho ay para mahanap ang nawawala niyang ama. Pero totoo pala ang kasabihang mahirap hanapin ang ayaw magpahanap.
Siguro, ang pinanggagalingan ng malaking simpatya niya sa pamilya Gonzales sa pagkawala ni Mary Ann ay ang pagkawala din ng kapatid at ina niya. Isang malaking palaisipan din ang pagkatao niya dahil sa labing-isang taon niyang paglalagi sa probinsya ng Calamares, ni anino ng sinasabing ama na si Gener Tolentino ay hindi nagpakita sa kanya. Ah, kung buhay pa sana si Bestre, malalaman niya ang totoo sa mga nangyari sa buhay nila. Tikom ang bibig ng tiyahin niya sa usaping personal niyang buhay. Siguro nga, isang malaking pagkakamali ng ina nila ang ibigin ang ama niyang si Gener Tolentino.
CHAPTER 7: Mutual Attraction
“Mabuti naman at pumayag ka sa treat ko,”nakangiting bungad ni Dave kay Jennica.
“Actually, hindi rin naman ako magtatagal. Nagpakita lang,” ang nakangiting sagot ni Jennica.
“You’ve been working hard lalo na sa case ni Mary Ann. Malaki ang pasasalamat namin sa lahat ng efforts mo,” ang sabi ni Dave.
Papaano pa ba siya makakaurong kung nasa mesa na ang breakfast na in-order ni Dave para sa kanila? Umupo na siya at nagsimulang kumain ng sabihin ni Dave na simulan na nila.
“Siya nga pala. Bakit pala nandito ka ngayon sa San Isidro? Nabanggit ni Aling Delia na sa Maynila ka nakatira at sa isang seminar lang kayo nagkakilala ni Mary Ann,” tanong ni Jennica.
“Kagabi ay nag-text si Nanay Delia sa akin. As usual, puno pa rin ng pag-aaalala dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nilalabas ng grupo ni Palos si Mary Ann.”
“I see. Kaya ka napasugod dito…para madamayan sila sa pag-aalala. Ilang years na nga ulit kayong mag-boyfriend ni Mary Ann?”tanong ni Jennica.
Napahinto si Dave sa pagkain. Tumingin ito sa mga mata ni Jennica na parang inaaalam ang pinanggagalingan ng tanong niya. Nakakapaso ang mga tingin ni Dave kung kaya’t binawi din agad ni Jennica ang tingin.
“Secret!” napatawa si Dave.
“Malihim ka pala. Sabagay, kahit nga sila Aling Delia ay hindi rin naman alam na may boyfriend ang anak nila,” sambit ni Jennica.
“Bakit ikaw, hindi ba magagalit ang palagi mong kasama kung makita niyang nagbe-breakfast tayo dito?” tanong ni Dave,
May kung anong kilig na naramdaman si Jennica pero pinilit niyang huwag ipahalata ang damdamin.
“Si Art? Naku, mali ka ng balita. Editor ko yun at matalik na kaibigan. Silang mag-asawa ang kaibigan ko,” ang sunod-sunod na paliwanag ni Jennica.
Tumingin ulit si Dave sa mukha ng dalaga.
“Sa ganda mong yan, wala kang boyfriend?” tanong ni Dave.
Hindi na napigilan ng mga pisngi ni Jennica na mamula. Wala pang ibang taong nagtanong sa kanya tungkol sa lovelife niya maliban kay Edna at Art.
“Walang nagkakamali. At kung may magkamali man, hindi ito ang tamang panahon para magkamali siya,” tugon naman ni Jennica.
Napahinto si Dave.
“Ano’ng ibig mong sabihin?”tanong nito.
“May nanloloko sa akin sa Facebook messenger simula noong aksidente kong mai-send yung comment ko sa page ni Mayor Toribio. Ipinaliwanag naman ni Mr. Delgado na na-hack ang account ko kaya hindi naman nagalit sa akin si mayor. Pero palagay ko, yung mga die-hard supporters nya ang nagbanta sa buhay ko,”ang kaswal na sagot ni Jennica.
“You mean, ikaw mismo ang nag-send pero pinalabas ninyong na-hack ang account mo? Ano bang sinabi mo sa page ni mayor?” may pag-aalala ang tono ng pananalita ni Dave.
“Wala naman. Sinabi ko lang na sa tatlong linggong pagkakawala ni Jennica ay puro papogi lang naman siya,”tugon ni Jennica.
Natigilan sila pareho at nagkatawanan pagkatapos.
“Ang tapang mo. Hahahaha. Bakit di ka na lang magpulis?” nakangiting sabi ni Dave.
“Hahaha. Nahiya ako dahil ansarap pa mandin nang dinner na hinanda niya noong interview ko sa kanya,” namumula na si Jennica sa kakatawa.
“Hmmm…sana someday, ma-invite din kita sa dinner,” sagot ni Dave.
Hindi niya mabasa kung ano ang nasa isip nito dahil nakatingin ito sa kapeng iniinom. Hindi siya sanay na may nagmamalasakit sa kanya maliban sa malalapit sa kanya. Iniiwasan niyang bigyan ng kahulugan ang mga titig ni Dave at ang mga pananalita nito na parang nagpaparamdam na gusto din siya nito. Pero bakit siya aasa sa ilusyon niya kung ang ipinunta nito sa San Isidro ay hindi naman para sa kanya kung hindi para magbigay ng moral support sa pamilya ni Mary Ann. Isa pa, sa bibig din ni Dave nanggaling kanina na ang breakfast treat nito sa kanya ay bilang pagtanaw ng pasasalamat sa lahat ng efforts niya para kay Mary Ann. Ah, nag-iilusyon ang puso niya dahil sa pisikal na atraksyon na meron siya para kay Dave. Nag-iilusyon siyang magugustuhan ni Dave ang isang gaya niya na wala sa kalingkingan ng kagandahan ni Mary Ann. Siya na bagama’t hindi ulilang lubos ay may ama na tumalikod sa kanila. Hindi siya nababagay sa estado ng buhay ni Dave na kung ipagpapalagay ay galing sa mayamang angkan. Kailangang itigil nya ang kakailusyon na nahuhulog ang loob ni Dave sa kanya. At kung totoo man ay isa lang siyang panakip-butas habang wala pa si Mary Ann.
“Pwede naman. Celebration natin kapag nariyan na si Mary Ann,”saka ngumiti si Jennica.
Napangiti din si Dave pero napansin niyang lumamlam ang mga mata nito sa pagkakasabi niya. Ipinikit niya ng saglit ang mga mata para maialis ang “pag-iilusyon” na nagkakagusto na din sa kanya si Dave. Nagpasalamat siya kay Dave para sa breakfast treat at saka nagpaalam na papasok na sa trabaho. Para namang nagulat pa si Dave sa bilis ng isang oras nilang pag-uusap. Sinundan nito ng tingin si Jennica habang palabas ng fastfood at ng makaalis na ay saka niya tinignan ang gallery ng cellphone niya kung saan naroon ang stolen shots ni Jennica habang kumakain. Napapangiti siya sa bawat litrato dahil walang kamalay-malay ang dalaga kung kaya’t pati ang unflattering pictures ay nakuhanan niya. Sa isip-isip niya ay ngayon lang siya nakakita ng magandang babae na hindi alam kung kaano siya kaganda. Napaisip din siya kung bakit ni isang lalaki ay walang magkamaling manligaw sa reporter gayong sa palagay niya ay magiging maayos na girlfriend naman ito. Pinag-aalala niya ang pagmomotor ni Jennica at lalo na ang balitang may death threat umano ito.
May atraksyon siya kay Jennica pero hindi niya pwedeng pabayaan si Mary Ann. Minsan, napapaisip siyang ang magandang nangyari sa pagkawala nito ay ang pagkakakilala niya kay Jennica. Mahirap pagtakpan ang tunay na damdamin. Mas mahirap kung ang kausap niya ay ang babaeng pumupukaw ng damdamin niya gaya ni Jennica. Nahahalata niyang may atraksyon din si Jennica sa kanya pero hindi ito ang tamang panahon para mahulog sila sa isa’t-isa. Narito siya sa San Isidro para sa kaso ni Mary Ann. Pagkainom nang kape ay kinuha niya ang cellphone at tinawagan si Aling Delia.
“Nanay Delia? Pwede ho ba akong pumunta sa inyo ngayon? Opo, nasa San Isidro ako ngayon. Kakarating-rating ko lang. Okay po, see you later,” naghanda na si Dave sa pagpunta sa bahay ng mga Gonzales.
Samantala, sa opisina, dinatnan ni Jennica na nagtatatalak si Mr. Delgado.
“This team is out of focus! Naunahan tayo ng kabilang diaryo sa scoop tungkol sa nahuling nagku-quary sa San Benito. And I thought na kapag internet age na ay mas madaling maka-scoop ng balita, di ba Art? O, Jennica, ano na ang nangyari sa pinagmamalaki mong “Citizen Watch” na pupwede kamong makatulong para makakuha tayo ng scoop?” sa kanya naman nabaling ang sermon ni Mr. Delgado.
Hindi nakakibo si Jennica dahil sa totoo ay sa kaso pa rin ni Mary Ann Gonzales siya nakatutok.
“Jennica, Art, you did a great job in the Mary Ann Gonzales Kidnapping case. Pero wala nang nagkakainterest sa kasong yan dahil alam naman ng lahat na si Palos at ang grupo niya ang dumukot. Why don’t we just move on to another important issue?”ang sabi ng nahimasmasang si Mr. Delgado sabay talikod at punta sa opisina nito.
Nagkatinginan naman sila Art at Jennica at pigil ang mga mukha sa pagtawa.
“Oy, amoy brewed coffee ka, ah. Saan ka ba galing?” tukso ni Art.
“Wala, nag-treat lang ng breakfast si Dave,” ang kaswal na sagot nito, umiiwas sa mga mata ni Art dahil alam nyang mababasa ang saloobin nya.
“Wow naman. Mula Maynila ay pupuntahan ka para lang ayaing mag-breakfast? Ikaw na ang espesyal, Jennica,” ang tatawa-tawang tukso ni Art.
“Sus, wala yon. Hindi naman ako ang pinuntahan talaga. Dadalaw siya kila Aling Delia at naisipan niya lang akong ayaing mag-breakfast dahil napakaaga naman daw kung didiretso sya doon,” ang paliwanag nya.
“Sa presinto ka magpaliwanag, Miss. Pero bagay sana kayo ano kung walang Mary Ann Gonzales,” biro ni Art.
Nakahinga nang kaunti si Jennica dahil hindi sineryoso ni Art ang breakfast treat ni Dave sa kanya.
“Siya nga pala. Naroon daw si Mayor Toribio sa quarrying site. Baka gusto mong i-cover?”tanong ni Art.
Tumango naman si Jennica at naghanda. Sakay ng motorsiklo ay binaybay niya ang daan patungong ilog. Nadatnan niya doon si Mayor na galit sa mga nahuling nagku-quarry na ginamit pa ang pangalan niya dahil hindi naman lisensyado ang operasyon ng mga ito. May mga bubulong-bulong din na miron na kaya lang daw nagagalit si Mayor ay dahil walang naging pakinabang sa quarrying activity ng mga nahuli. Nang mapansin ni Mayor Toribio ang presensya niya ay tila lalo pa nitong dinagdagan ang pagsesermon sa mga nahuli. Bago pa man natapos ang mga kaganapan ay sumalisi na si Jennica nang alis dahil ayaw niyang makausap nang sarilinan ang mayor.
Sa shortcut na dinaanan niya, napagtanto niya na malapit lang pala ang lugar sa bahay nila Aling Delia. Nakalampas na siya ng ilang metro papasok sa kanto pero naisip niyang wala namang masama kung daanan niya ang mga ito dahil kahit papaano naman ay naging kapalagayan na niya ng loob.
Sa tunog pa lang ng motorsiklo niya, napadungaw si Aling Delia at nakangiting kumaway sa kanya. Umakyat naman siya at nangumusta.
“Wala pa ring balita, Jennica. Napasyal din itong si Dave at nasa kwarto ni Mary Ann para magpahinga,” malungkot na bungad ni Aling Delia.
“Ho? Pero wala po ang sasakyan niya sa bakuran ninyo?” ang nagtatakang tanong ni Jennica.
“Tama ka dahil pina-car wash niya doon sa kanto ang sasakyan niya. Saan ka ba dumaan at hindi mo napansin?” ang nagtatakang tanong ni Aling Delia.
Ipinaliwanag niya na sa kabilang kalsada siya nanggaling para i-cover ang nahuling quarrying violation at hindi sa regular na highway kung saan naroon ang carwash.
Bumukas ang pinto ng kwarto ni Mary Ann at mababakas sa mukha ni Dave ang pagkagulat nang makita si Jennica. Ngumiti lamang si Jennica at saka nagpatuloy ng pangungumusta kay Aling Delia. Hindi naman malaman ni Dave kung lalabas siya o mananatili sa kwarto dahil nag-aaalala siyang mahalata na ginalaw niya ang mga gamit ni Mary Ann.
CHAPTER 8: Not Meant To Be
Anim na buwan na ang lumipas simula nang mawala si Mary Ann. Dinidinig na din ang kaso ni Palos na napag-alamang miyembro ng isang kidnap for ransom group mula sa katabing probinsya ng Calamares, ang La Vista. Renante Manansala ang tunay na pangalan ni Palos. Hindi kagaya ng ibang miyembro ng malalaking sindikato, walang padrino o abogadong lumitaw para sa kanyang kaso. Ang mas palaisipan kay Jennica ay kung paano nito nagagawang kumampante sa kabila ng kidnapping case na kinakaharap nito. Tikom din ang bibig nito tungkol sa sindikatong kinaaaniban.
Sa isa sa mga pagdinig sa kaso ay pumunta si Jennica bilang suporta kila Aling Delia at Mang Kardo. Naroon din ang dalawang nakababatang kapatid ni Mary Ann na bakas ang lungkot sa mga mukha. Si Dave naman ay paminsan-minsang nagpupuyos ang kamao kapag natatanaw si Palos. Pagkayari ng hearing ay sama-sama silang lumabas ng bulwagan ng pamilya ni Mary Ann.
“Dave,” pabulong ni Jennica,”huwag kang magpapahalata na nakatingin ka, yung mestisuhing lalaki na nakaputing polo. Siya si Vice-Mayor Cordova. Hindi ko alam kung naipakilala ni Mary Ann sa iyo.”
“Ipakilala?” ang nagtatakang tanong ni Dave. Lumapit ito nang kaunti kay Jennica kung kaya’t nagdikit ang mga braso nila. Biglang napaurong ang dalaga.
“Oo, kila Vice Mayor ang kumpanyang pinasukan ni Mary Ann. Wag kang maingay, papalapit siya dito,”nagpanggap na sa ibang direksyon nakatingin si Jennica habang papalapit si Vice Mayor.
“Magandang umaga, Aling Delia, Mang Cardo,” ang bati ni Vice Mayor Cordova.
“Magandang umaga po, Vice. Heto po, galing kami sa hearing. Wala naman po kaming pakiaalam sa hearing na iyan basta maibalik lang nang maayos ang anak namin,”ang malungkot na sabi ni Mang Cardo. Napailing si Vice Mayor Cordova, iling ng pagkadismaya.
“Alam nyo ho, ako nama’y hindi namumulitika. Isang taon pa bago ang susunod na eleksyon at kung di magbabago ang pasya ko, wala na akong planong sumabak pa sa pulitika. Pero sa tingin ko ho, wrong move na ibunyag sa media ang kaso ni Mary Ann. Masyadong naging hilaw ang mga sumunod na pangyayari,”nakakunot ang makakapal na kilay ng Vice Mayor.
Alam ni Jennica na isa siya sa sinisisi ni Vice Mayor bilang mamamahayag pero naisip din niyang pupwedeng si Mayor Toribio din ang nasa sa loob nito dahil alam naman ng lahat ang iringan nila simula’t sapul pa. Sinipat ni Jennica ang ekspresyon ng mukha ng mga Gonzales pero wala sa mukha nila ang galit kung kanino man. Hapong-hapo ang mga mata ng pamilya ni Mary Ann na paniguradong kagagaling sa magdamagang pag-iyak. Para namang naalangan ng kaunti ang Vice Mayor dahil hindi umimik ang mga Gonzales sa pasaring niya.
“Well…I’m sorry for not being pushy about Mary Ann’s case. Pero bilang employer niya,nag-aalala din po ako sa mga nangyari. Discreetly, may mga pinalakad akong mga tao para hanapin sya pero ni anino nya ay walang nakakita. Isa pa, wala pa syang kapalit sa opisina. Inaantay ko sya…inaantay namin sya,”may himig ng pagkalungkot sa boses ng vice mayor.
Matamlay pa din ang pamilya Gonzales at tatango-tango lamang sa mga sinabi ng vice mayor. Magalang silang nagpaalam sa vice mayor para umuwi na.
“Dave,” sabi ni Vice Mayor Cordova sabay tapik sa balikat ni Dave.
Nagkatinginan sila Jennica at Dave sa pagbanggit ni Vice Mayor Cordova sa pangalan ni Dave.
“Don’t worry, makikita din si Mary Ann,” ang sabi ng vice mayor sabay naglakad na din papuntang bulwagan.
Nauuna sa paglalakad ang mag-asawang Gonzales kasunod ang dalawang anak. Si Dave at si Jennica ay nasa likod ng pamilya.
“Mukhang kilala ka ni Vice Mayor Cordova?” ang nagtatakang tanong ni Jennica.
Nagpahid ng pawis si Dave at saka sinabing baka nga naipakilala na siya ni Mary Ann kay Vice Mayor pero nalimutan niya lang. Walang kibo si Dave habang naglalakad sila papuntang parking lot. Sa isang restaurant sa tapat ng plaza sila nananghalian lahat. Ramdam ni Jennica na pinipilit ni Dave maging masaya para sa pamilya ni Mary Ann pero may mga pag-iwas ito sa mga mata niya. Ikinibit-balikat niya na lang ito at inisip na baka masyadong naapektuhan si Dave sa hearing ng kaso at sa kawalan ng pag-asang mabawi pa si Mary Ann. Pagkayaring kumain, nagpaalam na si Jennica na mauuna dahil may trabaho pa. Halos tango lang ang isinagot ni Dave sa kanya.
Sa opisina, diretso si Jennica sa desk nya at matipid na nagbalita kay Art tungkol sa estado ng kaso ni Mary Ann. Sa maghapong iyon, wala siyang kibo at nakatuon lang ang pansin sa mga istoryang ipapasa kay Art. Pero hindi maikakaila, may epekto sa kanya ang pagkatamlay ng binata at iyon ang hindi niya maunawaan kung saan ang pinanggagalingan. Naisip niyang masyadong dinamdam ni Dave ang pagkawala ni Mary Ann at idagdag pa na tiyak na mabagal ang usad ng kaso nito. Kinurot ng bahagya ang puso niya dahil naisip niyang napakaswerteng babae ni Mary Ann para mahalin ng isang gaya ni Dave. Matangkad, gwapo, mayaman, mabait—tila na kay Dave na ang lahat. Pero mali ang nararamdaman niya dahil baka nahuhulog ang loob niya sa lalaking may nagmamay-ari na. Sa anim na buwan na pagkakakilala niya kay Dave, pinipilit niyang maging casual ang lahat.
Nang uwian, nagpahuli nang kaunti si Jennica para ma-offset ang oras na ginugol niya sa hearing. Bandang alas-siyete ng gabi ng lumabas siya ng opisina. Palakad sa kanyang motor, naramdaman niyang may mga yabag ng paang sumusunod sa kanya. Naaalala niya ang death threat sa kaniya anim na buwan na ang nakalilipas kung kaya’t minabuti niyang tumakbo papuntang motorsiklo. Tumakbo din ang yabag at hinawakan siya sa braso.
“Jennica!”
“Dave? Ano’ng ginagawa mo dito?” nagtataka niyang tanong.
“Pauwi din ako mamaya sa Manila. Baka gusto mong mag-dinner muna?” tanong nito, hawak-hawak pa din sya sa braso.
Napatingin si Jennica sa security guard nila dahil nakaamba ang pamalo nito sa palad na animo’y ipagtatanggol siya sa kung sino’ng masamang loob. Tinanguan niya ang security guard nila at doon pa lang ito nakampante.
“Tinakot mo si kuyang guard,”sabi ni Jennica kay Dave.
Napatawa ito ng marahan, hawak-hawak pa din ang braso niya.
“Hindi kita bibitawan hanggang hindi ka pumapayag mag-dinner tayo,”pabiro nitong sagot.
May kung anong kuryenteng dumaloy sa puso ni Jennica. Pinipilit niya itong labanan. Nagpakapormal siya.
“No problem, pero paano ang motor ko?”turo ni Jennica sa sasakyan.
“Madali lang yan. Convoy tayo papuntang bahay mo, tapos aalis tayo for dinner. After dinner, ihahatid ulit kita,”ang sagot naman ni Dave.
Sa isip-isip ni Jennica, wala naman sigurong masama kung malaman ni Dave ang tinutuluyan niya. Hindi naman din siguro mamasamain ng landlady niya na magpatuloy siya ng bisita. Hindi naman din magtatagal si Dave sa apartment niya dahil kakain din naman sila.
Iginarahe lang ni Jennica ang motor sa apartment, kumatok sa may-ari at saka nagpaalam na gagabihin nang uwi. May unwritten rule ang landlady na kung hindi sila makakauwi o gagabihin ng uwi, dapat ay alam niya lalo’t mga babae ang nasa compound.
“Bakit, may scoop ka bang kailangang i-cover?” tanong ni Manang Lucing.
“Wala po. May kaibigan lang na nagyayaya,”sagot naman ni Jennica.
Nagpakilala si Dave sa landlady. Medyo nagulat si Manang Lucing. Nakatingin kay Jennica na may halong panunukso.
“Dave, iuwi mo nang maayos si Jennica, ha? Enjoy your dinner,” ang may ngiting sabi ni Manang Lucing.
Napansin ni Jennica na medyo kinilig ang landlady sa presensya ni Dave. Magiliw itong nakitungo kay Dave kumpara sa iba niyang pinakilalang katrabaho gaya ni Art. Napangiti nang palihim si Jennica sa pag-iisip na “ah, boto si Manang Lucing kay Dave.”
Hindi nya rin pinatagal ang nasa sa isip nya dahil alam naman niyang pakikipagkaibigan lang ang gusto nito sa kanya. Pupwede ding gumaganti lang sa lahat ng malasakit niya sa pamilya Gonzales.
“Sige po, mauuna na po kami, Manang Lucing. Iingatan ko po si Jennica, don’t worry po,” ang nakangiting sabi ni Dave na lalong nagpakilig sa byuda.
Sa loob ng sasakyan, walang patid ang paliwanag ni Jennica na minsan ay sobra lang mag-isip si Manang Lucing. Na isang sorpresa para sa kanya na ni hindi niya sinita si Dave kahit unang beses niya pa lang nakita. Na pasensya na kung nasa isip ni Manang Lucing na nagde-date sila.
“Okay lang ako, Jennica. Ikaw ang mukhang apektado. Mukhang iniiwasan mong mapagkamalan tayo na nagde-date,” ang patuksong sabi ni Dave.
Nanlaki ang mata ni Jennica.
“Assuming ka, Dave!” sagot ni Jennica.
Sabay silang nagtawanan.
Sa restaurant, hinayaan ni Dave na umorder ang dalaga. Hindi naman makapagdesisyon si Jennica sa kung ano ang gustong kainin. Habang abala ito sa pagtingin sa menu ay nagnanakaw naman ng mga titig si Dave sa kanya. Humahaba na ang bob cut nitong buhok kung kaya’t nakaipit ng clip sa may bandang tenga. Anim na buwang pagtitiis sa tunay na nararamdaman, sa isip ni Dave.
“Antagal kong umorder, ano? Pinag-isipan ko talaga,” ang biro nito sa kanya.
Yung pinakamurang steak ang inorder ni Jennica. Nahulaan naman ni Dave na kaya ito nagtagal sa pagpili ay dahil namahalan sa presyo ng pagkain. Binulungan niya ang waiter na dagdagan ng tenderloin steak ang order ni Jennica.
“Alam mo, pwede naman tayong kumain dun sa eatery malapit sa munisipyo. Yung presyo ng isang plato ng pagkain dito, isang linggo ko nang pagkain yan,”natatawang sabi ni Jennica.
“Malayong-malayo ka talaga kay Mary Ann. Si Mary Ann, hindi yun papayag na kung saan-saan lang kakain,” iiling-iling na sabi ni Dave.
“Kaya ba sa ibang bayan pa kayo nagde-date?” ang tukso ni Jennica.
“Bakit ikaw? Sino ba ang kasama mong kumakain sa eatery at mukhang miss na miss mo doon?” balik-tukso ni Dave.
“Wala naman. Walang nagkakamali sa isang tulad ko,”sumeryosong sagot ni Jennica.
“O, napikon ka ata?” pag-aaalala ni Dave.
Umirap si Jennica pero agad ding binawi kung kaya’t nagkatawanan na lang sila.
“Siya nga pala, kumusta na si Mayor Toribio? Balita ko na sobrang sigasig daw ngayon dahil alam mo na, eleksyon next year. Ano kaya ang tinatagong baho ni Mayor, ano? Masyadong malihim ang pagkatao,”tanong ni Dave.
“Ayon, busy nga talaga sa pagpapabango sa tao. Minsan pinagsisisihan ko ang pagpunta para interviewhin siya dahil pakiramdam ko, lalong nawalan ng pag-asang maibalik ng mga kidnapper niya si Mary Ann,”ang malungkot na sagot ni Jennica.
“Inutusan ka lang naman ng boss mo, di ba?” paalala ni Dave.
Tatango-tango si Jennica habang kumakain.
“Ikaw, naniniwala ka bang may pag-asa pang makabalik si Mary Ann?”tanong niya kay Dave.
“Oo naman. Malakas ang pananalig ko na one of these days, ibabalik nila si Mary Ann,” sagot naman nito.
May konting lungkot na naramdaman si Jennica sa sinabing ito ni Dave. Naisip nyang ito na siguro ang una’t huling pagkakataon na ayain sya nitong kumain kung bukas o makalawa ay babalik na din si Mary Ann. Sa isang banda, naisip niyang mali ang iniisip niya dahil ang layunin naman niya talaga ay makatulong sa pamilya. Malaking kasalanan ang mang-agaw ng karelasyon ng iba. Bukod dito, mukhang siya lang naman ang nagbibigay ng kakaibang kulay sa kabaitang ipinapakita ni Dave.
Natapos ang dinner nila na puro kung anu-ano lang ang pinag-uusapan. Napagtanto niyang pareho sila ng paboritong artista na si Tom Hanks. Pinag-usapan nila ang mga lumang pelikula nito gaya ng Sleepless in Seattle at You’ve Got Mail. Pinagtalunan naman nila ang exposure ni Tom sa Catch Me If You Can dahil para kay Jennica, hindi dapat tinanggap ni Tom na parang second lead lang siya kay Leonardo Di Caprio. Depensa ni Dave na kung hindi si Tom ang second lead sa pelikulang iyon ay wala namang chemistry ang ibang artista sa acting ni Leonardo.
“Teka, mag-a-alas-dies na pala. Napasarap ang kwentuhan natin,” ang sabi ni Jennica.
Tumingon sa relos nya si Dave at saka napabuntung-hininga.
“Ambilis naman ng oras. Okay, bill out lang ako tapos ihatid na kita,”sabi ni Dave.
Habang pauwi ay masaya pa din ang kwentuhan nila. Inihatid ni Dave si Jennica hanggang paanan ng hagdanan ng inuupahan nitong apartment.
“O, siya. Gagabihin ka na din. Salamat sa dinner,”ang nakangiting sabi ni Jennica habang dinudukot ang susi sa bag at tumalikod.
“Jennica….”
Pagharap ni Jennica ay sinalubong siya ng sabik na halik ni Dave habang nakayakap ang matitipunong mga braso nito sa kanyang katawan. Nagulat si Jennica at tinangkang harangan ng dalawang braso niya ang dibdib ni Dave ngunit lalong nag-alab ang damdamin nito. Hindi niya mawari kung dahil sa mga mapanuyong halik o sadyang may lihim siyang pagtingin pero bandang huli ay gumanti na din siya sa mga halik ni Dave. Nakayakap na din ang mga braso niya sa katawan ni Dave. Naputol lang ang palitan nila ng halik ng may marinig silang tunog ng pinto mula sa babang apartment.
“Good night, Dave. Ingat sa pag-uwi,”sabi ni Jennica habang pumasok na sa bahay at saka kinandado.
Naiwan naman si Dave sa labas na nagulat din sa bilis ng mga pangyayari. Hindi niya ugaling maglaro sa pag-ibig at para sa kanya ay mortal sin ito. Nagtatalo pa din ang puso’t utak niya kung ano ba ang meron sa isang Jennica Tolentino para mabighani siya ng todo. Andun din ang pagkapahiya niya sa kapangahasan niya dahil baka isipin nito ay nagsamantala siya komo inaya niyang mag-date sa isang mamahaling restaurant. Gusto niyang katukin si Jennica para magpaliwanag pero pinatay na ng dalaga ang ilaw, senyales na hindi na siya inaasahan nito na kumatok pa at pahabain ang gabi.
Lingid kay Dave, pinagmamasdan lang siya ni Jennica mula sa maliit na puwang sa bintana nito. Hindi siya makapaniwalang hinalikan siya ni Dave at naroroon pa ito sa labas ng kanyang pintuan. Ganun pa man, nauna ang kunsensya niya sa pagtraydor sa pamilya Gonzales dahil sa palagay niya ay nahuhulog na ang loob niya kay Dave. Sa kadiliman ng gabi, nakita niya ang mabibigat na hakbang ni Dave palayo sa apartment niya. May ngiti at luhang bumagsak sa magandang mukha ng dalaga.
CHAPTER 9: Big Brother’s Voice
11:30 PM na nakarating nang bahay si Dave. Pagod ang katawan sa maghapong aktibidad mula sa pagpunta sa hearing ni Mary Ann, pakikipag-bonding sa pamilya ni Mary Ann pagkatapos nilang mag-lunch at ang dinner date nila ni Jennica. Hindi pa man siya nakakapaghubad ng damit ay tumunog na ang cellphone niya.
“Hello?”sagot nya sa numerong wala sa contact list niya.
“Matigas din naman ang ulo mo, ano? Sinabihan na kita na lumayo ka sa reporter na yan,” sagot ng lalaki sa kabilang linya.
“Ano bang sinasabi mo?” ang kunwari’y hindi nya alam. Naupo sa sofa si Dave at pasimpleng tumingin sa CCTV malapit sa hagdanan kung saan natatanaw ang kabuuan ng sala.
“Now, you get it? Listen… you focus on Mary Ann and her family and drop that poor reporter out of the picture!” sabay baba ng telepeno.
Ibinato ni Dave ang cellphone sa katapat na sofa at saka nag-isip. Sa palagay niya ay may nakapagsabi sa kausap niya na sinundo niya si Jennica para mag-dinner. Paano naman niya ipaliliwanag kay Jennica na wala lang sa kanya ang paghalik niya isang-oras at kalahati ang lumipas? Hindi si Jennica ang tipo ng babaeng paglalaruan lamang. Kung hindi siya nasangkot kay Mary Ann ay walang dudang si Jennica ang babaeng dapat niyang kasama ngayon.
Ganun pa man, naisip din niya ang posibleng mangyari kung makipagmatigasan siya para ipaglaban ang kaniyang nararamdaman. Pagod ang isip at katawan niya, kailangan na niyang matulog at magpahinga. Dumiretso muna siya sa banyo para mag-shower. Tamang-tama ang ligamgam ng tubig na pumapatak mula sa dutsa ng shower. Naaalala niya ang unang pagkakataong dito natulog si Mary Ann. Nagtagal ito ng isang oras sa paliligo dahil pinipilit palamigin ang tubig galing sa shower. Natawa siya ng di sinasadya dahil hindi pala nito alam gamitin ang electric heater. Manghang-mangha din ito sa bathtub niya at halos doon nagbabad noong ikalawang gabi sa bahay niya. Ganun pa man, mabilis makapag-adjust sa buhay ng nakaririwasa si Mary Ann. Sa loob lamang ng tatlong buwan ay naisapuso nito kung ano ang pangsosyalan sa kung ano ang hindi. Minsan ay nag-alala siya na wala ang kotse niya sa garahe pero hindi naman niya inalam kung nasa kwarto pa ba si Mary Ann. Pagkalipas ng bente minutos na pag-iikot ay natanawan niya ang kotse niya na dumarating. May bangga sa likurang bahagi ang kotse at ang mas ikinainis niya ay parang balewala lang ito kay Mary Ann, ni hindi ito humingi ng paumanhin sa kanya. Dahil dito, itinago niya ang susi ng Fortuner niya dahil alam niyang ito ang susunod na susubukang paandarin pagkatapos ng luma niyang Altis.
Tila naman nakahalata si Mary Ann sa pagdaramot niya dahil minsang nagpunta ito sa bahay niya ay sakay na ng pulang kotse na bagong-bago pa lang. Umismid pa ito noong sipatin niya ang sasakyan at saka sinabing “At least, hindi ko na kelangang makigamit sa ‘yo.”
Kung gaano ang taas ng lipad ni Mary Ann ay ganun naman ka-abot kamay ang pakikipagkapwa-tao ni Jennica sa kanya. Sa isip niya, ngayon lang siya nakakita ng isang napakagandang babae na hindi alam na napakaganda niya. Simpleng manamit, matipid at lumalakad mag-isa ng naka-motorsiklo; ibang-iba talaga sila ni Mary Ann. Naalala niya ang kapangahasan niya kanina ng magnakaw siya ng halik kay Jennica at kung paano ito gumanti ng halik sa kalaunan. Palaisipan pa rin sa kanya kung nagalit ito sa kanya dahil pinatayan na sya nito ng ilaw kapag pasok sa apartment. Malakas ang kutob niyang may lihim ding pagtingin ang babae sa kanya. Namulat na lang si Dave na nakadampi ang kanyang dalawang daliri sa kanyang labi dahil sa naaalalang kaganapan kanina lang.
CHAPTER 10: Ang Pagbabalik
5:30 PM habang papauwi si Jennica sakay ng motorsiklo ay naramdaman niya ang vibration ng cellphone niya na naka-silent mode. Ipinarada muna niya ang motor at saka tumawag.
“Mr. Delgado?”sagot niya.
“Asan ka na? I’m sorry pero may malaking scoop kang kelangang i-cover. Pumunta ka sa bahay ng mga Gonzales. Ngayon din,” utos ni Mr. Delgado.
Naguluhan si Jennica. Ano ang kailangan niyang puntahan doon. May nakaligtaan ba siyang hot topic na hindi niya nagawa?
“Jennica, ayaw magpa-interview sa iba ng pamilya Gonzales. Nagkakagulo doon sa bakuran nila kaya baka hindi ka pa nila natatawagan. Bumalik na si Mary Ann. Buhay si Mary Ann,”may excitement sa boses ni Mr. Delgado.
Halos mapatalon sa tuwa si Jennica. Naging kaibigan na din niya ang pamilya Gonzales kaya’t alam niyang labis-labis ang kaligayahan ng mga ito sa pagbabalik ng nawawalang anak. Pinaharurot niya ang motorsiklo at nagmamadaling makarating sa bahay ng mga Gonzales. Nasa isip niya na tiyak na naroon na si Dave at masayang-masaya din. May konting kirot sa puso niya pero isinantabi niya muna ang personal na intindihin. Una sa lahat, baka nabigla lang din si Dave sa pagkakahalik sa kanya isang linggo na ang lumipas. Kung hindi ba naman ay bakit ni hindi siya nito tinawagan pagkayari ng gabing iyon?
Sa kanto pa lang papuntang bahay ay puno na ng mga sasakyan ng media, pulis at kung sino mang miron. Sa bungad ng bakuran, punong-puno ng tao kung kaya’t nahirapan siyang makapasok agad. Bawat busina niya ay sinasalubong ng matatalim na irap ng mga miron na kailangan pang ipakita ang press ID niya para siya padaanin. Sa malapit sa hagdan ng bahay niya ipinarada ang motor at saka lumapit sa pulis na nakabantay para magpaalam na aakyat siya sa bahay.
“Pinagbabawal ng pamilya ang media. Kaya nga kami narito dahil nagkakagulo na,”sabi ng pulis na nagbabantay.
“Hindi naman po ako pumunta dito bilang media lang. Kaibigan ko na din po ang pamilya. Baka pwedeng masilip ko sila?”ang pakiusap ni Jennica.
Kinantyawan siya ng ibang reporter na nasa may bakod ng bahay. Hindi sila pinansin ni Jennica. Nakiusap ulit siya sa pulis pero dahil pagod na ang pulis ay naging masungit na ito sa pagsagot sa kanya. Nilakihan nito ang boses para matakot siya.
“Papasukin niyo ho si Jennica,” ang sabi ni Mang Kardo na noon ay nakadungaw na sa bintana.
Nagmamadali naman si Jennica na umakyat na akala mo ay maiiwanan ng biyahe.
“Salamat po, Mang Kardo,” tumango lamang si Mang Kardo at tahimik na nakamasid sa bintana. Hindi niya mabasa ang nasa isip nito.
Sa dulong upuan na gawa sa kawayan ay naroon si Mary Ann na walang kibo. Nakataas ang noo nito at parang pagod na pagod. Hindi naman magkamayaw sa pag-aasikaso sa nagbalik na anak si Aling Delia.
“Jennica! Naku, pasensya ka na at hindi kita na-text na dumating na si Mary Ann. Andami kasing tao sa baba,”ang hindi magkandaugagang sabi ni Aling Delia.
“Wala pong anuman iyon. Ako nga po ang dapat magpasalamat dahil sa pwede ninyo naman akong hindi patuluyin pero heto ako, nasa loob pa ng bahay ninyo,” ang mapagkumbabang sagot naman ni Jennica.
“Maupo ka, Jennica. Heto nga pala si Mary Ann…buhay na buhay, buong-buo, walang labis at walang kulang. Nangitim nga lang ng kaunti….Anak, hindi ko pa naikukwento sa iyo si Jennica pero siya ang katuwang namin ng tatay at mga kapatid mo noong mga panahong nawawala ka,” sambit ni Aling Delia.
Sumulyap lamang si Mary Ann kay Jennica at ewan niya kung namamalikmata siya pero may pang-uuyam ang ngiti nito sa kanya. Medyo sinundot ang damdamin niya sa naisip na iyon, dahil ba sa muntik na niyang kaugnayan sa nobyo nito kaya may guilt feelings siyang naramdaman? Nang hindi agad magsalita si Mary Ann ay agad namang pinunan ni Aling Delia ang katahimikan niya. Sinabi niya kay Jennica na bagama’t walang labis at walang kulang ang katawan ng anak nang bumalik ay tila naman naapektuhan ang pag-iisip nito dahil mabagal itong umunawa at may pagkakataong may delayed reaction.
“Pero pupwede mong subukang kausapin siya kung may naaalala ba siya sa mga nangyari. Anak, subukan lang natin. Kung ano lang ang maaalala mo, iyon ang ikwento mo kay Jennica,” hahaplos-haplos sa buhok ni Mary Ann si Aling Delia.
“Bakit hindi? Malay natin, maaalala ko kung paano ako nawala?” sarkastikong sagot ni Mary Ann.
Tumingin si Mary Ann kay Jennica. May laman ang mga tingin nito na parang sinisino siya. Sa pangalawang pagkakataon ay nakaramdam siya ng pagkailang kay Mary Ann.
“Sisimulan ko na ang kwento. Maaga naman talaga ako laging pumapasok sa trabaho. Ayoko nang nagpapa-star sa opisina. Ayoko nang late. Ayoko nang pinagtitinginan habang nakayuko kang nagbubukas ng drawer mo dahil late ako. Nung araw na yun, napansin ko na na may kotseng sumusunod sa akin. Kotseng puti. Para masubukan ko kung ako nga ba ang hinahabol nila ay kinabig ko ang manibela doon sa bakanteng lupa kung kaya’t medyo nadiskaril pa nga ang takbo nila. Sa malas ko, nabaon nang kaunti ang kanang gulong ko sa harap kaya hindi ko napaandar ang sasakyan. Huli na nang makita ko na nasa gilid na ng kotse ko ang isang lalaki at may nakaamba na ding baril sa akin. Pinausog niya ako sa passenger seat. Nagalit pa nga siya dahil antagal kong nakalipat dahil nahirapan akong lumipat. Siguro, dahil mas bihasa siyang magmaneho, kaya naiahon nya sa lubak yung gulong. Pagkatapos ay pumasok yung kasama niyang lalaki at umupo sa likod. Habang nakatutok ang baril ay naghanap sila nang pwedeng manakaw sa akin. Pagkatapos noon, wala na akong maaalala pa,” ang kwento ni Mary Ann. Malilikot ang mga kamay nito na parang stress na stress sa salaysay.
“Kung pagnanakaw ang pakay nila, bakit naiwan ang bag mo at wallet mo. May malaking halaga ka bang dala noong araw na iyon? Nakilala mo ba ang mga nagnakaw sa iyo?” ang sunod-sunod namang tanong ni Jennica.
“Hindi ko na matandaan ang detalye at hindi ko din sila kilala o nakilala,”ang sagot ni Mary Ann.
“Heto ang litrato ni Palos. Natatandaan mo ba siya?” saka iniabot ni Jennica kay Mary Ann ang litrato.
Masusing tinignan ni Mary Ann ang litrato habang nakatingin si Jennica na nagmamasid. Kakaiba sa mga ibang taong na-interview na niya, wala sa reaksyon ni Mary Ann ang pagkagulat o pagkamuhi man lang sa taong responsable sa pagkawala niya sa kulang isang taon. Ayaw naman niyang husgahan ang ikinikilos nito dahil baka nagkakamali lang siya at binibigyang-malisya lang ang kinikilos ni Mary Ann.
“Wala akong maalala. Sorry. Kelangan ko nang magpahinga,” tila nagbago ang mood ni Mary Ann mula sa pagiging matalim magsalita kanina hanggang sa pagiging maamong tupa nito.
Hindi pa nakakahakbang papuntang kwarto si Mary Ann nang magsalita si Mang Kardo.
“Dave! Padaanin niyo si Dave!”malakas ang boses ni Mang Kardo.
Napahinto sa paglalakad si Mary Ann. Humarap ito sa kanila at nalagay sa alanganing pwesto si Jennica dahil napapagitnaan na siya ng magkasintahan; si Dave sa may pintuan at samantalang si Mary Ann ay nasa may bungad ng kwarto niya. Mabilis na sinulyapan ni Jennica ang reaksyon ni Dave. Pumasok ito sa bahay at binati sila Mang Kardo at Aling Delia. Nagtanguan naman silang dalawa bilang hudyat ng pagbati. Walang emosyon ang mukha ni Mary Ann habang papalapit si Dave.
“Kumusta ka na?” tanong ni Dave.
Medyo napaatras si Mary Ann.Walang ekspresyon ang mukha.
“Ah, pasensya ka na, Dave. May konting amnesia si Mary Ann kaya baka isa ka sa hindi niya makilala. Upo ka muna at hayaan mo muna siyang magpahinga,”ang magiliw na pag-alo ni Aling Delia bago ito nagpunta sa kusina para maghanda ng maiinom.
“Kumusta ka na?”ang tanong ni Dave kay Jennica.
“Mabuti naman. Ako ang dapat nagtatanong niyan sa iyo. Kumusta ka na? I’m sure, happy ka dahil nakabalik na si Mary Ann.”
Ngiti lamang ang isinagot ni Dave sa kanya. Pinipilit naman niyang kalimutan ang gabi kung kailan siya hinalikan ni Dave. Hindi nagsasalita si Dave pero nakatutok ang tingin nito sa kanya. Para itong scanner na inaalam ang nilalaman ng puso niya. Nakakapaso ang mga tingin ni Dave kaya’t tumayo si Jennica para kunwari’y tulungan si Aling Delia sa paggawa ng merienda sa kusina. Naiwan naman si Dave na wala pa ring kibo at parang gulat na gulat pa sa mga pangyayari.
Maya-maya ay galit na galit na lumabas nang kwarto si Mary Ann.
“Sino ang nakiaalam nang mga gamit ko? May nawawala akong mga gamit!” malakas ang boses nito.
Nagkatinginan sila Aling Delia at Mang Kardo sa inasal ng anak. Naisip nilang nagha-hallucinate lang ito bunga ng stress kung kaya’t hinayaan nilang mailabas ang galit. Nanlilisik naman ang mga mata nito na tumingin kay Dave.
“I don’t trust you!” sabi nito kay Dave sabay kulong sa kwarto.
Naalala ni Jennica na si Dave ang isa sa pumasok sa kwarto ni Mary Ann anim na buwan na ang nakakalipas. Ngunit ano naman ang dapat niyang ipagduda kay Dave? Ano namang gamit ni Mary Ann ang kukuhanin nito gayong mas mayaman ito kaysa sa girlfriend? Naisip ni Jennica na malamang ay sobrang stress talaga ni Mary Ann sa pinagdaanan kung kaya’t kakaiba ang inaasal.
CHAPTER 11: Pakikipag-ayos
“Sabi ko na nga ba at tunog yan ng motor mo eh. Tamang-tama, maghahapunan na kami. Sumabay ka na sa amin ni Edna,”ang sabi ni Art.
Tumanaw naman si Eden mula sa kusina at kumaway kay Jennica.
“Salamat pero nag-merienda ako kila Aling Delia. Yun nga ang dahilan kung bakit narito ako ngayon. Alam mo naman si Mr. Delgado, baka hingan tayo ng output. At least nagawa ko na ang istorya at maipasa sa iyo,”ang parang pagod na lahad ni Jennica.
“Naku, tikman mo lang ang kare-kare na niluto ko. Kahit hindi ka na mag-rice,”mahigpit ang anyaya ni Edna.
Hinawakan pa nito ang braso ni Jennica kung kaya’t nakumbinsi na rin siyang sumabay sa hapunan.Kung tutuusin ay ito ang gustong-gusto niyang eksena, yung pupunta siya sa bahay nina Art at Edna para bumisita. Ramdam niya na kahit anong oras ay bukas ang pinto ng bahay nila para sa kanya. May biro pa nga si Edna na kung gusto niya, pwede rin naman siyang tumira kasama sila. Ganoon ang turingan nila na parang isang pamilya na. Pinagmamasdan niya kung paano pagsilbihan ni Edna si Art. Magiliw naman sa mga papuri si Art para sa asawa.
Kabaligtaran sa nasaksihan niya kanina, hindi niya maisip kung bakit ganoon ang reaksyon ni Mary Ann nang makita si Dave. Iba ang inasahan niyang reaksyon nito; tatakbo kay Dave, yayakap ng mahigpit at hahalik. Pero nakakapagtaka din na maging si Dave ay mas lamang pa ang ekspresyon ng pagkagulat kaysa pagka-excite sa muli nilang pagkikita ni Mary Ann. Ewan niya kung namamalik-mata lang siya pero mas nakita pa niya ang “apoy sa mga mata” ni Dave noong gabing magnakaw ito ng halik sa kanya. Nakaramdam ng kunsensya si Jennica dahil para na rin niyang tinraydor ang pamilyang nagtiwala sa kanya. Naging malapit na siya kay Aling Delia at parang nanay na din ang turing niya dito. At ano na lang ang sasabihin ni Mary Ann kung malaman nitong si Dave ang kanyang unang halik? Palagay niya ay may woman’s instinct si Mary Ann kaya malamig ang pagtrato nito sa kanya at kay Dave. Posible din namang dala ng stress ay hindi pa buo ang memorya ni Mary Ann tungkol sa kaugnayan niya kay Dave. Pero ayaw niyang mag-assume dahil malinaw na kahit nakabalik na si Mary Annm, marami pa ring tanong na dapat sagutin dahil maraming tao ang “nadamay” sa pagkawala niya.
“Seryosong-seryoso ka diyan. Naku, ikwento mo nga, Edna ang nasaksihan mo sa munisipyo kanina,” sabi ni Art.
“Alin? Yung tarayan ni Mayor at Vice-Mayor?” ang pabalik na tanong naman ni Edna.
Tumango si Art at nagsimulang magkwento si Edna.
“Eh hindi ko naman talaga sinasadya na mapadpad doon sa parang boardroom ng munisipyo. Nakita ko na nasa meeting sila Mayor, Vice-Mayor at mga konsehal. Nandun lang ako sa may pasilyo kaya dinig na dinig ko ang tawanan nila at kantyawan. Sa loob-loob ko pa nga eh, ganun pala kako mag-meeting ang mga pulitikong ito. Wala ding pinagkaiba sa ating normal na mamamayan.”
Napainom ng tubig si Eden, halatang ganado sa pagkukwento.
“Tapos maya-maya, dumating yung alalay ni Mayor Toribio. Nalimutan ko ang pangalan basta yung lagi niyang kasama. Kumatok muna tapos pumasok. Hindi ko nadinig ang sinabi pero nung lumabas yung alalay, mataas na ang boses ni Vice Mayor Cordova.”
“Eh bakit naman pagtataasan niya ng boses si Mayor Toribio?” ang putol na tanong ni Art.
Napakunot ang noo ni Eden. Pilit inaalala ang mga palitan ng maaanghang na salita na narinig niya.
“Hindi ko rin mapagtanto eh. Kasi sabi ko nga, bago dumating ang alalay ay masaya naman sila sa meeting. Nagtatawanan pa. Ang narinig ko lang ay nagtaas ng boses si Vice Mayor Cordova dahil inakusahan niya si Mayor Toribio ng trial by publicity sa kaso ni Palos. Mukhang may nakapagsabi sa alalay ni Mayor Toribio na may amnesia si Mary Ann,” medyo pabulong ang huling pangungusap na sinabi ni Edna.
“Hindi naman malala ang amnesia niya sa tingin ko. Stress lang siya,”sagot ni Jennica.
Sabay na napatingin ang mag-asawa sa kanya.
“Actually, nasa e-mail mo na, Art yung kwento tungkol sa pagbabalik ni Mary Ann. At mabuti na din na nagpunta ako dito para mas maipaliwanag ko ang konteksto ng sinulat ko. Oo, may amnesia si Mary Ann pero hindi naman kasinglala ng inaasahan natin. Tama din na hindi niya maalala si Palos at kung sakaling maaalala niya nga at wala namang kasalanan talaga yun, at least sa kaso niya ha, ang malaking tanong ay saan nakuha ni Mayor Toribio ang scoop na grupo ni Palos ang dumukot kay Mary Ann para ipatubos?” tanong ni Jennica.
Natahimik silang tatlo. Iisa ang pumapasok sa isip nila. Kung sakaling wala ngang kasalanan si Palos sa nangyari kay Mary Ann kahit pa sabihing isa itong kriminal na dapat talagang makulong sa mga kaso niya, bakit nakumbinsi si Mayor Toribio nang ganun-ganun na lang na guilty nga ito at dapat managot? Ibig bang sabihin nito ay may dapat ikabahala ang mga mamamayan ng San Isidro dahil baka hindi lahat ng nakakulong dito ay talagang may sala?
“Kumusta naman ang pamilya Gonzales? Saka yung boyfriend niya, si Dave?” tanong ni Art.
Ewan kung nahalata ni Art na namula nang kaunti ang mga pisngi ni Jennica.
“Yung amnesia niya, parang pati sa boyfriend niya eh kasama. Wala siyang pakiaalam kung nagpunta man para makita siya. At ang boyfriend, mukhang binigyan din naman siya nang space at hinayaan lang siyang magkulong sa kwarto nang makita siyang dumating,” ang kwento ni Jennica.
“Naku, Art. Magkakalintikan tayo pag ako ang di mo maaalala pag nagka-amnesia ka,”ang biro ni Edna habang nililigpit ang mesang pinagkainan nila.
“Asus, ikaw Edna ang inaaalala kong itatakwil mo ako pag ikaw ang tamaan ng amnesia. Kaya ingat ka sa paghuhugas ng plato dahil baka mapukpok mo ng baso ang ulo mo,” sabay tawa ni Art.
Pagkaupo sa sala ay tinanong ni Jennica kung ano ang masasabi ni Art sa sinulat niya. Napailing si Art at sinabing kailangang kausapin niya si Mr. Delgado dahil kung ipapalabas nila ang sinulat ni Jennica ay baka sila naman ang malagay sa alanganin dahil tiyak na uusisain ni Mayor Toribio kung paano nasabi ni Jennica na may mild or partial amnesia lang si Mary Ann. Tiyak na makikisawsaw din sa usapin si Vice Mayor Cordova dahil lalong lalakas ang loob nito na kalabanin si Mayor Toribio sa maling paratang kay Palos.
Nang masigurong nasa pareho silang pahina ni Art, nagpaalam na si Jennica na umuwi dahil ayaw niya rin namang ginagabi sa kalsada. Gaya ng dati ay tahimik at wala na halos katao-tao sa San Isidro. Mangilan-ngilan na lang ang tricycle, motor at kotse na nasasalubong niya. Nang makarating siya sa may kanto ng inuuwian ay may humarang na tao sa kanya, si Dave.
“Nagpapakamatay ka ba?” ang unang reaksyon niya.
“Jennica, pwede bang mag-usap tayo?” nakahawak si Dave sa manibela ng motor ni Jennica.
“Gabi na, Dave. Saka baka hinahanap ka na ni Mary Ann,” ang diretsong sagot niya.
“Please, saglit lang naman,”ang pagmamakaawa ni Dave.
“Sige, limang minuto. Umpisahan mo na,” inalis ni Jennica ang helmet nya at sinabit sa hook ng motorsiklo.
Nagkatitigan sila ni Dave, nakakapaso kung kaya’t binaling ni Jennica sa ibang direksyon ang paningin. Lalo namang humanga ng palihim si Dave sa angking ganda ng dalaga. Matangos ang ilong nito sa side view at wala talagang tapon ang ganda sa anumang anggulo.
“Kahit anong mangyari, gusto ko, manatili tayong may communication,” ang pagsusumamo ni Dave.
“Wala naman akong iniiwasang tao. So, hindi ko maitindihan kung ano ang sinasabi mo,”ang matigas na sabi ni Jennica.
“May kasalanan ako sa iyo. Nung gabing hinalikan kita, alam kong may nararamdaman ka din sa akin. Kasalanan ko dahil hindi ako pwedeng mamangka sa dalawang ilog. Pero ayokong magalit ka sa akin dahil natatakot akong mawala ka sa buhay ko,” ang paliwanag ni Dave.
Napatingin si Jennica. Hindi niya maisip ano ang dapat niyang sabihin. Alam ni Dave na may lihim siyang pagtingin dito at ngayon ay nakikiusap itong huwag mawala ang pagkakaibigan na meron sila.
“Alam ko naman kung saan ako lulugar, hindi ba? Kaya nga hindi kita nilabas pagkayari kong pumasok sa bahay, nung gabing halikan mo ako. Alam ko ang lugar ko sa puso ng mga tao. Hindi ko ipagsisiksikan ang sarili ko sa mga taong ayaw naman sa akin. Nalungkot ka lang noong gabi na ‘yon dahil na-miss mo si Mary Ann. At ngayong nakabalik na siya, tama ka naman na bakit nga ba hindi. Kalimutan na lang natin ang nangyaring iyon at ipagpalagay na pareho lang tayong nabigla,” isang pilit na ngiti ang pinakawalan ni Jennica.
Iniabot ni Dave ang kamay para makipagbati. Tinanggap naman ni Jennica ang shake hands. Napangiti na lang silang dalawa at nagpaalam na si Jennica na kailangan na niyang umuwi. Halata sa mukha ni Dave na ayaw pa sana niyang umuwi si Jennica pero humarurot na ng takbo ang dalaga.
Naiwan si Dave na kumakabog ang puso sa tuwa. Muntik pa niyang hindi mapansin ang tawag sa cellphone.
“Pauwi na din ako. May pinuntahan lang,” ang sagot nito sa kausap.
Hindi rin nagtagal at nagmaneho na paalis si Dave. Nakangiti. Umaapaw ang saya. Ah, mukhang mahal na niya talaga si Jennica. Mahal na niya sa kabila ng natuklasan niya sa tunay nitong pagkatao.
CHAPTER 12: Welcome Back
“O, para kayong nakakita ng multo? Halos pitong buwan akong nawala, wala man lang bang pa-welcome back na tarpaulin?” ang nakangiting biro ni Mary Ann sa mga kaopisina.
Pinagkaguluhan siya nang mga kasamahan. Pinaikutan at sunud-sunod ang mga tanong. Ngiti lang at iling ang sagot ni Mary Ann. Nang mapansin ng mga kasama na wala silang mapapala ay isa-isa ding nagbalikan sa desk nila. Dumiretso naman si Mary Ann sa pinakadulong cubicle. Pinaikot ang mata sa bawat sulok ng cubicle at napangiti ng palihim.
“Talagang hindi pa ako pinapalitan, ha,” ang sabi niya sa sarili.
Maya-maya ay nag-ring ang cellphone niya.
“Anak, hinabol ka daw ng Nanay mo para pigilang pumasok. Bakit pinilit mo pa ang sarili mo? Hindi naman tayo magugutom kung magpahinga ka muna?”si Mang Kardo.
“Tay,okay lang po ako. Mas mababaliw po ako sa bahay. Hinatid naman ako ng tricycle ni Ninong. Ang kotse ko, ang tagal palang nakatengga dito. Gusto kong alamin kung akin pa ba ito o sa kumpanya na dahil anim na buwan ko ding hindi nahulugan,” ang halos pabulong na sagot ni Mary Ann.
Maya-maya ay napatigil si Mary Ann. May mga naggu-Good Morning sa opisina. Dalawang tao lang ang babatiin ng ganoong karaming “Good Morning.” Si Cherry Cordova na anak ng may-ari ng kumpanya at si Vice-Mayor Cordova, ang asawa ng may-ari ng kumpanya. Bihirang pumunta ng opisina si Mrs. Cordova dahil palagi din itong nasa business trips. Noong nakaraang eleksyon nga lamang, halos si Mary Ann na ang nag-asikaso ng pagkampanya para kay Vice Mayor. Iwas na iwas siyang makasama si Cherry, ang panganay na anak ng mga Cordova kahit halos kaedaran niya lang ito. Bukod sa anak ito ng may-ari ay hindi rin ito marunong makihalubilo sa masa. Sa isang campaign rally ay inatake ito ng pagmamaldita. Ayaw lumabas sa kotse dahil nag-away sila ng daddy niya.
“How can I say something good about my dad when we just had a fight?” ang mataray na sagot nito sa kanya nang sunduin niya sa sasakyan.
Sa mga ganyang sitwasyon naman siya maaasahan ni Vice Mayor Cordova. Maganda, maliksi, matalino at smart ang kanyang assistant. Kayang-kayang makipagsabayan sa malalaking pangalan sa mundo ng pulitika.
“Ladies and Gentlemen…mga kababayan ko. Alam kong inaabangan ninyo lagi si Cherry Cordova tuwing campaign rally ni Mayor Cordova. Teka, baka magkalituhan tayo, si Mayor Cordova ay tumatakbo ngayon bilang Vice-Mayor. Ganyan niya po kayo kamahal na kahit pwede na sana siyang magpahinga at magnegosyo na lang, ay tumakbo pa siya bilang Vice Mayor. Si Cherry na madalas ninyong napapanood sa mga commercial ay andyan lang sa kotse niya. Hindi alintana ang puyat galing sa photoshoot kagabi, dumiretso po siya dito sa rally,” pasakalye ni Mary Ann.
Nagpalakpakan ang mga tao. Napangiti si Vice Mayor Cordova, iba talaga ang karisma ni Mary Ann, sa isip-isip niya.
“Pero mga kababayan, tao lang po si Cherry na napapagod. Gaya nga ng nasabi ko, dumiretso pa din siya sa kampanya pero di kinaya ng katawan niya ang puyat…..hinimatay po siya kanina at nagpapahinga na lang sa kotse. Kung mamarapatin po ninyo, si Mr. Cordova na lang po sana ang kakanta. Thumbs up or thumbs down?” malambing na tanong ni Mary Ann sa mga tao.
Naghiyawan ang mga tao. Thumbs up ang sagot ng mga ito. Nakuha na nila ang kiliti ng mga taga-San Isidro.
Hindi pa lumalayo ang pag-alala niya sa nakaraan nang may kumalampag sa cubicle niya.
“Aba, totoo nga pala ang text sa akin ng guard. Pumasok ka na pala. Buti at hindi pa kami nakakalampas ng San Isidro nang mabasa ko. Of course, I need to see you with my own two eyes,”si Cherry Cordova, ang anak ni Vice Mayor Cordova.
Tama nga ang kutob niya na sa ingay ng pagbati ng mga kasamahan niya na may kahalong pagkailang, hindi maaaring si Vice-Mayor Cordova ang dumating. Kung wala rin lang tensyon sa pagitan nila ay malaking paghanga sana ang meron siya sa angking kagandahan at pagiging sopistikada ni Cherry. Maganda ang tindig nito at pati paglalakad ay akala mo na palaging rumarampa bilang modelo. Kulot ang mahaba nitong buhok na natural ang pagka-brown.
“Wala naman sigurong masama kung bumalik ako, di ba? Hindi nyo naman ako sinesante,” ang depensang sagot ni Mary Ann.
“Malakas din ang loob mo, ano? What if, sa pagpasok mo sa trabaho ay kidnapin ka ulit ng mga dumukot sa iyo?”pabulong pero madiin ang mga salita ni Cherry.
“Hindi ba, si Mayor Toribio na din ang nagsabi na nahuli na si Palos?”depensa ni Mary Ann.
“Oh, c’mon, Mary Ann. Then how can you say na hindi mo maalala ang mga nangyari dahil may partial amnesia ka? Sige nga, sino pa ang hindi mo maaalala? Mabuti ako, naaalala mo agad kahit hindi tayo close?” ang sarkastikong bara ni Cherry.
“Doktor na lang ang makapagsasabi kung fit to work ako. Pero sa ngayon, hayaan mo muna akong bisitahin ang desk ko,”ang medyo naaapektuhan nang sagot ni Mary Ann.
“Okay, enjoy your day. Kung kotse mo ang binabalikan mo, that’s under company loan so you need to discuss it with the Finance Head and HR. Wag mong idiretso kay Daddy ang issues mo sa trabaho,” mariin ang pagbigkas ni Cherry sa huling pangungusap nito.
Yun lang at lumakad na itong palayo sa opisina. Naiwan si Mary Ann na nagtitimpi. Maya-maya ay yung gwardiya naman ang lumapit sa kanya at bumulong. Lumabas ang dalawa sa opisina at umakyat sa pribadong hagdan ng tatlong palapag na gusali. Sa ikatlong palapag ay may sarili din itong reception area na gwardiya ang siyang nakatoka. May opisina at boardroom dito at sa bandang dulo ay ang tatlong kuwartong ang disenyo at ayos ay parang sa hotel.
“Sir, andito na po si Ms. Mary Ann,”sabi ng company guard.
Sinenyasan ng gwardiya si Mary Ann para pumasok na siya naman niyang ginawa. Bago niya isinara ang pinto ay binuksan naman niya ang combi blinds para hindi naman nakakailang na dalawa lamang sila sa pribadong opisina nag-uusap.
“Welcome back, Mary Ann,” nakangiting bati ni Vice Mayor Cordova. Nakabarong ito at mukhang hindi rin magtatagal sa opisina dahil nakasarado pa ang bag nito at tanging cellphone lang ang nasa mesa.
“Thank you, Sir,” mahinang sabi ni Mary Ann.
“Hindi ka yata masayang nakabalik? O hindi ka masayang nakita ako?” biro ng Vice Mayor.
Hindi sinagot ni Mary Ann ang biro ng Vice Mayor. Tinanong nito kung nasaan ang kotse niya at iba pang gamit. Iiling-iling ang Vice Mayor at sinabing sa lahat ng makikidnap ay siya itong ang iniisip ay ang gamit na babalikan.
“Mary Ann, hindi na rin naman ako magtatagal at kailangan din ako sa munisipyo. Ang talagang pakay ko ay makita kang maayos, walang labis at walang kulang. At saka malaman ko kung totoo ang kumakalat na balita na hindi mo maaalala kung si Palos nga ba ang kumidnap sa iyo?”tanong ni Vice Mayor Cordova.
“So, ano ang gusto mong palabasin ko this time? Gusto ko lang ng tahimik na buhay. Natuto na ako sa mga kamalian ko noon. Yung kotse? Kung yun ang isusumbat mo sa akin ay hindi ko na kukunin,” ang parang may hinanakit na sagot ni Mary Ann.
Tumayo ang Vice Mayor at aktong aalis kaya tumayo na din si Mary Ann. Pareho silang naninibago sa isa’t-isa. Sa tagal ng pinagsamahan nila bilang mag-boss, saulo na nila ang kilos ng bawat isa.
“Siyanga pala. Nagkita na ba kayo ni Dave?” ang pahabol na tanong ni Vice Mayor Cordova.
Napakunot ng noo si Mary Ann. May pagtataka.
“Nasa bahay siya kahapon hanggang bago maghapunan. Hindi pa din kami nakakapag-usap,” ang maikling sagot ni Mary Ann.
Tatango-tango si Vice Mayor at saka lumabas ng opisina para pumunta sa munisipyo. Sinadya ni Mary Ann na magpaiwan ng kaunti para hindi sila sabay bumaba. Ayaw muna niya ng maraming tanong at diskusyon. Alam niyang darating din naman sila ni Vice Mayor sa oras na iyon. Iniiwasan niya ring makapagbitiw siya ng mga salitang ikakasakit ng damdamin ng Vice Mayor dahil kung tutuusin ay napakalaki ng utang na loob niya dito.
Tandang-tanda pa niya ang unang araw na nakilala niya ang pulitiko. Nakapila siya para sa interview ng mga pa-iskolar ng pamilya Cordova. Habang bagot na bagot sya sa mahabang pila ay natanawan niya ang pagdating ni Vice Mayor Cordova kasama ang asawa at anak.
“Iba talaga ang hitsura ng mga mayayaman. Kahit sa init ng panahon, mukhang mababango pa din at hindi pinapawisan. Kahit simpleng damit lang ang suot nila, mukha pa din silang mamahalin,” ang sa isip-isip niya noon.
Si Cherry ay masayang kumaway sa mga nakapila. Sa edad na 12 anyos ay kinuha na itong magmodelo ng mga sikat na damit pangdalagita sa Maynila. Kahit nasa mga kaedaran ni Mary Ann sa high school ay pinapangarap ding maging katulad ni Cherry dahil sa glamorosa nitong pamumuhay. Kahit paano’y may bakas ng panghihinayang kung paano nauwi sa pagkainis ang trato ni Cherry sa kanya sa susunod na mga taon. Hindi sila nagsimulang magkaalitan. Sa totoo’y, dumating pa sila sa puntong parang Ate ang tingin nito sa kanya. Nagbabago talaga ang tao, maging siya ay nagbago din.
CHAPTER 13: Mary Ann and Dave
“Buti naman at sinipot mo ako,”ang may halong inis sa tono ng pananalita ni Dave.
Tumaas lang ang isang kilay ni Mary Ann. Pagod siya galing sa unang araw sa trabaho at wala siyang lakas para pangunahan ng pagmamaldita ang nobyo.
“Good evening, Sir! Nice to see you and Ma’am Jennica again!” bungad ng manager.
Namula si Dave. Kilala niya ang boses ng manager ng restaurant na kinakainan nila ni Jennica. Napaismid si Mary Ann dahil sa pagkakapuntos.
“Oh, I thought it was Art,” ang pagpapalusot naman ng manager. Ngumiti lamang si Dave at saka humarap kay Mary Ann.
“Jennica? Looks like nagkakamabutihan talaga kayo ng reporter na yan,”matalas na tanong ni Mary Ann.
“Jennica is my friend. Kaibigan din ng pamilya mo. Lahat kami, nagkagulo dahil sa paghahanap sa yo,”may diin na sabi ni Dave.
“Now that I’m back, ano pa ang problema nyo?” ang sarkastikong tanong ni Mary Ann.
“Ibang klase ka din, ano? Parang hindi ka kinidnap sa mga ikinikilos mo. Actually, ang purpose ng dinner na ito ay alamin ko ang totoo mula sa iyo. Matagal mo na akong napagkakatiwalaan, Mary Ann. For our peace of mind, please be honest,” ang pagmamakaawa ni Dave.
Natigilan si Mary Ann. Hindi ito nagkwento tungkol sa pagkakakidnap hanggang matapos ang dinner nila. Napipikon na si Dave at nauubusan ng pasensya.
“Mary Ann, I was thinking na baka kelangan na nating tapusin kung ano ang meron tayo,”mataas na ang boses ni Dave.
Nabigla si Mary Ann. Hindi niya akalaing kayang magbanta ng break-up si Dave.
“Nagsasawa ka na sa pag-intindi sa akin? O may ibang raket ka na namang uumpisahan?”ang sarkastikong tanong ni Mary Ann.
“Bakit hindi mo itanong sa Daddy mo? Di pa ba sapat yung nagawa ko para sa inyo?” ang pigil sa inis na banat ni Dave.
Nag-bill out na si Dave para ihatid si Mary Ann pauwi. Wala silang imikan. Pagod ang isip at katawan nila. Bumaba na si Mary Ann at naglakad papunta sa bakuran. Mabibihat ang mga hakbang niya papasok. Matamlay niyang binati ang mga kapatid at magulang. Nagkulong siya sa kwarto para makapag-isip.
Naaalala nya ang mga pangaral sa kanya ng mga magulang niya noong mga bata pa sila na hindi baleng maging mahirap basta maging mabuting tao lang. Natatandaan niya kung gaano ka-proud ang mga magulang niya sa tuwing nag-uuwi siya ng award o medalya dahil sa angking talino. Naaalala niya din ang mga panahong kailangan niyang pumila para sa mga scholarship grant dahil hindi naman siya kayang pag-aralin ng mga magulang. Naaalala niya ang unang araw niya sa kumpanya nila Vice Mayor Cordova na halos hindi sya makakain sa sobrang kaligayahan dahil may trabaho na siya. Pero ang realidad ng buhay ay kakaiba. Kung nagmamadali kang umasenso, aabutin ka ng dekada bago mo matupad ang mga pangarap mo sa buhay. Matayog ang pangarap ni Mary Ann hindi lamang para sa sarili kung hindi lalo’t para sa pamilya. Kung paano niya nakayanang ibigay ang mumunting luho para sa kanyang pamilya, tikom ang bibig niya para dito. Palibhasa’y wala din namang muwang sa sinasahod ng anak, tanggap lang nang tanggap si Aling Delia kung anuman ang ibigay ni Mary Ann. Ang maliit at sira-sirang dampa ay napalitan nang modern house na simple. Nakapagpabakod din sila para sa privacy ng kanilang pamilya. Nagkaroon ng maliit na hardin na libangan si Aling Delia at ang dalawang kapatid na babae ay hindi na kinakailangang magbaon ng kamote o pandesal sa eskwela. Ang pinakamagarbong sorpresa niya ay kotseng kinuha sa car plan ng kumpanya. Halos mabali ang leeg ng mga kapitbahay noong araw na i-deliver sa kanya ang sasakyan.
Kung bakit sa kabila ng mga grasyang tinamasa ay hungkag pa din ang kalooban ni Mary Ann. Sabi nga nila, kahit na nasa tao na ang lahat ng kayamanan pero kung walang pag-ibig na nararamdaman, balewala ang kasaganaan. Kaya isang araw, sa kanyang paglilibang sa bar ay nakilala niya ang nagpatibok ng puso niya. Napaisip siya kung kaya ba niyang mawala si Dave o kaya ba ni Dave na mawala siya? Pareho lang naman silang naggagamitan, kung tutuusin. Ang malaking tanong, sino ba sa kanila ang mas nangangailangan sa kanino?
Chapter 14:Dave’s Story
“Mayor, 5 minutes of your time lang po,”ang halos patakbong habol ni Jennica kay Mayor Toribio.
Di gaya ng mga naunang buwan na halos ang mayor pa ang magkandarapa sa Calamares Today, naging mailap si Mayor Toribio sa press simula ng bumalik si Mary Ann. Tumigil sa paglalakad ang mayor at hinarap sya.
“Okay, Jennica. Kahit paano naman ay may pinagsamahan tayo. Ano ba ang maipaglilingkod ko?” ang seryosong tanong ni Mayor Toribio. Sumenyas ito na doon sa Office of the Mayor sila mag-usap. Nagkatinginan ang mga staff ni Mayor Toribio dahil parehong humahangos papasok ng opisina ang dalawa.
“Have a seat, Jennica. Five minutes lang ang maibibigay ko sa iyong oras,” pagpapaalala ni Mayor Toribio.
“Mayor, dalawang linggo nang nakakabalik si Mary Ann pero parang may mali sa nauna kong naisulat. Naisulat ko, base na din sa interview ko sa inyo mga anim na buwan na ang nakalilipas, na sigurado kayo na grupo ni Palos ang dumukot sa kanya. Pero lumalabas ngayon na maging si Mary Ann ay hindi maaalala ang nangyari sa kanya at hindi rin interesadong papanagutin si Palos sa pagdukot sa kanya… yun ay kung si Palos nga ang dumukot sa kanya,” sunud-sunod na sabi ni Jennica. Medyo nanginginig ang boses niya dahil s matinding emosyon. Hindi naman natinag ang mayor.
“Jennica, with or without Mary Ann’s case ay talaga namang myembro ng sindikato iyang si Palos. Don’t tell me hindi mo alam na lahat ng malalaking nakawan sa kabilang bayan ay grupo niyan ang tumitira?” tila naiinis na sabi ng Mayor.
“But that’s beside the point, Mayor. Sinabi ninyo at sinulat ko na siya ang dumukot kay Mary Ann. Papaano ninyo naman maipapaliwanag ang opinyon ng mga taga-San Isidro na trial by publicity lang ang nangyari? Na baka isang araw ay ibang babae naman ang dukutin dahil hindi pa nahuhuli ang talagang salarin?” medyo tumataas na ang boses ni Jennica.
Tumayo ang mayor at tumingin sa relos niya.
“I have a meeting. I need to go,” umakmang lalabas ng opisina niya si Mayor.
“Mayor…!” ang biglang nasambit ni Jennica.
“Jennica, do you really think that I am that publicity-hungry?” baling ni Mayor Toribio.
Napatigil si Jennica at hinayaan na lang na makalabas ang Mayor.
Medyo napahiya sa loob-loob niya si Jennica. Sa totoo lang, iyon naman talaga ang nasa loob niya. Pagdating sa opisina ay naikwento niya kay Art ang nangyari. Napangiti ito at sinabing naniniwala siyang may “resibong” hawak ang Mayor.
“Sa tinagal-tagal ko dito, alam ko na ang script na yan. Pero yang kay Mayor, yung pakikipagmatigasan niya sa iyo, siento por siento, alam niya ang ginagawa niya, “ nakangiting sabi ni Art saka ipinagpatuloy ang trabaho.
“Deadma din naman si Mr. Delgado eh,” himutok ni Jennica.
“Naku, parang di mo naman kilala ang boss natin. Nakikiramdam yan pero pag nalaman niya ang totoo, isa yan sa hindi babali sa katotohanan. Teka, sino ba yung sisilip-silip sa labas na yun?” may tono ng panunukso ang boses ni Art.
Tinignan ni Jennica ang direksyon ng sinabi ni Art. Si Dave ang lalaking dumudungaw. Kung bakit sa tuwing magtatagpo ang landas nila ni Dave ay wala sa ayos ang damit, buhok at maging mukha niya. Hindi siya nahihiyang makita sa opisina ang nangingintab niyang mukha at magulong buhok pero pagdating kay Dave ay isa itong malaking pagkakailang.
“Ikaw ba ang binibisita niyan?”may halong panunukso sa boses ni Art.
“Ewan ko,” ang palusot naman ni Jennica.
“Aruy ko. Mukhang na-develop sa yo si Dave ah. Baka pag-awayan ninyo ni Mary Ann yan?” may halong pag-aalalang sabi ni Art.
“Magkaibigan lang kami,”ang namumulang sagot ni Jennica sabay punta sa direksyon ni Dave.
“Kumusta? Akala ko’y di mo ako lalabasin,” may lambing sa boses ni Dave.
Napatingin si Jennica sa porma nito. Gaya ng dati, maayos ang pananamit nito kahit naka-pantalon lang at T-shirt. Lalo siyang nanliit sa ayos niya na medyo gusto pa ang T-shirt na suot.
“Eh baka kasi pumasok ka at makita ka pa ni Mr. Delgado. Ano bang kailangan mo?” tanong ni Jennica.
“Wala naman, dating gawi. Aayain sana kitang kumain. Pwede ba?” diretsang tanong ni Dave.
“I’m sorry pero pangit naman yatang makita ng mga tao na kasama mo ako. Bakit hindi si Mary Ann ang ayain mo?” may konting pagtataray sa boses ni Jennica.
“Okay, kung yan ang desisyon mo. Sige, mauna na ako,” hindi na nakapaghantay si Dave na magsalita si Jennica.
Naiwan si Jennica na nakatulala. Hindi nya inasahan na ganun ang isasagot sa kanya. Naiinis siya na hindi siya “kinulit” pero ayaw din naman niyang magmukhang third party sa relasyon nila Dave at Mary Ann. Pagbalik niya sa cubicle niya ay wala ding text o call man lang. Napapasilip si Art sa kanya at pasimpleng nag-usisa pero wala itong napiga.
Uwian, dumaan si Jennica sa eatery malapit sa inuupahang apartment para doon na kumain. Halos ito na ang naging routine niya dalawang buwan na ang nakalilipas dahil madalas din siyang pagod na para magluto pa. Doon siya sa pinakasulok na kanto ng eatery umupo. Habang hinahantay ang order ay nakinig muna siya ng musika gamit ang earphones. May humatak ng earphone niya at nalaglag sa hita niya.
“Ano ba?” ang agad niyang sita sa kung sino man ang humatak.
Si Dave na tawa nang tawa sa reaksyon niya ang salarin.
“O, eh bakit ka narito?” tanong ni Jennica.
“Kakain ako. Ikaw, bakit ka narito? Sinusundan mo ba ako?” panunukso nito sabay upo.
“Sino namang maysabing umupo ka dyan?”pagtataray ni Jennica.
Hindi nakinig si Dave at sumensyas sa serbidora na gawing dalawa kung anuman ang inorder niya.
“Wag mo na akong awayin. Masama ang nag-aaway. Kumusta ang trabaho?”nakatitig si Dave sa magandang mukha ng dalaga.
Parang na-conscious naman si Jennica at iniwas ang tingin. Ukit na ukit sa side view ng dalaga ang matangos na ilong nito.
“Gusto ko nang magkaroon ng ibang balita. Masyado na akong invested sa Mary Ann Gonzales Kidnapping Case. Sa sobrang desperada kong mag-move on, pinuntahan ko si Mayor Toribio para alamin kung bakit niya ipinakulong ang taong sa palagay ko ay wala namang kasalanan sa kidnapping case ni Mary Ann. I mean, ni hindi nga siya maaalala ni Mary Ann. Paaano kung umiikot pa din ang tunay na may gawa?”bakas sa mukha ni Jennica ang pangamba.
“So, ano ang sabi ni Mayor? “ tanong ni Dave. Naging seryoso ang mukha nito.
“Sinabi niya na may resibo daw siya kaya huwag kong pagdudahan ang intensyon niya. Siguro nga dapat na din akong lumipat ng ibang lugar. O ibang trabaho. Bago tuluyang mawala ang amor ko sa bayang ito,” buntung-hininga ni Jennica.
“Malulungkot ang boyfriend mo,”tukso ni Dave.
Napakunot-noo si Jennica.
“Boyfriend?”
“Yung officemate mo,” biro ulit ni Dave.
“Pangalawang beses mo na akong inusisa tungkol kay Art. Si Art ay parang kapatid ko lang. Silang mag-asawa, actually,” iiling-iling na sagot ni Jennica.
“So, bakit wala kang naging boyfriend?”tukso ni Dave.
“Walang nagkakamali,”sagot ni Jennica.
“Kawawa naman sila. Baka mahigpit ang parents mo?”tanong ni Dave.
“Ulilang-lubos na kami. Ang nanay ko at kuya ko, namatay habang bata pa ako. Ang tatay ko….ang tatay ko ay hindi ko alam kung patay ba o buhay. Kung iniwan ba kami o kami ang pangalawang pamilya. Ewan ko, hindi ko kilala ang tatay ko,” napayuko si Jennica.
“Malungkot din pala ang naging buhay mo. Ang nanay ko ay kabit ng tatay ko. Nang mamatay ang nanay ko ay kinupkop ako ng tatay ko sa isang kundisyon, hindi ako pwedeng magpakilala bilang anak niya. Naging magiliw naman sa akin ang tunay na asawa dahil akala ay anak ako ng bunsong kapatid ni Daddy. Siya din ang tinuring kong pangalawang ina. Pinag-aral nila ako sa magagandang eskwelahan. Kapag Family Day sa school, nagkakasakit ako. Nai-stress akong sabihin sa Daddy na kailangan ko din siya kahit ipakilala na lang niya akong pamangkin niya. Minsang naglakas-loob akong magsabi, ang tanging nasabi lang ni Daddy ay “Huwag na, anak. Baka may makakilala pa sa akin. Ayos na ang tahimik na buhay mo dito.” “kwento ni Dave.
“Kung ganun ay hindi ka nakapunta sa Family Day?” tanong ni Jennica. Mababakas ang pagkaawa sa kwento ng buhay ni Dave.
“Hindi… at sana ay hindi na lang ako humiling kay Daddy. Nadinig ng kuya ko ang usapan namin. Kinumpronta niya si Daddy at masama ang loob na nalaman ang katotohanan. Pinakiusapan siya ni Daddy na huwag na huwag sasabihin sa tunay na asawa ang tungkol sa akin. Pumayag naman ang kuya ko pero kapalit noon ay ang pangba-blackmail kay Daddy ng kahit anong hilingin niya,” malungkot na kwento ni Dave.
“Kumusta ang tunay na asawa at ang daddy mo?” tanong ni Jennica.
“Pagkatapos malaman ni kuya ang lihim ng pagkatao ko, namatay si Daddy five years later. Takot na takot ako noon dahil baka i-kick out ako sa bahay. High school pa lang ako noon. Kinausap ako ng kuya ko na bilang kadugo daw ay hindi niya magagawa sa akin ang itaboy ako pero kailangan ko daw sumunod sa mga patakaran niya,”may kaunting hinagpis sa boses ni Dave.
“So, ano’ng nangyari?” tanong ulit ni Jennica na astang reporter na.
“Ginawa ko ang lahat ng pakikisama sa kanila. Pero ayoko lang siyang diretsahin na kaya niya ginagawa ang pagpapatuloy ng pagkupkop sa akin ay dahil ayaw niyang mabahiran ng eskandalo ang pamilya niya lalo’t…..” napatigil si Dave.
“Lalo’t ano?” nabitin si Jennica.
“Lalo’t mayaman sila. Kumain na muna nga tayo at baka lumamig pa ang nilagang baka. Umorder din ako ng fried chicken. Di ba paborito mo yun? Di mo nga ako tinirhan nung unang date natin,” biro ni Dave.
“Hoy, excuse me. Pinaubos mo sa akin yun at hello, hindi yun date ano!” nakangiti namang sagot ni Jennica.
Lumulukso ang puso ni Dave sa pagkakataong iyon. Ito ang unang beses na relax lang ang usapan nila. Tama nga ang naisip niya na huwag munang ipagtapat kay Jennica ang tunay na laman ng puso niya. Pasulyap-sulyap siya sa mukha ng dalaga habang kumakain. Minsan ay nahuhuli siya nito kung kaya’t maagap naman niyang iniiwas ang paningin niya.
“Ano nga pala ang work mo?” tanong ni Jennica.
“Finance Analyst ako sa company ng asawa ng kuya ko. Sa Manila ang head office nila,”sagot naman ni Dave.
“Maganda pala ang work mo. Tungkol sa pagpapayaman. Kung sa Manila ka pala naka-base, paano kayo nagkakilala ni Mary Ann?” usisa ni Jennica.
“May common friend kaming siyang naging tulay namin,” kaswal na sagot ni Dave.
“Meant to be? Ano’ng favorite food ni Mary Ann?”tanong ulit ni Jennica.
“Kare-kare. Yan ang pinapaluto niya kapag nasa bahay siya,”confident na sagot ni Dave.
“Hmmm.. mukhang kulang pa ang dalawang taon ninyong relasyon. Hindi mo ba nadinig kay Mary Ann na sinigang na bangus sa bunga ng sampalok ang paborito niya? Sinabi at nilambing niya yun kay Aling Delia noong hapong nagkasabay tayo ng punta sa kanila dahil nagbalik na siya,” natatawang sabi ni Jennica.
“Pero pwede din namang kare-kare at sinigang na bangus ang paborito niya di ba?” depensa ni Dave.
“Malabong mangyari yun, Dave. Unless kakain siya ng kare-kareng walang peanut butter,” nakangiting sagot ni Jennica.
“Bakit naman mawawala?” nagtatakang tanong ni Dave.
“Allergic si Aling Delia at si Mary Ann sa mani. Baka para sa iyo ang kare-kareng ipanaluto niya sa bahay nyo,”natatawa pa ring sabi ni Jennica.
Naputol ang pag-uusap nila dahil sa balita sa radyo.
“Breaking news muna tayo, mga taga-Calamares. Aba’y itong si Mayor Toribio, may malaking pasabog sa Mary Ann Gonzales Kidnapping Case. Lumalabas na may nakalap na video itong si Mayor Toribio na matibay na ebidensya hindi lamang kay Palos kung hindi maging kay Mary Ann mismo!” sabi ng announcer.
Nanlamig si Jennica. Naka-silent mode ang phone niya na nilagay niya sa bag. Tama nga ang hinala niya na naka-walong missed calls si Mr. Delgado. Galit din ang mga text nito sa kanya. Sinagot niya ang huling missed call at pinapapunta siya sa bahay ng mga Gonzales para tangkaing kumuha ng interview.
CHAPTER 15: Mary Ann and Rodrigo
Magkasunuran silang dumating ni Dave sa bahay ng mga Gonzales. Hindi maaaring malaman ni Mary Ann na kani-kanina lang ay magkasama silang kumakain. May mga nakasalubong siyang reporter ng ibang pahayagan na nagsabing ayaw magpa-interview ni Mary Ann.
Dire-diretso pa din si Jennica sa bakuran ng bahay at saka kumatok sa pinto.
“Aling Delia, Mary Ann?”katok ni Jennica.
Biglang bumukas ang pinto at hinila siya papasok ni Aling Delia. Naroon na din si Dave at nakaupo sa tapat ng pwesto ni Mary Ann. Katabi naman ni Mary Ann ang ama at gaya ng dati, ang dalawang kapatid ay nasa kwarto lang at hindi pinalabas. Problema ng matatanda, wika nga ni Aling Delia.
“Naku, Jennica. Halimaw talaga yang si Mayor Toribio. Mantakin mong mukhang mababaligtad pa ang kwento. Idinadamay ni Palos ang anak ko!” halos mamaos ang boses ni Aling Delia.
Inakbayan naman ni Jennica si Aling Delia at pinakalma. Nakatulala lamang si Mary Ann. Galit naman ang hitsura ng ama.
“Bihira akong magsalita, Mary Ann. Pero pitong buwan na din naman ang dumaan at kahit may mga agam-agam ako sa isip ko, hindi ko pinansin dahil anak kita,” nagtitiim ang bagang ni Mang Kardo.
Parang nahintakutan naman si Mary Ann at napaurong mula sa ama.
“Anak, sabihin mo na ang nalalaman mo. Ano ba talaga ang nangyari? Maya-maya ay tiyak na maglalabas sila ng balita sa munisipyo. Sabihin mo na habang narito tayo. Jennica, pwede bang off the record muna ito habang magulo pa ang sitwasyon?”pakiusap ni Aling Delia kay Jennica.
Tumango lamang si Jennica at saka tumingin kay Dave.
“Totoo ba na kinidnap ka o hindi? Ano ang kinalaman mo sa grupo ni Palos?” tiim-bagang na sabi ni Mang Cardo. Namumula na ang mukha nito sa itinatagong galit.
“Tay, nay. Patawarin po ninyo ako. Lahat po nang nangyari sa akin pitong buwan na ang nakakalipas ay gawa-gawa ko lang,” saka tuluyang pumatak ang mga luha sa kanya.
Hindi natinag si Dave. Si Aling Delia ay napaluhod sa pagkabigla. Isang malakas na hampas sa mesa naman ang pinakawalan ni Mang Kardo.
“Nasilaw ako sa salapi dahil alam kong kahit magpakasipag ako, hindi ko mabibili ang mga bagay na gusto kong bilhin. Hindi ko maibibigay sa inyo ang buhay na pinapangarap ninyo lang. Unti-unti, umayos naman po ang buhay natin. Pero kahit gaano karaming pera pala mayroon ang isang tao, kung hindi mo mahal ang kasama mo, hahanapin mo pa rin ang pagmamahal na gusto mo,”nakatingin si Mary Ann kay Dave.
Halos matusok ang puso ni Jennica sa nakita. Si Dave naman ay naging asiwa ang kilos.
“Mary Ann…” sambit ni Dave pero hindi pa rin ito umaalis sa kinauupuan.
“Kahit ibigay niya sa akin ang lahat, hindi maikaila ng puso ko na ang tunay na makapagpapaligaya sa akin ay ang taong mahal ko. Nakilala ko si Rodrigo sa isang bar habang may karelasyon pa ako. Galante din siya gaya ng karelasyon ko pero sa panahong ito, nararamdaman kong mahal ko na siya. Bandang huli ay may hadlang sa relasyon namin, “napatayo si Mary Ann habang umiiyak. Halos hindi naman makapaniwala ang mga magulang niya sa mga bagay na hindi nila alam sa anak.
“Nabuntis ako ng karelasyon ko at sinabi ko ito sa kanya,”iyak ni Mary Ann.
Napapikit si Jennica. Nabuntis ni Dave si Mary Ann? Ayaw na niyang marinig ang mga susunod na rebelasyon.
“Wala ka bang bayag, Dave? Hindi mo pinanagutan ang anak ko?” nanlilisik ang mata ni Mang Kardong tumingin kay Dave. Hindi naman kumibo si Dave at naghantay na lang ng sasabihin ni Mary Ann.
“Tay, Nay….. hindi ko po boyfriend si Dave. Wala kaming naging relasyon. In fact, we don’t like each other,” pagbunyag ni Mary Ann.
Napatayo si Mang Cardo at kumuha ng tubig. Hindi nya malubos-maisip na napaikot sila ng anak sa loob ng mahabang panahon. Nagkatinginan naman sila Dave at Jennica, may kung anong kilig sa puso ng dalaga ng malamang wala naman palang relasyon ang dalawa. Pero ano ang kinalaman ni Dave sa buhay ni Mary Ann at bakit siya pumayag magpagamit dito? Napansin din niyang nakabukas ang cellphone ni Dave at tila may ongoing phone call. Nadidinig nang nasa kabilang linya ang lahat ng pag-uusap nila.
CHAPTER 16: Salaysay
“Nabuntis ako ng karelasyon ko at sinabi ko ito sa kanya. Wala akong inilihim kay Rodrigo pati ang pagbubuntis ko sa aking karelasyon. Kung masama akong tao ay mas masama akong ina dahil wala akong amor sa bata sa sinapupunan ko. Hindi ko mahal ang karelasyon ko. Nang sabihin ko ito sa kanya ay nagkasundo kaming ilipat muna ako ng tirahan. Nanghingi ako ng malaking halaga ng pera para may magamit akong panimula. At dahil wala naman akong pagmamahal sa batang dinadala ko ay ininuman ko siya ng gamot. Naisip namin ni Rodrigo na sapat na ang perang meron ako para lumayo. Naisip kong mas mabuting isipin ng mga tao na may masamang nangyari sa akin kaysa naglayas lang,”tulirong sabi ni Mary Ann.
Tahimik ang lahat sa gulat. Hindi malubos-maisip ni Jennica na sa kabila ng pagdududa niya sa kaso ni Mary Ann ay napaniwala siya nito. Napaniwala ba siya dahil nabulagan siya sa paghanga kay Dave? Marahil ay ginusto niyang magbulagbulagan para may dahil siyang magpabalik-balik sa tahanan ng mga Gonzales dahil alam niyang kahit paano ay baka sakaling makita niya doon si Dave. At lalong lumabo ang pagkaunawa niya sa pagkatao ni Dave dahil para ano ang pagpapanggap nito na nobyo siya ni Mary Ann.
“Anak, nalilito kami. Hindi mo boyfriend si Dave. Yung Rodrigo ang boyfriend mo pero may karelasyon ka kamong iba. Ano ang nangyari ng umagang nawala ka?” pagmamakaawa ni Aling Delia.
“Nung umagang papasok ako sa trabaho. Nagpaalam ako sa karelasyon ko na medyo male-late ako dahil may kailangan akong asikasuhin. Iniwan ko ang sasakyan sa highway bandang alas-tres ng hapon at nagsimula akong lakarin ang bundok dahil sa kabilang bahagi noon ay ang camp site kung saan kami magkikita ni Rodrigo. Tumawag ako sa karelasyon ko at umaktong tumatakbo mula sa mga lalaking humahabol sa akin. Saka ako nagpatuloy nang lakad. Pero bandang alas-sais ay nakarinig ako nang mga putok ng baril. Dahil hindi ko naman alam na ako ang pakay ay patuloy lang ako sa paglalakad.”
“Naabutan ka na namin halos. Abot-tanaw. Nakailang tawag kami nang pangalan mo pero tumakbo ka palayo. Hindi namin maintindihan ang kinikilos mo hanggang na-realize ko na pakana mo lang ang sinasabi mong may humahabol sa yo,” tumayo si Dave at galit na hinarap si Mary Ann.
Lalong nalito sila Aling Delia at Mang Cardo. Hindi naman agad nakakilos si Jennica sa matinding gulat. Masamang tao ba si Dave? Bakit kailangang habulin nila si Jennica at bigyan ng warning shot? Sa mukha ni Mary Ann ay handa na rin itong sabihin ang katotohanan para sa katahimikan ng pamilya niya.
“May mga kasama kang may baril. Galit na galit. Bakit ko naman kayo lalapitan?”depensa ni Mary Ann.
“Nagalit sila dahil ayaw mong tumigil sa katatakbo kahit nagkasugat-sugat na ang binti mo. Ganun pa man, nung magmakaawa ka sa akin na gusto mo na ng bagong buhay, hinayaan naman kitang tumakas, hindi ba?”kalmado na ang mukha ni Dave.
Tatango-tango si Mary Ann at pilit ngumiti bilang pasasalamat. Sinabi niyang dahil sa pagtalon niya sa ilog mula sa mataas na lupa kung saan siya nasukol ni Dave ay nasira ang cellphone niya. Dahil na din sa naiba ang kaganapan ay hindi sila nagkita ni Rodrigo sa Camp Site.
“Gaano katagal bago kayo nagkita ni Rodrigo?”tanong ni Mang Cardo.
Natensyon si Mary Ann pero ipinasya niyang mas mainam na ding sabihin niya ang lahat.
“Pagkalipas pa ng tatlong araw. Tumawid-bayan ako at doon bumili ng bagong cellphone para matawagan ko siya,” sagod ni Mary Ann.
“Hindi ko maintindihan kung ano ang kinalaman ni Palos sa kaso mo,” ang di makapagpigil na sabi ni Jennica.
“Dalawang linggo pagkatapos kong mawala, sinubukan naming lumuwas nang Maynila para doon na mamalagi. Pero naging malaking balita pala sa buong Calamares ang pagkawala ko kung kaya’t bawat taong lumalabas sa probinsya ay hinihingan ng identification. Naging tinik sa dibdib namin ang Calamares Express dahil sa pagbalita ng pagkawala ko. Binigyan namin ng death threat sa Facebook si Jennica pero tuloy pa din sya sa pagbabalita,”paliwanag ni Mary Ann.
Nagulat si Jennica sa natuklasan. Si Mary Ann pala ang nagpadala sa kanya ng mga death threat at hindi ang supporters ni Mayor Toribio. Tinignan niya ang ekspresyon ni Dave, tumalim ang tingin nito kay Mary Ann.
“Ano namang magiging problema ni Rodrigo doon? painis na tanong ni Mang Kardo.
“Tatlo po ang ID na meron si Rodrigo…iba-iba ang pangalan. Lumabas siya para kausapin ang mga pulis sa checkpoint at sinamantala ko naman na lumipat sa driver’s seat. Nakita kong hindi maganda ang nangyayari kaya bumusina ako na pumasok na siya at tatakas na kami. Nagkagulo na sila kaya sinigaw na lang niya ang pangalan ko, hudyat para umalis na akong wala siya,”pumatak ang luha ni Mary Ann.
Lalong nalito si Jennica sa narinig. May mga loopholes pa din sa kwento ni Mary Ann kaya hindi niya maiwasang magtanong.
“Ano ang nangyari kay Rodrigo pagkatapos?”tanong ni Jennica.
Medyo nagulat si Mary Ann sa tanong ni Jennica.
“Hindi mo ba alam? Nabasa ko sa pahayagan na ikaw ang kumausap sa kanya nung makulong siya. Si Rodrigo Samonte ay si Palos,”pagtatapat ni Mary Ann.
Halos maibagsak ni Jennica ang basong hawak niya. Napaupo naman si Aling Delia at parang nanghihina. Tumayo naman si Mang Kardo at nagpahangin sa bintana. Ang kanilang panganay na anak, ang kanilang minumutya at pag-asa ng pamilya ay may lihim na karelasyon, namangka sa dalawang ilog at nabuntis ng lalaking di nila kilala. Ang pinakamatindi nito, hindi basta lalaki ang pinamangkang- ilog dahil miyembro din ito ng isang sindikato.
Tama nga na may resibong hawak si Mayor Toribio na sangkot si Palos sa kidnapping ni Mary Ann. Pero ang tiyak na hindi malinaw para kay Mayor Toribio ay ang tunay na kaugnayan nito sa kay Mary Ann. Naisip ni Jennica na baka pinagdududahan ni Mayor Toribio na miyembro din ng sindikato si Mary Ann. Pero kung ganun at kung may ebidensya si Mayor na walang kidnapping na naganap, bakit hanggang ngayon ay hindi niya ginagalaw si Mary Ann? Mas nakapagdududa ding maging sa kanya na miyembro ng media ay tahimik lang ang mapagmalaking Mayor.
May malaki din siyang katanungan kay Dave. Sino ang karelasyon ni Mary Ann na pilit niyang pinagtatakpan kung sinasabi niyang maykaya naman ang pamilya ng ama niya? Nagsinungaling ba si Dave tungkol sa kanyang tunay na pagkatao? Ang pinakamatinding naisip ni Jennica ay baka miyembro din ng sindikato si Dave.
CHAPTER 17: Big Brother Strikes Again
Kararating-rating pa lang ni Dave sa kanyang bahay ay nag-ring na ang kanyang cellphone. Napatingin siya sa CCTV na nakatutok sa salas.
“Mukhang pagod na pagod ka ah,”sabi ng lalaki sa kabilang linya.
Umupo si Dave sa sofa at saka itinuloy ang pakikipag-usap.
“Double duty ako. Finance Analyst sa opisina, at fake boyfriend naman after work. Ang problema lang ay yung fake girlfriend ko, umamin sa magulang na hindi ako ang boyfriend niya,”hinahantay ni Dave ang reaksyon ng kausap niya.
“Buo at malinaw kong nadinig dahil sa phone call mo. Matalino ka talaga, Dave. Buong-buo kong nadinig ang lahat,”sagot ng kausap.
“Actually, pagod na din ako sa pagpapanggap sa kanya. Ano ba ang next task ko after Mary Ann?” ang tanong ni Dave sa kausap.
“Why don’t you just go straight to the point na kaya ka nagkakaganyan ay dahil gusto mong pormahan yung reporter? Alam mo, sinuwerte ka lang at naunahan ka ng paglalantad ni Mary Ann. Because I firmly believe, and this is with evidences, na isang araw ay babaligtad ka sa usapan natin. Ano’ng akala mo na hindi ko alam ang mga pagdi-date ninyo ni Jennica? Pero tama din naman ang pakikipaglapit mo sa reporter na iyan. Mas napakinabangan mo ang kahinaan niya,”sarkastikong sagot ng misteryosong boses.
Namula si Dave. Hindi niya alam kung dahil sa nabigla siya o sadyang tumitibok ang puso niya sa tuwing nababanggit ang pangalan ni Jennica.
“Please, labas si Jennica dito. Wag mong idamay si Jennica,” pakiusap ni Dave sa boses.
“Pag-iisipan ko,”sagot ng boses at saka pinutol ang pakikipag-usap kay Dave.
Sa silid naman ni Jennica ay hindi siya makatulog. Malaking balita sana ang mga narinig niya mula sa bibig ni Mary Ann pero nangako siyang walang makakaalam ng pinag-usapan nila lalo at umuusad naman ang kaso laban kay Palos. Isa pa ay malalagay sa katatawanan ang Calamares Today dahil lalabas na “kidnap me” lang pala ang balitang tinutukan ng bayan sa loob ng halos pitong buwan. Natigil lang siya sa pagmumuni-muni nang may matanggap na chat notification.
“Jennica.”
“Online ka pa. Usap naman tayo.”
Seen.
“Jennica.”
“Hindi ako makatulog.”
Seen.
“Ang pangit ng simula ng pagkakilala natin.”
“And it started in a very deceiving way.”
“But one thing is for sure. Totoo ang feelings ko para sa iyo.”
Seen.
Sumubok pang mag-video call si Dave na nire-reject lang ni Jennica.
“Hindi ako titigil hanggang hindi ko mapatunayan sa iyo na mahal kita.”
Seen.
Maya-maya at naisipan na ding sumagot ni Jennica.
“Kung talagang mahal mo ako, sabihin mo sa akin kung sino ka talaga.”
Seen.
Si Dave naman ang hindi nakasagot.
Dahil hindi makatulog, kumuha na lang ng beer in can mula sa personal refrigerator niya si Dave. Ganoon ang gawain niya kapag may bumabagabag sa kanya. Pero iba ang gabing ito, ito ang unang beses na nabagabag siya ng dahil sa problema sa puso. Umupo siya sa terrace ng balcony na karugtong ng kuwarto niya. Naalala niya ang maiikling pagkikita nila ni Jennica na parang walang hanggan na ang pakiramdam para sa kanya. Naalala niya ang hirap ng pagkukunwari ng isang boyfriend na nagdadalamhati at ang pagpipigil niya ng damdamin para sa babaeng talagang gusto niya. Iniisip niya din ang nabaling tiwala sa kanya nila Aling Delia at Mang Kardo, mga magulang ni Mary Ann na mistulang biktima din ng mga pangyayari. Napatingin siya sa bilog na bilog na buwan na parang nangungusap sa kanya.
“Pakisabi kay Jennica, mahal na mahal ko siya. Iparating mo, ha?” saka napangiti siya dahil hindi pa naman siya lasing kung hindi may desperasyon lang sa mga kaganapan.
Para namang nakisama ang buwan dahil mula sa nakabukas na bintana ni Jennica ay sumilay ito nang pagkaliwa-liwanag at parang bumubulong sa kanya.
“Kung makita mo ngayon si Dave, pakisabi sa kanya na pareho lang ang nararamdaman namin,”pakiusap ni Jennica sa full moon.
At saka nakatulog si Jennica ng mahimbing.
CHAPTER 18: Ang Katotohanan
“Rodrigo!” ang halos maiyak na sambit ni Mary Ann.
Nakasimangot ang mukha ni Rodrigo at halatang hindi welcome ang presensya ni Mary Ann.
“Pinapalala mo ang sitwasyon mo. Alam mo ba na pinagdududahan ka na ng mga tao na fake kidnapping ang nangyari?” madidiin ang mga salita ni Rodrigo. Ni ayaw niyang tignan ang noo’y umiiyak na na si Mary Ann.
“Kung sabihin ko na lang ang totoo na gawa-gawa ko lang naman ang lahat?”sambit ni Mary Ann.
“Hindi ka ba nag-iisip? Paano ko naman tatakasan ang gawain ko sa sindikato? Hindi mo ba nabalitaan na mainit ang mata sa akin ng mga pulis ngayon at pati na din ng mga kasamahan ko sa sindikato dahil sa ginawa ko?”sagot ni Rodrigo.
Napatingin si Mary Ann. Alam niyang nailagay niya sa isang napaka-delikadong posisyon ang pamilya niya. Alam din niyang pag nalaman ng sindikato ang katotohanan na may relasyon sila ay may posibilidad na pati siya ay madamay. Nanginig ang mga kamay niya sa takot para sa pamilya niya.
“Mary Ann, may tatak na ang pagkatao ko. Magnanakaw, mamatay-tao kahit alam ng Diyos na wala akong pinatay na tao. Ngayon, kidnapper naman ako. Mainit na sa akin ang batas. Mainit na din ang mata ng sindikato sa akin dahil sa nangyari. Iligtas mo ang sarili mo. Panindigan mong kinidnap kita para sa pera. Kung may panahon pa para mapagdusahan ko lahat ng ito, gagawin ko para sa iyo. Pero pinapalaya na din kita dahil hindi ko deserve na mahalin ng isang gaya mo,” dumadaloy ang luha sa mga mata ni Rodrigo.
“Huwag mong sabihin yan. Hindi kita iiwan,” napaiyak na din ng tuluyan si Mary Ann.
Bumulong si Rodrigo, “May mga nakatingin sa atin, sampalin mo ako.”
Nakatulala si Mary Ann sa harap ni Rodrigo. Ayaw tuminag. Tumayo si Rodrigo at saka umarteng galit at nagwawala. Kailangang sakyan ni Mary Ann ang drama ni Palos kung kaya nagpakawala siya ng isang malakas na sampal at saka umalis na umiiyak.
Sa dami ng masasalubong niya ay si Mayor Toribio pa. Hindi niya malaman kung iiba ba siya ng lakad o didiretso. Palapit ang mayor sa direksyon niya.
“Napabisita ka yata sa kidnapper mo. O, umiiyak ka?” ang hindi niya mawari kung concern ba o nang-iinis na bati ng mayor sa kanya.
“Gusto ko lang pong makita ang pagdurusa ng kidnapper ko,” ang paiwas niyang sagot.
“Sino ang kasama mo? Hindi ba traumatic sa iyo ang pagharap sa kanya?”tanong ng Mayor.
“Sa dinanas ko sa buhay, kaya ko na pong harapin lahat,”diretsang sabi ni Mary Ann.
“Sigurado ka? Kung kaya mong harapin lahat, dapat alam mo ding ihayag lahat,” ang nakangiting sabi ng mayor.
Hindi niya mabasa kung ano ang alam ni Mayor Toribio tungkol sa kanya dahil tinamaan siya sa sinabi nito. Habang naglalakad siya palayo sa Provincial Jail ay iniisip niya ang sinabi ni Rodrigo na kailangan niyang iligtas ang sarili. Sinisisi ni Mary Ann ang sarili sa pagkakahuli kay Rodrigo na napakailap mahuli ng mga pulis kung kaya’t Palos ang itinawag nila dito. Ganun pa man, naisip din niya ang kapakanan ng mga walang muwang niyang pamilya kung pati ang sindikato ay maging mainit sa kanila. Sa huli ay napagpasyahan niyang gawin ang nais mangyari ni Rodrigo.
Naging mainit na paksa ang paglilitis kay Rodrigo sa sumunod na mga buwan. Gaya ng inaasahan ay si Jennica pa din ang tumutok sa kidnapping case. May mga pagkakataon na naroon si Dave sa paglilitis para kunwaring suportahan si Mary Ann. Pilit na pilit naman ang pagiging kaswal ni Jennica kay Dave dahil iniiwasan na niya ito.
Pagkatapos ng pangatlong hearing ay hiningan ni Jennica ng pahayag si Mayor Toribio.
“Gaya nga ng sinabi ko sa inyo, may resibo ako na si Palos at wala ng iba ang dumukot kay Mary Ann. At yan ang gusto kong iparating dito sa San Isidro na sa huling termino ko bilang mayor ay nagawa kong sugpuin ang kriminalidad sa ating bayan. Walang hindi makakalusot kay Mayor Toribio.”
“Nag-file na po kayo ng Certificate of Candidacy para sa gubernatorial seat. Makakaasa po ba ang buong Calamares ng speedy trial kapag kayo na ang governor?” tanong ni Jennica.
“Of course, Jennica. In my capacity as a mayor, nagawa ko naman siya so bakit hindi kung ako na ang gobernador sa bayang ito. Ironically, balita ko ay magpo-focus na lang daw sa pagiging private citizen si Vice Mayor Cordova. May mga nababalitaan ako na baka mag-migrate din silang pamilya sa US pero yan ay puro balita lamang. You can ask him about that. Nasabi ko lang dahil for the very first time, ang banggaang Toribio at Cordova ay hindi mangyayari sa susunod na election,” nagliliwanag ang mga ngiti ni Mayor Toribio na parang napakalaking tagumpay ang nangyari.
“Good for you po, Mayor,” naturan ni Jennica.
“Ah, Jennica. Gusto kitang imbitahin minsan sa dinner sa bahay namin. Kung nahihiya ka, isama mo ang mga kaibigan mo. I want to know you better…as a person. Kung may boyfriend ka, isama mo na din. I hope free ka one of these days?” mapagkumbabang sabi ni Mayor Toribio.
Medyo nagulat si Jennica sa tinuran ng Mayor.
Pagbalik sa opisina ay may dinatnan siyang bouquet of roses sa desk niya. Nanunukso naman pati si Mr. Delgado dahil unang pagkakataong may nagbigay ng bulaklak kay Jennica sa opisina. Binasa niya ang note at saka napangiti.
“It’s been a while. See you later at our favorite place. Same time. Love, D.M.C” nakakakunot-noong basa ni Jennica.
Chapter 19: All Is Well
Mahaba na ang buhok ni Jennica kung kaya’t tinirintas niya ng paikot sa likod ng ulo para hindi maging sagabal sa kanyang helmet. Nakasuot naman siya ng pink na blouse at maong na pantalon. Tugma naman ang itim na boots niya sa overall get up niya.
Sa restaurant, pinagpapawisan na si Dave dahil lagpas kinse minutos na ay wala pa rin si Jennica. Nakayuko na ito at tanggap na hindi siya sisiputin nang biglang may humila ng upuan sa tabi niya- si Jennica. Halos mapalundag siya sa tuwa.
“Can we just pretend na ngayon lang tayo nagkakilala? Hi, I’m Dave and you are?” pagbibiro ni Dave.
Inabot ni Jennica ang kamay ni Dave at saka sumagot,” Nice to meet you, Dave. I am Jennica Tolentino.”
“Jennica, I’m a Financial Analyst. 32 years old, nasa marrying age na. Wala pa talagang naging girlfriend dahil hindi naman counted si Mary Ann. I am not rich like my father’s legal family but I am hardworking,” tugon ni Dave.
“Dave, I’m a reporter. 28 years old, never had a boyfriend kaya nag-iingat ako sa mga nanliligaw sa akin. I hate secrets dahil ang buong pagkatao ko ay isang sikreto ng nanay ko. Hindi ako mayaman at ulilang lubos din kaya pinipilit kong makipaglaban sa buhay,” sabi naman ni Jennica.
Masaya ang naging dinner nila. Naikwento ni Dave na nagkausap na sila ni Mary Ann at mismong ito ang nagsabing hindi na niya kailangan ang pagpapanggap. Nag-resign na din si Mary Ann sa kumpanya nila Vice Mayor Cordova at abala ngayon sa online selling. Hindi na rin nito kinuha pa ang kotseng naiwan sa kumpanya.
“Teka, di ba si Dave Malonzo ka? Paano ka naging si DMC?” pagtatakang tanong ni Jennica.
“Matatanggap mo ba ako kung ako si Dave Malonzo Cordova?” nakangiting tanong ni Dave.
Nanlaki ang mata ni Jennica, “Don’t tell me…!!!”gulat na sambit ni Jennica.
“Oo, ako yung anak sa labas ni Daddy. Hindi pa alam ng legal wife at ng ibang kapatid ni Kuya kaya sinamantala niya yun para ipagawa sa akin yung ibang utos niya. Matagal na din akong hindi nakatira sa bahay na bigay ni Kuya para wala ng isumbat sa akin. Saka pagkayaring mag-resign ni Mary Ann sa company nila Kuya, umalis na din ako. Medyo mas mababa ang sahod at wala pang freebies pero may peace of mind naman ako. Sila Tita Medy, Ate Corine, si Cherry na pamangkin ko at yung asawa ni Kuya na si Ate Melissa, alam na din nila kung sino ako. Funny but they all accepted me with loving arms. Kung alam ko lang na hindi naman nila ako itatakwil, sana noon ko pa sinabi kung ano ako sa buhay nila. But of course, ayokong isipin nilang after ako sa kayamanan ni Daddy. Gusto ko kako munang pagtrabahuhan ang buhay ko. At isabay na ding pagtrabahuhan ang lovelife ko,” inabot ni Dave ang kamay ni Jennica. Hindi nito inalis ang pagkakapatong ng kamay.
“That explains kung bakit may pagkakataon na nahuhuli ko kayong mag-usap ni Vice Mayor. Pero bilib din ako sa Ate Melissa mo na binigyan pa ng second chance si Vice Mayor,” nakangiting sagot ni Jennica.
“All is well. Gusto ko munang mag-focus sa sarili ko, at sa atin. May chance ba ako?” tanong ni Dave. Magkahawak na ang kamay nila.
“Kung wala kang chance, kanina pa kita sinuntok,” ang nakatawa namang sagot ni Jennica.
Sa pangalawang pagkakataon ay hinalikan niya si Jennica. Gumanti naman ito kahit nasa pampublikong lugar sila. Ang waiter na madalas mag-serve sa kanila ay pinatay ang ilaw na malapit sa table nila para sa kanilang privacy.
Bagama’t nalaman niya ang tunay na pagkatao ni Jennica, hindi siya ang dapat magtapat nito kung hindi si Mayor Toribio. Bagama’t darating sa panahong magkakairingan pa din sa usaping pulitika ang mga Cordova at Toribio, alam niya sa puso niya na si Jennica ang pipiliin niya. Sabagay, ang pagtalikod ni Vice Mayor Cordova sa pulitika at ang paninirahan nito sa Amerika kasama ang pamilya ay malaking senyales na nang pagbabagong-buhay. Tama din ang hinala niya na kapalit ng hindi pagdawit ni Mayor Toribio kay Mary Ann sa kaso ni Palos ay ang pananahimik din ni Vice Mayor Cordova sa natuklasang may itinago itong pamilya noong kabataan nito at nagsisimula pa lang na pulitiko ng San Isidro.
“I love you, Jennica Tolentino,”sambit ni Dave.
“I love you, Dave Cordova,” ganti ni Jennica.
~END