February 3, 2017.
Nagising ako sa liwanag ng araw na tumama mula sa bintana ng aming silid. Umupo muna ako habang sinusubukang isipin kung anong araw ba ngayon. Kinuha ko ang cellphone ko mula sa maliit na side table.
“Tama naman. Talagang hindi ako nag-set ng alarm. Tama, Byernes ngayon,” ang sabi ko sa sarili.
Maya-maya pa ay tumunog ang notification ng email ko. Binuksan ko at binasa.
“Happy birthday, Leona!” bati ng Jobstreet sa akin.
Napangiti ako dahil Jobstreet na lang ang nakakaalala ng aking kaarawan. Ipinagkibit-balikat ko na lang ang namumuong ala-ala noong mga panahong simple pa ang buhay. Noong mga panahong iisa ang sinasabi ng aking mga propesor na isa ako sa inaasahan nilang magiging matagumpay sa buhay. Ah, hindi talaga natin masasabi ang panahon. Habang nagkakaedad tayo, doon natin maiisip na wala naman talagang nabubuhay sa charmed life. Kathang-isip lang ang ideya na posibleng nasa isang tao ang lahat na pwedeng makapagpaligaya sa kanya. Habang bata tayo, wala naman tayong inaalala kundi ang kumain at matulog lang. Gaya ko, nanggaling ako sa isang upper middle-class family sa Pampanga. Pinakamumutya daw akong anak dahil wala naman akong mga kapatid. Walang choice ang mga magulang ko kundi pakamahalin ako. Kung bakit ang bata, habang minamahal mo ng todo ay siya namang may gustong patunayan na kaya niya ang mag-isa. Ito siguro ang isang dahilan kung bakit mas pinili kong mag-aral sa Baguio kaysa sa Maynila.
“Make sure that you packed your jackets and cardigans,” habilin ng nanay ko habang binubuksan ko ang pinto ng kotse. Ito ang araw kung kailan nila ako ihahatid sa Baguio para magkolehiyo.
“Bilisan nyo. Ayokong gabihin sa daan,” ang naiinip namang sabi ng aking ama.
“Siguro naman ay mabilis kang makakapag-adjust doon? Pero tiyak sa una ay mahihirapan ka dahil ikaw lahat ang gagawa ng mga bagay na inaasa mo lang sa amin dati,”panunukso ng aking ina.
“Saka nga pala, ilang beses kong ipapaalala na bawal muna ang boyfriend, ha?”karugtong na habilin naman ng aking ama.
Namula ako pero hindi ko alam kung napansin nila. Kung gugustuhin ko lang magkaroon ng boyfriend, matagal na sanang nangyari. Pero nakapako ang isip ko sa ideal man ko—matangkad, gwapo, matalino at mabait. Siguro naman, lahat halos ng tao ay pinagdaanan yan. At kung hanggang ngayon ay wala man lang akong puppy love, ibig sabihin lang ay walang pumasa sa pamantayang gusto ko.
Naputol ang pagmumuni-muni ko at hindi ko namalayang nasa Sison, Pangasinan na kami. Ibinababa ko ang bintana ng kotse para man lang pumasok ang sariwang hangin. Agad ko rin namang isinara nang pumarada kami sa stop-over para hindi pumasok ang usok ng mga kasabay na bus. Saglit kaming kumain at habang papabalik na kami sa kotse ay may grupo ng mga kaedaran ko ang nagkakatuwaan.
“Hi Miss. Pwedeng magpakilala?” biro ng isa. Hindi ko sila pinansin, bagay na higit na nagpatindi ng kanilang kantyawan.
“Ang sungit mo naman, Miss,” biro ng aking ina sa akin.
“Ah, malapit-lapit na tayo. Siguro naman ay hindi umuulan doon. Mahirap mag-drive ng may fog,” sambit ng aking ama.
Nagkatotoo ang nasa isip ng aking ama dahil dinatnan namin ang makapal na hamog sa kalagitnaan ng Marcos Highway. Maingat na minaniobra ni Papa ang sasakyan at alisto sa mga nakakasalubong dahil maaaring pagmulan ng aksidente ang ganito kakapal na hamog. Binuksan ko ang bintana ng kotse para damhin ito. Napagalitan ako ni Mama at ipinababa ang bintana sa pag-aalalang baka ako sipunin.
Malaking kapanatagan kay Mama na nalampasan namin ang makapal na hamog na ligtas. Makalipas ang dalawampung minuto ay nasa harapan na kami ng isang malaking bahay na may malawak na hardin. Bumusina si Papa nang tatlong beses. Walang taong lumabas. Bumaba ako sa kotse at sumilip sa puting gate. Napansin ko ang doorbell na bahagyang natatakpan ng dahon ng yellowbell. Pinindot ko. Maya-maya ay may humahangos na lumabas mula sa pinto, ang caretaker. Nagmamadali niyang binuksan ang gate at mabilis ding isinara pagkapasok ng kotse.
“Pasensya na kayo, Ma’am, Sir. Nalibang ako sa pag-aayos, hindi ko yata narinig na kanina pa kayo narito,” ang sabi ng caretaker.
“Wala ‘yon. Kararating-rating lang din namin. Ikaw yata si Linda? Nabanggit ni Yumi ang pangalan mo,” ang sagot naman ni Mama.
“Ako nga po, Ma’am. Naku, ito ba si Leona? Napakaganda palang bata. Wag kayong mag-alala, Ma’am. Bantay-sarado siya sa akin,” napakindat pa si Ate Linda sa aking ina.
“O, Linda. Kapag naka-graduate si Leona na walang kabulastugan, may limang libo ka sa akin,” birong may halong katotohanang sabi ni Papa.
Napangiti si Ate Linda sabay kuha ng mga maleta. Binuksan niya ang malaking pinto at tumambad sa amin ang malawak na loob ng bahay. Sa gawing kanan ang living room o sala na may kurtinang tila gawa sa dikit-dikit na yantok na maninipis. Nakahawi naman ang makapal na telang kurtina na sa palagay ko ay isinasara pagsapit ng gabi. Malalaki ang mga upuan na gawa marahil sa pine wood. Kapansin-pansin din ang mga etnikong disenyo na naka-display. Sa gawing kaliwa naman ng bahay ay bahagyang tanaw ang kusina. May mababang partisyong naghihiwalay sa pagitan ng dining room at living room. Mula sa front door ay makikita din ang mataas na hagdan papunta sa mga kuwarto.
“Gusto mo bang makita ang kuwarto mo?” pansin ni Ate Linda sa akin.
Tumango lang ako. Inakyat namin ang mataas na hagdan, ingat na ingat akong makagawa ng ingay. Sa ikalawang palapag ay may tatlong pinto akong nakita. Nilakad namin ang dulong bahagi.
“Eto ang CR sa 2nd floor. May heater yan kaya hindi ka mahihirapang maligo. May CR din sa baba kaya kung nagmamadali kayo, hindi ka mahihirapan sa banyo,” nakangiting sabi ni Ate Linda.
“Kami po?” tanong ko.
“Hindi ba nasabi sa ‘yo ng Mama mo? Lima kayong aalagaan ko dito,” may pagtatakang sagot niya. Lalong namilog ang mabibilog niyang mga mata.
“Ah, hindi po namin napag-usapan. Pero wala pong kaso sa akin kung may kasama ako sa bahay. Yung sa ano lang po…”
“Kuwarto?”
Tumango ako. Hindi ako sinagot ni Ate Linda. Nagpatuloy kami sa house tour.
“Eto ang master’s bedroom. Hindi ko talaga binubuksan iyan hangga’t walang pahintulot si Ma’am Yumi.”
“Okay lang po.”
Kumalansing ang bungkos ng susi na hawak ni Ate Linda. Pinili niya ang susi na may gintong kulay at binuksan ang isang kwarto.
“Pasok ka, tignan mo. Malaki itong kwarto na ito,” sumenyas pa si Ate Linda sa akin.
Malaki nga ang kwartong binuksan niya. May tatlo itong kama na animo ay magkakalayong letrang “U.” Ang dulong kama ay nakadikit sa dingding gaya ng pangatlong kama. Ang nasa gitnang kama naman ay nakadikit sa pader na may bintana. Sa laki ng kwarto, maaari pa itong hatiin sa tatlong maliliit na kwarto. Sa dulo ng kwarto sa bandang kanan ay may isa pang bintana ngunit mas malaki. Pumihit ako ng direksyon at binuksan ang bintana. Sinalubong ako ng manipis na hamog mula sa labas.
“Ah, bihirang buksan ang bintana na iyan. Kitang-kita kasi diyan ang mga tao sa kapitbahay,” paalala ni Ate Linda.
Kitang-kita? Bakanteng lote ang nakikita ko na puro pine tree at ligaw na bulaklak. Iginawi ko ang mga mata ko sa malayo-layo at doon ko naunawaan ang sinasabi ni Ate Linda. Tanaw na tanaw sa bintana ang hardin ng pinakamalapit na kapitbahay. Umaasa akong makakita ng tao ngunit wala akong natanaw kung kaya’t isinara ko na lang din ang bintana.
“O, mukhang hindi ka masaya sa kwarto mo?”
Napangiti ako at piniling huwag magsalita.
“Baka itong kwarto sa itaas ang mas magustuhan mo.”
Tinunton namin ang hagdan papunta sa attic. Makipot ang hagdan ngunit sapat upang makapag-akyat ng mga gamit. Kung titignan ay mas mukhang mezzanine or loft ang attic. Sa dulo ng hagdan sa taas, binuksan ni Ate Linda ang kahoy na sliding door.
“Hindi ko ito isinasara kapag may tao sa attic. Para nadidinig ko kung may ipag-uutos ba sa akin.”
Binuksan ni Ate Linda ang kwarto. Nanlumo ako dahil mas maliit ang kwartong nasa attic kaysa sa pinakita niya kanina. Napansin niya yata na hindi ko nagustuhan.
“Ang maganda dito ay dalawa lang kayo. Mamili ka na lang kung alin sa dalawang kama ang gusto mong sa iyo. Kung ako sa iyo, doon ako sa kamang malapit sa bintana.”
“Bakit po dalawa ang pinto ng kwarto?” itinuro ko ang isang pinto sa kwarto.
Napangiti ng malaki si Ate Linda.
“Ang kagandahan ng kwarto sa attic ay may malawak kang study room. Sa tabi ng study room ay may storage area ng mga abubot ni Ma’am. Tapos, sa dulo nito ay may CR din. Ang problema nga lang ay wala pang heater ang CR dito.”
Parang dumaloy ng mabilis ang dugo ko! Nagustuhan ko ang attic.
“O, siya, feel at home. Magluluto pa nga pala ako ng hapunan natin,” tinapik ako ni Ate Linda sa balikat bago bumaba.
Umupo ako sa bilog na coffee table na nasa gitna ng study room. Malalaki ang mga bintanang salamin sa study room kung kaya’t tanaw na tanaw ko ang labas. Mangilan-ngilan ang dumaraang sasakyan dahil na rin siguro sa papakapal na hamog na nagbabadya ng pag-ulan. Hindi ko alam kung namamalik-mata lang ako dahil sa tingin ko ay may nakatayong tao sa harap ng gate. Parang nakatingin din ito pabalik sa akin.
“Kakain na, tara at bumaba ka na,” pinutol ni Ate Linda ang pag-uusyoso ko. Paglingon ko ay wala na ang taong nakatingin sa akin.
Pinutol ang pagbabalik-tanaw ko sa aking nakaraan ng sunud-sunod na pagbati mula sa mga kaibigan.
“Life begins at forty, happy birthday!” ang tila iisa nilang pagbati.
Forty years? Ganoon na ba ako katanda? Kalahati na pala ng buhay ko ang nagdaan. Ganun katagal na din akong duwag harapin ang mga pangyayari sa aking buhay.