The Haunted- Chapter 2: Devotion

February 4, 2017.

Nagising akong medyo masakit pa ang ulo gawa ng matinding hang-over. Nangantyaw ng libre ang mga kasamahan ko sa trabaho kahit alam nilang hindi ko gawain ang lumabas nang gabi maliban na lamang kung kasama ko si Kate at Jim.

“Sige na, minsan ka lang mag-forty years old. Saan mo ba kami ililibre?” tanong ni Judy, ang pinakamaingay sa office.

“Kaya nga ako nag-leave para makapagmuni-muni tapos ay lalabas ako?” sagot ko naman sa phone call.

“O, sige, kami na lang ang pupunta diyan. Nasa bahay ka lang naman di ba?” ang sabi ng di ko makilalang boses. Naka-speaker phone ang call nila.

“Uy, wag naman. Hindi pa ako nakakapag-ayos nang bahay,” katwiran ko.

“Basta, antayin mo kami diyan. Tama na sa amin ang kahit anong ulam. Pwede naman sigurong magdala ng San Mig ano?” ang makulit na sabi ni Judy.

Ibinaba nila ang telepono na nagtatawanan. Naiwan naman akong nag-iisip kung nagbibiro ba sila o seryoso. May tatlong oras pa naman bago mag-alas siete kaya ihinanda ko ang pinakamadaling putahe para naman hindi ako mapahiya sa kanila.

Dumating si Kate mula sa eskwela at nagulat pa na nasa kusina ako.

“Happy birthday, Ma. I’m sorry, hindi ako aware na may birthday dinner dito?”

“Well, this is not actually for us. Etong sila Judy ay pupunta daw dito dahil fortieth birthday ko daw. So, does it mean na kumain ka na?” tanong ko kay Kate na noon ay nanood sa pagluluto ko.

“Yes, Ma. The usual TGIF dinner namin nila Celine. Sabi mo kasi ay hindi ka naman maghahanda,” ang tila nalulungkot na sagot ni Kate.

“As I mentioned, hindi ko sila close sa office kaya nagulat din ako na pag-aaksayahan nila ako ng panahon.”

“Ten years ka na sa office pero hindi ka naging close sa kanila?” ang medyo naiilang na tanong ni Kate. Yung tingin nya sa akin habang nagtatanong ay kawangis ng tingin ni Jim kapag may hindi siya pinaniniwalaan sa sinasabi ko. Mag-ama nga sila dahil pareho sila ng mannerisms.

“Bakit, pwede naman yun, di ba? Hindi ko nga din inasahan na mabilis nila akong tatanggapin. Hinatid lang kita sa school tapos nakita ko ang tarpaulin nila sa labas ng office nila sa Quezon Avenue. I just tried kung papasa ako. That was it,” paliwanag ko.

“Ganun lang ba yun? For eight years na nasa bahay ka lang at hindi naman nagtrabaho, saka mo maiisipan na mag-apply kahit sabi mo nga na dahil kami ni Daddy ang priority mo,” balik na tanong ni Kate.

“Well, take it or leave it basta ‘yan ang nangyari ten years ago. Anyway, if you don’t mind, tumayo ka muna dyan at aayusin ko na ang table. I’m sure parating na sila Judy.”

Tumayo si Kate at dumiretso nang punta sa kwarto niya. Ilang buwan na lang din at malapit na din siyang maging ganap na dalaga. Napag-uusapan nilang mag-ama ang gusto niyang mangyari sa debut niya.Iniiwasan kong pag-usapan ang bagay na iyan dahil siguro naroon ang takot ko na maging ganap siyang dalaga at sumubok ng mga bago sa buhay.

Ding..dong…

Binuksan ko ang front door at pareho pa kami ni Jim na nagkagulatan. Nagulat ako na maaga siyang umuwi at tila nagulat naman siya dahil sa suot kong apron.

“Happy birthday. Nagluto ka?”

“Hmmm. Parating daw sila Judy. Bakit, kumain ka na rin ba?”

“Hindi pa. Ano’ng oras daw ba sila parating?”

“Teka at sila na yata ang bumubusina. Sasalubungin ko lang sa gate.”

Binuksan ko ang gate at sabay-sabay silang bumati sa akin. Naroon si Judy na tiyak na pasimuno, si Barbie na pinakabago sa amin, si Sol na panay ang dikit kay Jeron at si Jeron na nag-iisang lalaki sa department namin.

“Thank you, talagang sineryoso ninyo ah,” biro ko.

“Minsan lang to, mars. Saka naniniwala ako na life begins at forty,” ang sagot ni Judy.

Pinapasok ko sila at inalok na simulan na ang pagkain. Tinawag ko si Jim para makasabay na din. Napansin kong nag-aalangan pa siya kung kaya’t nakaupo na kaming lahat nang dumating siya.

“Ang gwapo pala ng husband ninyo, Ma’am Leona,” papuri ni Barbie. Namula si Jim sa narinig.

“Ay siyempre, maganda din naman si Leona, ano?” ang balik-puri naman ni Judy para sa akin.

“Naku, binola mo pa ako. Tignan mo nga ang hitsura ko ngayon. Walang kabuhay-buhay,” biro ko naman.

“Mars, dati ka nang walang kabuhay-buhay,” sagot ni Judy.

Nagtawanan lahat maliban kay Jim.

“Masarap itong niluto mo, Leona. Yung natirang sisig, baka pwede pa nating ipang-pulutan?” tanong ni Sol habang binubuksan ang isang mataas na bote ng Black Label.

“At talagang nagdala ka pa. Jeron, mag-ingat ka kay Sol. Ang sabi nga nila…” di ko na dinugtungan dahil nakatingin sa akin si Jim.

“Pag may alak, may balak,” sabi ni Judy. Nagtawanan ang lahat maliban sa amin ni Jim.

Hindi mahilig makihalubilo si Jim sa mga kasama ko sa opisina pero ngayon ay heto siya at nakatabi sa akin. Nahuhuli ko din si Barbie sa mga nakaw na sulyap niya kay Jim na binale-wala ko lang. May pagkakataong si Jim naman ang gumaganti nang nakaw na sulyap kay Barbie.

“Guys, it’s getting late. Mahirap din namang magpakalasing tayo dahil baka hindi makapag-drive ng maayos si Jeron,” ang paaalala ni Jim. Lihim akong natuwa na hindi na kailangang sa akin manggaling ang pagpapaalis sa grupo.

Tumulong lang si Sol at Judy sa paglilipit at saka nagpaalam na aalis na ang grupo. Pinilit kong magmukhang masaya sa pagbibigay nila ng oras sa akin. Nang makaalis na sila, naiwan kami ni Jim na tila nagkakailangang mag-usap. Dumiretso ako sa pagtulog pagkatapos maglinis ng katawan. At heto nga ang kumpletong detalye kung bakit ako nagising na masakit ang ulo ngayong Sabado.

Nakaupo na pala si Jim at kung gaano na siya katagal na gising ay wala akong alam. Pinagmamasdan niya ang pag-eempake ko ng mga damit. Nagulat pa ako nang magtama ang aming mga mata. Tama nga si Barbie, naroon pa din ang kakisigan niya sa kabila ng halos dalawampung-taon naming pagsasama. Tinignan ko ang repleksyon ko sa salamin at nakita ko ang anyo ng isang babaeng tila pagod na pagod na sa pakikidigma sa buhay. Hindi na kami bagay kung pisikal na aspeto ang pag-uusapan.

“Bakit inaayos mo ‘yan?” sa wakas ay tanong niya.

“Mamamasyal lang. Matagal na akong nakabuntot sa inyo ni Kate, di ba? All my adult life,” sagot ko na hindi tumitingin sa kanya.

“Andami naman yatang damit para sa pamamasyal lang?”

“Isang linggo siguro akong mawawala.”

“Paano ang work mo?”

“Do I even count?”

“Paano ang pag-aasikaso mo kay Kate?”

“Ni hindi nga siya nagdi-dinner dito lately.”

“May problema ba?”

“Wala. Sasabihin ko kung meron.”

“Kelan ka naman nagsabi sa akin?”

Hindi ako kumibo dahil maraming beses ko nang sinabi kung ano ang bumabagabag sa akin. Kung bakit napakalayo ng damdamin namin sa isa’t-isa. Kung ano’ng pagsasakripisyo ko para lang may buong pamilyang kasama si Kate.

“Sige, kung hindi kita mapipigilan, sabihin mo na lang kung saan ka pupunta at nang hindi kami nag-aalala,” nakatayo na si Jim at nasa likod ko na.

“Sa Baguio lang.”

Nanlaki ang mga mata ni Jim at parang hindi makapaniwala na doon ako pupunta. Ganun pa man ay wala siyang sinabing pagtutol o anuman. Napaupo siya at pinagdaop ang mga palad at saka napabuntung-hininga.

“Okay, kung saan ka masaya,” yun lamang at saka siya lumabas ng kwarto.

Advertisement

What can you say about the article?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s