February 5, 2017. Sunday, 7:00 AM
“Ma, sigurado ka bang kaya mong magbakasyong mag-isa?”ang nag-aalalang tanong ni Kate sa akin.
“Bakit naman parang naisip mong hindi ko kaya?”ang balik-tanong ko sa kanya habang sinasara ko ang zipper ng maleta ko.
“Well, hindi ka kasi nagbabakasyong mag-isa?”ang katwiran ni Kate.
Hindi na ako sumagot at iniba ang usapan. Ayokong magdalawang-isip sa biyahe ko dahil tama siya, hindi naman ako nagbabakasyong mag-isa. Palagi kaming magkakasama bilang pamilya. Lumabas ako nang kwartong hila-hila ang aking maleta. Nadatnan ko sa sala si Jim na nagkakape habang nagbabasa ng diaryo. Napatigil siya nang makita ako.
“O, talagang tuloy ka pala talaga?”bati niya.
“Mukha ba akong nagbibiro?”ang biro ko sa kanya.
May agam-agam sa mukha niya gaya nang kay Kate, alam kong kung sila ang masusunod ay hindi nila ako papayagang magbakasyong mag-isa kung hindi lamang at mapilit ako.
“Ano pa ba kasi ang kailangan mong balikan doon? Hindi pa ba maayos sa iyo ang lahat?”tanong ni Jim. Tumayo ito at bakas sa mukha ang pagkayamot.
“Hanggang ngayon ba ay hindi mo naiintindihan? O baka dahil may mga bagay akong nakikita na hindi ninyo nakikita?”ang inis kong sagot.
Saglit na natahimik si Jim at saka kinuha ang maleta ko para ilabas.
“Sige, hayaan mo na lang na ihatid kita sa bus terminal…Kate, sasama ka ba? Bilisan mo at ihahatid natin ang Mama mo,”tawag ni Jim kay Kate.
Humahangos na bumaba sa hagdan si Kate. Sa kotse papuntang Cubao, tahimik lang kaming tatlo na parang nakikiramdam sa bawat isa. Nang marating namin ang terminal ay tahimik na ibinaba ni Jim ang maleta. Walang gaanong pila sa tiket kung kaya’t hindi rin nagtagal at hinanda na ang bus.
“Ipinalagay ko na sa konduktor ang maleta mo. Tandaan mo ang bus number mo para kung bababa ka para kumain ay hindi ka magkamali,” ang paaalala ni Jim.
“O, sige, aakyat na ako sa bus,” sabi ko.
Lumingon ako sa bintana at naroon pa din si Jim na nakatayo at nakatingin sa akin. Ngumiti ako nang bahagya at nag-thumbs up sign. Sumenyas naman si Jim na parang nagtatanong kung nakainom ako ng gamot. Tumango lang ako.
Habang papalabas sa EDSA nang bus ay sinundan ito ni Jim nang tingin. Naroon ang konting pangungulila ko sa kanila ni Kate pero mas nananaig ang pagnanais kong balikan ang mga multo o demonyong bumabagabag sa akin labingwalong taon na ang nakalilipas.
“Asawa mo?” tanong ng katabi kong babae na nasa sisenta anyos na.
“Ho?” pagulat na sagot ko.
“Asawa mo ba yung naghatid sa yo? Yung gwapong nag-remind sa ‘yo na uminom ka ng gamot,” sagot niya.
“Ahh…opo, husband ko po,” maikli kong sagot. Nagkunwari akong inaantok at pumikit para hindi niya mausisa pa.
“Sabi ko na nga ba na nahihilo ka sa byahe. Dapat, hindi ka pinayagan ng asawa mo na umalis mag-isa,” may bahid ng pag-aalala ang boses niya.
“Okay lang po ako.”
“May orange peels ako dito.”
“I’m good po.”
“Bakit ka nga pala pupuntang mag-isa sa Baguio?”
“Panagbenga po. Gusto kong manood.”
“Ah, ako naman ay pupunta sa anak ko. Nakatira siya sa bandang Lourdes Grotto….ikaw? Saan ka tutuloy niyan?”
“Sa bahay po ng family friend namin.”
“Saan nga?”
“South Drive area po.”
“Mukhang mayayaman ang mga nakatira doon ah.”
“Sakto lang po.”
Hindi ko namalayan na sa pagkukunwaring inaantok ay talagang nakatulog na ako. Pagdilat ng mga mata ko ay binabagtas na namin ang Marcos Highway. Sa pagkakataong ito ay maaliwas ang paligid hindi gaya nung unang beses ko itong masilayan dalawampu’t tatlong taon na ang nakalilipas.
“Ang tagal mong nakatulog,”ang bati ng katabi ko. Inalok niya ako ng kinakain niyang chips na magalang kong tinanggihan.
“Hindi ka nga pala kumakain sa byahe. Nahihilo ka pa ba?” tanong niya ulit.
“Ayos naman ho ako,”ang sagot ko.
“Hindi ka ba sasamahan ng asawa mo sa pamamasyal sa Baguio? Mahirap yatang umalis na nag-iisa ka,”may himig ng tunay na pag-aalala sa tinig niya na nagpaalala sa akin sa aking ina kapag bumabyahe ako noon na pabalik sa Baguio.
“Busy po sya sa work,”matipid kong sagot.
“Saan ba sya nagtatrabaho?”
“Sa financial firm po sa Makati. Executive po sya kaya madalas siyang busy,”magkahalong pride at panlulumo ang naramdaman ko. Proud ako kay Jim dahil sa mga accomplishments niya sa buhay pero naroon ang panlulumo ko dahil ni hindi ko narating ang kalahati ng meron siya.
“Anyway, have fun, hija.”
“Leona po,”iniabot ko ang kamay ko upang magpakilala.
“Tita Cita,”ang nakangiti niyang sagot habang nakikipagkamay.
Nang masapit namin ang Victory Liner Terminal, nagpauna si Tita Cita na bumaba sa akin dahil may inaasahan siyang sundo at wala din naman siyang kukuhaning gamit sa luggage compartment ng bus. Pinababa ko muna lahat ng pasahero at saka ako pumila para kunin sa konduktor ang aking maleta. Hatak-hatak ko ang maleta at itinabi para pumara ng taxi. Tatlong taxi ang pinalampas ko dahil tinamaan ako ng malaking agam-agam kung tutuloy ba ako sa bahay na tinuluyan ko nung nag-aaral pa ako.
Nanlalamig ang mga kamay ko sa magkakahalong kaba, saya at itinatagong lungkot. Umihip ang malamig na hangin na sapat upang panghinayangan ko na wala akong nakahandang jacket para ikubli ang katawan sa ginaw. Naisip kong tumuloy na lamang sa hotel pero naisip ko ding nakakahiya ang gagawin ko dahil inaasahan na ni Tita Yumi na sa bahay niya ako tutuloy. Sa pag-iisip, hindi ko namalayan ang taxi na nakahinto sa harapan ko.
“Maám? Taxi?”
Binuksan ko ang pinto at sumakay habang ang driver naman ay inilagay sa baggage compartment ang aking maleta.
“Saan po tayo?” tanong niya.
“Hindi ko na maaalala ang house number kaya dahan-dahan ka lang—South Drive,”sabi ko.
Habang umaandar kami ay naglalayag din ang isip ko sa kung ano ang inaasahan kong datnan. Ngunit labing-walong taon ko ng dinadala ang mga bagay-bagay na dapat sana ay noon ko pa hinarap. Life begins at forty, di ba? Kaya’t nararapat lang na mas matatag na ako sa kung anumang haharapin sa mga susunod na araw.