The Haunted: Chapter 4-Start of Yesterday

Makapigil-hininga ako habang nakatayo sa harapan ng malaking bahay na tinuluyan ko noong nag-aaral pa ako. College house ang tawag naming magkakabahay noon.

“Inaasahan ba talaga nila ang pagdating ko?” natanong ko na lang sa aking sarili.

Hindi gaya noong 1994, marami nang sasakyang dumaraan sa harap ng college house. May isang taxing huminto saglit at inakalang pasakay ako. Umiling lamang ako at sinubukang tawagan ang numero ng katiwala.

Ring…ring… walang sagot.

Hinatak ko ang maleta ko palayo, desidido na akong mag-hotel na lang. Pero sa isang iglap ay naaalala ko ang sikretong doorbell na pinindot ko noong unang beses akong makarating sa college house. Bumalik ako, kinapa ang maliit na lagusan ng kamay sa gate at saka hinanap ang doorbell.

Ding…dong…nadinig ko ang mahinang tunog mula sa loob ng bahay. Bumukas ang front door at lumabas ang isang babaeng nasa bente-singko anyos. Humahangos na sumalubong sa akin habang hawak-hawak ang susi sa kanang kamay. Walang tingin-tingin sa aking pinagbuksan ako ng pinto.

“Good afternoon, ako si Leona. Ikaw ba si Dina?” nakangiti kong bati.

Malilikot ang mga mata ni Dina na tila di mapakali. Tumango lamang ito at isinara ulit ang gate. Hinatak ko ang maleta papasok sa bahay.

“Wala pa ring pagbabago ang bahay na ito, ah, ” nakaramdam ako ng kaunting pagkalungkot dahil alam kong hindi na mauulit ang masasayang ala-ala ko dito.

Hindi kumibo si Dina. Sa halip ay dumiretso sya sa kusina at may kung anong pinagkaabalahan. Pagbalik nya ay may dala siyang isang tasang tsokolateng inumin at mga suman. Nagulat ako ng kaunti dahil hindi ko inasahan ang pagmamalasakit niya kahit parang hindi ako welcome.

“Thank you, Dina. Mangan tayon?”

Nakitaan ko ng matipid na ngiti si Dina saka tumalikod at umakyat ng hagdan. Nagpahinga naman ako habang kinakain ang hinandang merienda. Hindi ako makapaniwalang naririto ulit ako. Ang antigong grandfather’s clock ay naroon pa rin sa gawing kanan ng bahay. Dinig na dinig ang bawat ikot ng kamay ng orasan dahil na rin sa napakatahimik na bahay. Naroon pa din ang mga etnikong disenyo na lalong nagpatingkad sa karakter ng sala. Papalapit na sana ako sa dako ng mga larawan nang may tumapik sa balikat ko.

“Iaakyat ko na po ang maleta,” ang mahinang sabi ni Dina habang nakatingin sa maleta.

“Sure, no problem. Mabigat nga lang yan ng konti. You know, one week akong nandito,” ang nakangiti kong sagot.

Hindi umimik si Dina. Sa halip ay buong lakas na binuhat ang maleta paakyat ng hagdan. Sumunod naman ako dahil hindi ko alam kung saang kwarto ako tutuloy.

Matibay pa rin ang mahogany na hagdan. Wala ang inaasahang langitngit habang tumatanda ang bahay. Nilampasan ni Dina ang mga kwarto sa ikalawang palapag. Tumibok ng bahagya ang puso ko nang makita kong sa attic siya papunta.

“Napakalaki naman ng bahay kung sa attic pa ako tutuloy. Saan ka nga pala natutulog?” pabiro kong tanong.

“Bakit, takot ba kayo sa multo?” balik-tanong ni Dina.

“Multo? Pati ba ikaw ay naniniwala sa ganun?”

“Sabagay po, mas katakutan daw dapat ang buhay kaysa sa patay,” ang diretsong sagot niya.

Natigilan ako sa sinabi niya. Ano ba ang alam niya sa buhay ko para isiping may dapat akong katakutan. Natawa ako sa sarili ko dahil masyado kong binibigyang-kahulugan ang sinasabi niya.

“Welcome to your old room, Manang,” ang sabi ni Dina habang hawak ang bukas na pinto ng kwarto.

Walang kibo-kibo ay pumasok ako at sinipat ang kwartong naging bahagi ng apat na taon kong buhay sa college house. Nagsisikip ang dibdib ko sa dami ng emosyong nararamdaman ko. Maayos na maayos pa din ang kalagayan ng kwarto. Kulang na lamang ay makita kong nakahilata si Jenny sa kabilang kama habang nagbabasa ng songhits at kumakanta.

“Teka nga pala… paano mo nalamang kwarto ko ito noon? Sinabi ba ni Tita Yumi?” tanong ko kay Dina.

“Nabanggit lang po ng Auntie Martha ko,” hindi makatingin sa akin si Dina.

“Auntie mo si Ms. Martha?”

Tumango si Dina.

“Kumusta na siya?”

“Mas maayos po kaysa nung na-stroke siya limang taon na ang nakalilipas.”

“I’m sorry to hear that. Kaya pala ikaw ang pumalit sa kanya.”

“Ah, isang taon pa lang ako dito,” lumabas si Dina at nagsimulang humakbang pababa.

Pagsara ko ng pinto ay napagtanto kong may mali sa kwento ni Dina. Ayon sa kaalaman ko ay itinigil ni Tita Yumi ang pagpapaupa ng bahay niya sa may estudyante noong makatapos ako ng kolehiyo nung 1998. Umalis si Ms. Linda noong 1995 dahil sa matinding hindi namin pagkakaunawaan. Pumalit si Ms. Martha mula 1995 hanggang 2012 ngunit 2016 lang naging caretaker si Dina.

Una, sino ang naging caretaker mula 2013 hanggang 2015 at pangalawa, papaanong nalaman ni Dina kung saan ang aking kwarto kung sa palagay ko ay hirap magsalita si Ms. Martha?

Pinagpalagay kong madalas pa din nila akong pag-usapan kahit matagal na panahon na akong wala sa South Drive. At sa mga pag-uusap nila na yun ay malamang kaysa hindi na puno ng pagkainis sa akin dahil sa mga away-batang nangyari dalawang dekada na ang nagdaan. Naisip kong kaya nagkakaganoon si Dina sa akin ay dahil na din sa mga usap-usapang hindi naging pabor sa akin. Sa halip na sitahin siya sa mga alanganin niyang mga sagot at kilos, huminga na lang ako ng malalim para mabawasan ang inis ko sa kanya.

Advertisement

What can you say about the article?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s