“Good morning. Magja-jogging lang ako,” bati ko kay Dina. Nasa kusina sya at nagluluto nang agahan.
Tumango lang siya at tahimik na sumunod sa akin para ikandado ang gate. Nag-warm up muna ako sa harap ng gate saka tumahak sa kanan para simulan ang jogging. Parang nakita ko ang batang bersyon ng sarili ko na nagja-jogging kasama ang mga housemates ko.
Lima kaming magkakasama sa college house, pang-anim ang caretaker. Ang pinakamatanda sa amin ay sila Marie at Joy. Graduating na sila habang kami ni Jenny ay freshman pa lamang. Matanda naman ng isang taon sa amin si Clara. Dahil magkaedaran kami ni Jenny, kami lagi ang magkasama hanggang sa jogging. Sila Marie at Joy naman ang hindi mo mapaghihiwalay. Si Clara ang pambalanse sa amin dahil neutral sya lagi sa grupo. Madali din para kay Clara na makisama sa mas nakatatanda sa kanya at sa aming mas bata. Yun nga lang, kapag lima kaming lumalabas, medyo naa-out of place siya dahil siya lang ang walang ka-partner kasi nga ay nauunang magkasabay sila Marie at Joy at kami naman ni Jenny ang nasa huli. Si Clara ang nasa gitna palagi at nag-iisa.
Nadaanan ko ang malaking bahay nila Mrs. Reyes na iba na ang disenyo ngayon. Tumigil ako at sinilip ang malawak na hardin na dati ay may slide at swing. Kumahol ang aso kung kaya’t dumungaw ang nakatira para tignan ang kinakahulan. Hindi ko makilala ang nakatira kaya’t nagpatuloy na lang ako sa pagja-jogging. Sa kurbada kung saan may malaking bato na pwedeng upuan, nagbalik ang ibang mga ala-ala ko noong mga unang taon ko sa Baguio. Tumigil ako at umupo. Naaalala ko na dalawampu’t tatlong taon na ang lumipas, dito din ako umupo para magpahinga nang matapilok ako sa pagja-jogging.
“Dito muna ako, sige mag-jogging pa kayo. Balikan niyo na lang ako,” ang sabi ko sa grupo.
Noong una ay ayaw pumayag ni Jenny na iwanan ako pero sinabi kong okey lang ako at nagpapahupa lang ng sakit. Habang papalayo sila, tinanggal ko ang sapatos ko at sinimulang hilutin ang kanang bukung-bukong.
“Bakit iniwan ka nila?”
Mula sa pagkakayuko ay tinignan ko ang pinagmulan ng boses. Isang teenager na siguro ay kaedaran ko na nakasakay sa bisikleta ang huminto para mag-usisa sa akin. Saglit akong napatitig sa mukha niya na tila Adonis na nagsisimulang umusbong. Hinawi ko ang buhok ko, na-conscious ako sa hitsura ko.
“Na-sprain yata ako kaya nagpahinga muna ako. Babalikan naman nila ako maybe after twenty minutes,” sagot ko.
Bumaba nang bike ang lalaki at lumuhod.
“Pwede ko bang i-check kung masakit? Kung sobrang sakit o tolerable pain ba?” nakatingala niyang tanong sa akin.
“Huwag na. Okay lang ako.”
“Titignan ko lang. Madalas din akong ma-sprain kaya nga mas gusto kong mag-bike na lang.”
Hinawakan niya ang paa ko at dulo ng binti. Kinapa ang bukung-bukong at marahang hinilot. Napakislot ako sa sakit.
Umupo siya sa tabi ko at nagsalita,”Sasamahan na lang kita hanggang makabalik sila. Ako nga pala si Rupert.”
“Leona.”
“Bago lang kayo sa bahay ni Auntie Yumi?”
“Paano mo naman nalaman?”
“Ikaw yata ang nakita kong nakatayo sa attic nila. Siguro last week of May ‘yun.”
Naaalala kong may nakita din akong nakatayo sa harap ng gate. Kung ganun ay siya pala ang nakita ko.
“Siguro nga. Rupert, salamat sa pagbabantay sa akin, eto na ang mga kasama ko. Uuwi na kami,” sabi ko habang nagpupumilit tumayo.
Nakipagkilala si Rupert sa mga kasama ko sa bahay. Nagpasalamat si Marie sa pagbabantay ni Rupert sa akin.
“See you around, Rupert. Uuwi na kami,” sabi ni Marie.
Iika-ika akong naglakad habang ginawang tungkod si Jenny na tawa nang tawa. Paglingon ko ay naroon si Rupert na nakangiti sa likod namin.
“Angkas na. Nasasaktan ka yatang maglakad,” pabiro niyang sabi.
“Huwag na. Baka hinahanap ka na ng parents mo,” nahihiya kong sagot.
“Magkapitbahay lang tayo,” nakangiti nyang sagot.
“Sure ka?”
“Wen, manang.”
Inalalayan ako ni Jenny na umangkas sa harap na bar ng bisikleta. Nakakailang andar pa lang ay pumreno na si Rupert.
“Ang bigat mo pala.”
“Ah sige, maglalakad na lang ako.”
“Joke lang, ito naman.”
Ilang metro na ang layo ng mga kasama ko mula sa amin. Mabagal namang pinatakbo ni Rupert ang bisikleta.
“First time mo?”tanong nya.
“Oo, hindi ako sumasakay sa bike,”sagot ko.
“I mean, sa Baguio. Di ba hinatid ka ng parents mo nung last week of May?”pagtatama niya.
“Paano mo naman nalaman?””nagtataka kong tanong.
“Di ba nga, nasa attic ka?”
Sa pangalawang pagkakataon ay nasiguro kong nakamasid sya sa akin bago ko pa man siya nakilala. Kung isang pagkakataon lang na nakita niya akong natapilok at nakaupo sa tabing kalsada ay hindi ko alam. Malayo na ang agwat namin ng mga kasama ko sa bahay. Pakiramdam ko ay ang bagal ng mundo kapag kasama ko si Rupert. Hindi ko inaasahang sa unang pagkakataon ay titibok ang pihikan kong puso.