The Haunted: Chapter 11- Ano Kaya?

Bumalik ako sa college house para kumain at maligo. Nagmamadali akong gumayak dahil ayokong abutan ako ni Rupert. Hindi ko sigurado kung seryoso sya nang sabihin nyang sasamahan niya ako sa pagpunta sa SLU pero ayokong ipagwalang-bahala na tototohanin niya.

Nagmamadali akong bumaba ng hagdan. Hindi naman maingay ihakbang ang suot kong puting rubber shoes. Nagpaalam ako kay Dina na may lalakarin lang. Tumango lang siya at sinundan ako ng tingin habang nagmamadali akong nagtungo sa gate. Hindi ko pa halos nahahawakan ang pintuan bukasan ng gate ay naalala kong hindi nga pala ako nakasuot ng jacket. Pahangos akong bumalik sa bahay, nakita ko si Dina na nagtataka pero hindi nag-usisa.

Dinampot ko sa aparador ang puting jacket at isinuot. Dahil sa pagod, normal na hakbang na lang ang ginawa ko habang pababa ng hagdan.

“Ready to go?”

Binaling ko ang ulo ko sa direksyon ng boses. Si Rupert; nakatingin at nakangiti sa akin. Huminto ako sa paglakad at agad na nag-isip ng idadahilan.

“Let’s go?” inunahan niya ako ng tanong.

Nagpauna siya sa paglabas ng front door patungo sa nakaparadang puting Fortuner. Binuksan niya ang pinto at isinenyas na sumakay na ako. Kahit may agam-agam, sumakay na ako at sinara niya ang pinto. Umikot siya para sumakay naman sa driver’s seat. Dalawang beses siyang bumusina nang mahina kay Dina na noon ay nakaabang para magsara ng gate. Matipid naman na ngiti ang sinagot ni Dina.

“Traffic na pala dito ngayon, ano?” panimula ko.

“Yes, matagal na,” matipid naman niyang sagot sabay mabilis na sumulyap sa akin.

Tumingin ako sa paligid at inalala kung ano ba ang itsura nito halos dalawampung taon na ang nakakaraan. Pasulpot-sulpot ang mga ala-ala na kusang nagbabalik, mga ala-alang ayoko ng balikan pagkatapos ng graduation ko.

“May SM na ang Baguio,” pinutol ni Rupert ang paglilibot ng mata ko at paglalayag ng isipan ko. Tumingin ako sa direksyon na tinuro niya at nakita ang malaking istruktura na dating ginagawang paradahan lamang ng ilang provincial busses nung panahon namin.

“Para ngang wala ako sa Baguio, eh. Parang hindi ko nga kailangan ng jacket,”sabi ko.

“Yan nga sana ang itatanong ko eh. Bakit ka naka-jacket eh hindi naman kalamigan. Nasanay ka yata 20 years ago na malamig ang February,”nakangiti niyang tugon.

Saka ko napansin na wala siyang suot na jacket. Kung noon ay kinukubli niya ang payat niyang katawan sa pamamagitan ng pagsusuot ng jacket, ngayon ay tila may pagmamalaki siyang pinapakita ang fitness ng kanyang pangangatawan. Kabaligtaran naman sa akin na tinatago ko ang mga imperfections ko ngayon sa pamamagitan ng pagsusuot ng jacket.

Diniretso niya ang direksyon sa ospital ng SLU at saka doon ipinarada. Mas okey na daw ito kaysa suungin ang mas mahabang trapik kung iikot pa kami ng Bonifacio Street.

“Thank you. Punta na ako sa Registrar’s Office,” nagmamadali akong tinanggal ang seatbelt.

“Teka, teka. Sasamahan kita, di ba?”

“Huwag na, maaabala ka pa,” binuksan ko ang pinto ng kotse at bumaba. Nagsimula din akong maglakad papuntang Assumption Gate. Mabibilis ang hakbang ko palayo. Dineposito ko ang ID ko sa guard at nagsimulang bumaba sa matarik na hagdan.

Nasa kalahatian pa lang ako ng pagbaba ay napagod na ako. Napatigil ako sa spot kung saan sinulat ni Rupert sa bato ang mga pangalan namin noong 1st year college pa lang kami.

“Napagod ka agad?” nagulat pa ako sa boses ni Rupert. Hindi ko inaasahang susunod pa siya. Napatigil siya at napatingin sa batong may nakaukit ang pangalan namin. Malumot ang paligid ng bato liban sa dinaanan ng mga pangalan namin kaya kitang-kita ang pagkakaukit nito.

Walang imik-imik ay sabay naming binaba ang hagdan, marahan at nag-iingat na mahulog. Nadaanan namin ang kumpol na mga estudyante sa Otto Hahn. Naalala ko ang panahong doon ako naghahantay tuwing uwian para sabay kaming umuwi ni Rupert.

“Good morning, Sir Rupert!” ang bati ng dalawang estudyante.

Kumaway naman si Rupert.

“Sikat ka pala dito,” biro ko. Napangiti lang si Rupert.

“What brings you here, Rupert?” sabi ng boses na biglang sumulpot. Napatigil kami sa paglalakad. Si Sir Garcia pala, dating instructor ni Rupert noong college.

“Good morning, Sir. I’m just accompanying a friend,” sagot naman niya sabay akbay sa akin. Bumati din ako ng good morning kay Sir Garcia.

“Friend? More like an ex-girlfriend!” panunukso ni Sir Garcia, namula ako dahil hindi ko inaasahang naaalala niya ako.

Hindi nagsalita si Rupert pero ramdam ko ang tensyon niya. Sino nga naman ba ang magiging handang sagutin kung bakit kami nakitang magkasama.

“Anyway, Sir. I’ll catch up with you later. Sasamahan ko lang si Leona.”

Nalampasan namin ang Otto Hahn Building na tahimik at di nag-uusap. Napansin yata ni Rupert na medyo napahiya ako.

“Ganun lang naman si Sir Garcia di ba?” dumampi ang kamay nya sa balikat ko. Napaatras ako.

Sa Registrar’s Office, pangalawa ako sa pila. Isang student assistant ang kumausap sa akin. Natatawa na hindi makapaniwala ang ekspresyon ng mukha niya.

“Tama po ba, kukuha kayo ng TOR at diploma tapos year 1998 kaya graduate?” tila hindi pa din siya makapaniwala.

“May problema ba?” may pag-aalala sa tanong ko.

Hinawakan ni Rupert ang braso ko at inakay papunta sa loob ng Registrar’s Office.

“Bawal dito, di ba?” ang may pagtutol na sabi ko.

“Hindi tayo matatapos kapag sa labas kayo nag-usap,” binuksan ni Rupert ang pinto at pinaupo ako sa waiting area habang siya namang pasok sa isang cubicle at may kinausap. Tumayo ang matandang babae mula sa kanyang cubicle at sumilip sa direksyon ko. Paglabas ni Rupert ay nakangiti na at saka sinabing balikan namin ang mga dokumento pagkalipas ng isang oras.

“Saan naman tayo pupunta?” tanong ko na medyo may pag-aalinlangan pa.

“Gusto mong kumain?”

“Busog pa ako.”

“Sige sa library na lang?”

“Hintayin ko na lang dito.”

“Makakaabala ka sa iba saka hindi lahat napagbibigyan ng registrar. Remember, walk in lang ang ginawa natin.”

“So sige, magbasa na lang tayo sa library.”

Tinahak namin ang mataas na hagdan ng Charles Vath Library Building. Bumalik ang mga ala-ala ko kung saan kami madalas magtapo ni Rupert tuwing kinakailangan niyang gumamit ng library para sa engineering subjects niya.

“Naaalala mo yung Quirino Hill na madalas mong tanawin noon?” tanong niya.

Tumango ako,”Sa side ng Perfecto ‘yon tanaw na tanaw.”

“Gusto mong puntahan mamaya?”

“Hindi na,” sagot ko. Nawala ang ngiti sa labi ni Rupert.

“Pero dati, gustong-gusto mo yung puntahan, di ba?” paalala niya.

“May mga bagay na napaglilipasan ng panahon. Yung gusto natin noon, baka balewala na sa atin ngayon,” sagot ko.

“Pero nababaligtan din naman minsan. May mga ayaw tayong gawin noon na baka pwede na nating subukan ngayon,” pagkasabi niya ay nagkunwari akong di ko narinig. Dire-diretso ako sa magazine section para magbasa ng mga lumang babasahin at libangin ang sarili ko habang naghahantay sa oras. Si Rupert naman ay nakakita ng kakilala at doon sila nag-usap nang tahimik sa isang sulok. Paminsan-minsan ay pinagmamasdan ko siya at sa unang pagkakataon, sumagi sa isip ko na “ano kaya kung kami ang nagkatuluyan?”

Advertisement

What can you say about the article?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s