“Pasensya ka na, naharang ako ng kakilala ko,” nagulat pa ako na nasa tabi ko na pala si Rupert.
Napatingin siya sa diyaryong binabasa ko at napakunot ang noo. Ibinaba ko ang diyaryo at tinignan siya.
“Don’t tell me you’re reading a newspaper from almost two decades ago?” tanong niya. Seryoso siyang nakatingin sa akin. Mata sa mata, nagpapatigasan kung sino ang mauunang ibaling ang tingin. Sa bandang huli ay siya ang sumuko, tumingin siya sa malayo at parang nag-iisip. Matagal na panahon man ang lumipas, alam na alam ko kapag may bagay siyang ikinababahala. Sa isang banda ay naging pagkakataon ko din ito para sulyapan ang mukha niyang tila lalong pinaganda ng panahon mula sa ilong na parang nililok, mga kilay na akala mo ay pinasadya, mga matang nangungusap at labing parang handa laging humalik.
“Baka sakaling may mabasa akong interesting. May sarili kayong balita, di ba?” patay-malisya ko namang sagot.
“Sabagay, dati ka nang mahilig magbasa ng diyaryo. Pang-matanda, yan ang panay kong sinasabi sa ‘yo noon,” may ngiti na sa labi niya, nagbibiro.
“O, meron naman palang naligaw na balita dito. Nag-ribbon cutting si Mama Tam sa jewelry shop na binuksan sa bagong mall malapit sa SLU,” itinuro ko ang litrato ni Mama Tam. Saglit na tinignan ni Rupert at napangiti.
“January 1998 yan. Ambilis ng panahon. Ganun na din pala katagal,” mahina ang boses niya at parang ayaw ipadinig maski sa akin.
Tumunog ang cellphone ko. Maingay. Nagtinginan ang mga estudyante. Mabilisan kong kinuha sa bag ko ang cellphone at saka lumayo para sagutin ang tawag ni Jim. Nangungumusta lang siya at siguro ay nag-aalala. Sinabi kong nasa library ako pero hindi ko sinabing may kasama ako. Pagbalik ko sa table ay hawak ni Rupert ang isang botelya. Namula ako.
“I’m surprised na meron ka din neto,” sambit niya. Hinablot ko ang botelya at inilagay sa bag. Hindi ko siya sinagot. Nagmamadali akong isinoli ang diyaryo at saka walang lingon-lingon na lumabas ng library.
“Ano’ng problema mo?” pahabol na tanong ni Rupert.
“One hour na di ba? Pwede ko ng kuhanin ang TOR at diploma ko,” dire-diretso naman akong bumababa ng hagdan.
“May masama ba kung malaman kong nagte-take ka din ng gamot na yon?” tinumbok niya ang kinasira ng araw ko.
Natigilan ako. Hindi ko siya sinagot. Dahan-dahan naming binaba ang mataas na library building patungo sa Registrar’s Office.
“Ninong!” napagawi ang tingin namin sa direksyon ng nagsalita. Isang estudyante na hawig na hawig sa pinakamatalik na kaibigan ni Rupert.
“Oy, Ced!” ibinigay ni Rupert ang kamay niya at nagmano ang binata. Napatingin ito sa akin at ngumiti.
“Ced, hindi mo na maaalala ang Ninang mo? Sabagay, baby ka pa lang nung huling magkita kayo,” iminustra ni Rupert na pagmanuhin ko si Ced na siya naman niyang ginawa.
“Ninang?”
“Leona. Hindi mo na talaga ako matatandaan dahil baby ka pa nung umalis ako dito. Kumusta na si James at Trina?” namangha ako dahil hulmang-hulma ni James ang panganay niya.
“Nasa bahay po si Mommy. Si Daddy ang panay kasama ni Ninong para sa…”
“Ced, pang-merienda mo,” inabutan ni Rupert ng isang libong piso si Ced. Tuwang-tuwa naman ang binata. Kumuha din ako ng isang libo at ibinigay sa kanya.
“Thank you, Ninong, Ninang. Selfie po tayo?” napagitnaan namin siya at nagpaunlak ng selfie.
“Tell your dad that we will drop by your place one of these days,” kumaway si Rupert sa paalis na si Ced.
“Para akong nakakita ng clone,” pagbibiro ko. Natawa din si Rupert.
Sa Registrar’s Office, si Rupert na ang kumuha ng TOR at diploma ko. Napabuntung-hininga ako dahil sa loob ng mahabang panahon, ngayon ko lang nakita at nahawakan ang bunga ng pagsisikap ko noong nag-aaral pa lamang ako.