Mainit na topic ngayon ang class opening sa August 24, 2020. Ito ay sa kabila ng banta ng covid-19. Dahil dito, inihahanda na ng mga paaralan ang online class para sa mga mag-aaral. Ang tanong, ready ka na ba sa online class? Pero bago mo sagutin yan, ipaliwanag muna natin kung ano nga ba ang online class.
Sa regular class, ang mga mag-aaral ay inaasahang pumasok sa paaralan para turuan ng mga guro. Dahil sa kakulangan ng pasilidad, kahit ang mga pribadong paaralan ay napipilitang hatiin ang bilang ng mga mag-aaral kaya mayroong pumapasok ng pang-umaga at meron ding panghapon. May mga paaralang dikit-dikit ang upuan para mapagkasya ang mga bata. Bago nangyari ang covid-19 na ito, ang tanging magagawa ng magulang para hindi makahawa ang anak nilang sinisipon o inuubo ay ang huwag ng papasukin muna. Pero may mga magulang at bata na sadyang competitive at talaga namang papasok pa din kahit masama ang pakiramdam huwag lang mapag-iwanan sa lessons. Dahil sa mga limitasyong ito at dahil na din sa hindi pa napupuksa ang pandemya, dalawang bagay ang mainit na pinagdedebatehan ngayon ng mga magulang: online class ba o ipagpaliban ang pasukan hanggang hindi pa available ang vaccine.
Taliwas sa regular class, ang online class ay maaring mahati sa dalawang kategorya ayon sa aking mga nababasa at karanasan na din:
1. 100% Online Class– sa 100% online class, tuloy lang ang buhay. Maglo-log in ang mga bata sa online class website para ma-monitor pa din ang attendance. Dahil online na, kaya nang guro na pagsabay-sabayin ang klase nya; wala ng pang-umaga at wala ng panghapon. Ang graded recitation ay posibleng gawin sa Google Meet kung hindi kaya ng Zoom. Mainam ang ganitong klase ng online class sa mga batang 10 taon gulang pataas dahil hindi na sila intimidated sa teknolohiya kumpara sa mga mas maliliit na bata. Maganda ang set up ng 100% online class kung ang bata ay may kanya-kanyang laptop dahil interactive ang klase. Maganda ang set up na ito kung sapat ang luwag ng bahay ng mga bata para hindi maabala ang bawat isa. At maganda sana ito kung ang internet speed ng bata ay 5Mbps man lang. Ang tanong, ready ka na ba sa ganitong set up?
2. Home Schooling Set Up– online education pa din ito pero very minimal ang interface sa mga teacher; sabihin na nating nasa 25% lang. Sa home schooling set up, may mga guro pa din kada subject pero ang lessons ay ida-download sa online schooling website. Sa home schooling set up, hindi kinakailangan lagi ng internet. Basta may printer ka, ipi-print mo lang ang lessons sabay paturo sa magulang o kung kaya nyo, sa tutor. Ang kagandahan ng home schooling set up, flexible ang oras basta sa loob ng isang linggo, naipasa mo na ang kinakailangang lessons. Ang problema dito ay kung 5 ang anak mo na may 8 subject. Pagtyatyagaan mong aralin ang 40 subjects para sa kanila. Ang mas masakit nito para sa bata ay kung walang tyaga o walang oras ang mga magulang na turuan sila. Ready ka na ba sa home schooling set up?
Elementarya pa lang yang sinasabi ko dahil na din sa may mga anak akong nasa elementarya pa lang. Ibang kaso kapag nasa mataas na paaralan na (high school) at kolehiyo. Halimbawa, sa Home Economics (meron pa ba nun?) na subject, paano masasabi ni Ma’am at Sir na pasado ang pananahi ko o pagkakarpintero kung hindi naman nya aktwal na nakita? Paano masasabi ni Sir sa isang dentistry student na tama ang pagkakabunot nya ng ngipin?
Sa madaling salita, hindi lahat ng subjects ay pwede o kayang pag-aralan sa online lang. So, anong mga subjects ang ire-retain at ano ang hindi muna ipapakuha? Hindi ba dapat sa ngayon ay napag-uusapan na kung ano ang magiging guideline sa August 24 na pasukan? Mababawasan ba ang bayarin o baka hindi na maningil ng miscellaneous fee? Ano ang mangyayari sa mga guro sakaling hindi matuloy ang pasukan?
Talagang mabangis ang covid-19. Hindi lamang kabuhayan ang inabala kung hindi pati pangarap ng ating mga kabataan.