The Haunted: Chapter 9- Ate Linda

“Saan ka pupunta?” pigil ni Rupert sa akin, hawak ang aking kaliwang braso.

Napatingin ako sa pagkakahawak niya. Bumitiw siya sa akin.

“Uuwi. May hinahabol akong schedule,”dumiretso ako papuntang front door. Naririnig ko ang yabag niya, sinusundan niya ako.

“Baka gusto mo munang mag-breakfast dito?” tanong niya. Hinawakan ko ang doorknob at pinaikot.

“Thank you na lang,” sagot kong hindi pa din siya nililingon.

“Teka teka teka….!”

Pagtingin ko ay nasa harapan ko na siya. Alangang inis at alangang nakangiti ang ekspresyon ng mukha niya. Binaling ko sa iba ang paningin ko. Oo, nako-conscious ako.

“Ikaw itong bigla-biglang papasok sa property ko habang nananahimik ako. Tapos ikaw din itong may ganang umalis na ganun-ganun na lang? Sanay na sanay ka talagang umalis kapag nasusukol na, ano?”nakapamewang nyang sabi sa akin. Kung nagbibiro siya, may kurot ng katotohanan ang biro niya.

Fight or flight—ako daw ang tipo ng taong aalis na lang kung palagay kong hindi na ako kumportable sa sitwasyon. Hindi daw ako ang tipo na ipaglalaban ang sinuman o anuman dahil mas importante sa akin ang pansariling kaligayahan.

October 1994, hindi ko pa masabing opisyal ang relasyon namin ni Rupert. Hindi kami dumaan sa normal na ligawan. Simula nang makilala ko si Mama Tam, naging mas malapit kami ni Rupert dahil panay din akong naiimbitang kumain ng hapunan sa bahay nila. Siguro, dala ng matinding homesickness, naging paraan ko din ang pagiging malapit sa kanilang pamilya. Konserbatibo ang pamilya ni Rupert. Alam kong gusto nila ako pero hindi kami malayang nakakapagpahayag ng damdamin sa isa’t-isa ni Rupert habang naroon kami sa malawak na sulok ng kanilang bahay. Bilang mga bata pa noon, dumating kami sa punto na naging hamon sa amin ang lihim na pagkikita noon. Nagpapaalam si Rupert na mag-o-overnight sa bahay ng pinakamatalik niyang kaibigan para sa isang group study pero sa college house uuwi ng bandang alas-dose ng gabi. Nagagawa lang namin ito tuwing Sabado ng gabi kung kailan umuuwi sa La Union si Jenny at habang nag-o-overnight naman sa ibang bahay sila Marie at Joy. Wala akong problema kay Clara dahil kahit minsan ay hindi niya ako nilaglag.

“Okay talaga dito sa kama ni Jenny,”sabi ni Rupert habang bahagyang inaalog pataas-baba ang kutson.

“Para lang tayong nagka-camping lagi, di ba?” sagot ko naman.

Inosenteng kabataan. Kung tutuusin ay wala naman kaming ginawang malisyoso, gusto lang namin ang presensya ng bawat isa.

“Isasara ko muna ang pinto.”

“Ahhhhhhhh!”

Pareho kaming natigilan ni Rupert. Nasa harap namin si Ate Linda na nagulat sa aming dalawa. Nang mahimasmasan ay bumakas ang galit sa mukha niya.

“Rupert? Ano’ng ginagawa mo sa kwarto ni Leona?” tanong niya. Nanginginig ang mga kamay niya sa galit.

“Ate Linda, wala po kaming ginagawa ni Rupert….” ang mahina kong tugon.

“Leona! Masisisante ako sa trabaho sa pinagagagawa mo! Rupert, makakarating ito sa mama mo,” may pagbabanta sa boses ni Ate Linda habang mabilis ang mga hakbang niya pababa.

“Ate Linda, please naman po, wag na ninyo kaming i-report ni Rupert,” naiiyak kong sabi.

Mas mabilis ang pagbaba ni Rupert sa malapad na hagdan at saka humarang sa telepono.

“Manang Linda…please po. Yung bayad sa renta ni Leona, kahit hindi ninyo ibinigay kay Auntie Yumi, hindi naman niya kayo isinumbong at inako pa niya na sya ang naging cause of delay. So bakit hindi ninyo maibalik ang pabor sa amin ngayon?”

Natigilan si Ate Linda at saka humarap sa akin.

“Leona? Di ba pinag-usapan na natin yan? Nagkasakit ang anak ko kaya nagastos ko muna ang pera. Ibabalik ko ito sa katapusan,” paniniyak ni Ate Linda.

Nakita ko ang pangamba sa mga mata niya. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na sitahin siya. Tahimik lamang si Rupert na nakamasid sa palitan namin ng salita ni Ate Linda.

Ring… Ring….

Napatingin kami ni Ate Linda sa telepono. Nagmamadali siyang sinagot ito.

“Ma’am Yumi, buti po ay napatawag kayo sa dis-oras ng gabi na ito….” hindi na natapos ni Ate Linda ang salita at saka niya marahang ibinaba ang telepono at napaupo.

“Ate Linda? Bakit po? Ano ang nangyari?” tanong ko ng may pag-aalala.

Umiling lamang si Ate Linda at saka umiyak nang umiyak. Nagpaalam naman si Rupert na uuwi na. Napatingin ako sa hagdan at nakita kong nakaupo si Clara na malamang ay nabulabog dahil sa sigawan at komosyon.

Kinabukasan ay sinundo ako ng Papa ko para sa semestral break. Hindi ako iniimik ni Ate Linda maliban na lamang kung naroon ang Papa ko. Hinatid niya pa din ang maleta ko sa kotse at saka kumaway na may malungkot na mga mata. Hindi ko maintindihan ang mga nangyari kung bakit nagkaganito ang pagsasama namin ni Ate Linda. Basta alam kong alam ni Clara na malaki ang kinalaman ko kung anuman ito dahil sa nahuli ako ni Ate Linda na nagpapasok ng lalaki sa kwarto—bagay na mariing pinagbabawal ni Auntie Yumi sa aming lahat.

Advertisement

The Haunted: Chapter 8-Mother’s Love

“Christina!”

Hindi na ako nakapag-react agad mula sa yakap na mahigpit sa akin ni Mama Tam, nanay ni Rupert. Sinenyasan ko si Rupert na nahihirapan na akong huminga mula sa mahigpit na pagkakayakap pero ngumiti lang siya at nag-thumbs up sign.

“Di ba, kamukhang-kamukha ni Manang, Ma?”

Bumitiw si Mama Tam mula sa pagkakayapos sa akin at saka tinignan ako mula ulo hanggang paa.

“Parang bumalik mula sa langit. Hija, ikaw ba si Leona?” tanong ni Mama Tam sa akin habang hawak ang dalawa kong kamay.

“Opo, kayo po ang mother ni Rupert? Nice to meet you po,” nahihiya ko namang sabi.

Inakbayan ako ni Mama Tam at saka inaya papuntang sala.

“Leona, pasensya ka na sa excitement ko kanina. Miss na miss ko lang talaga si Christina. Miss na miss ko kahit sampung taon ko nang di nakikita,” nangingilid ang luha sa tsokolateng mga mata ni Mama Tam.

“Nasan na po ba si Christina? I mean, Ate Christina?” tanong ko. Napansin kong napayuko si Rupert.

“Sampung taon na syang wala. Imagine, 10 long years!”

“Ano pong nangyari?”

“Ah, kukuha muna ako ng drinks,” sabi ni Rupert kung kaya’t kami ni Mama Tam ang naiwan sa sala.

“Nakikita mo ba ang litratong ito? Eto ang debut picture ni Christina,” itinuro ni Mama Tam ang naka-frame na litrato ng isang magandang dalaga na nakasuot ng gown na walang strap. May suot din syang guwantes na hanggang siko ang haba. Nakapusod ang buhok niya at maaliwalas ang mukhang nakangiti. Naroon nga ang malaking pagkakahawig namin liban sa ilong ko na higit ang katangusan.

Dumating si Rupert na hawak ang tray ng mga basong may juice. Inilapag niya ito sa mesa at umupo habang nakatingin sa amin.

“Iyan ang dahilan kung bakit maagang nawala si Christina,”nakatingin si Mama Tam sa direksyon ni Rupert. Napayuko naman si Rupert sa di inaasahang atensyon.

“Nakita naming nalulunod si Rupert noong walong taong gulang pa lang siya. Ilang araw lang ang outing namin matapos ang debut ni Christina. Kung bakit naisipan ng batang ito na tumalon sa bangkang sinasakyan namin. Dahil sa labis na pag-aalala, tumalon si Christina para sagipin si Rupert. Naisalba naman niya ang buhay ng kapatid pero nang paakyat na siya sa katig ay saka naman humampas ang malaking alon. Sinikap siyang hanapin ng bangkero pero pagkalipas pa nang tatlong araw bago natagpuan. Yan ang masakit na kwento sa buhay ni Christina,” paglalahad ni Mama Tam na tuluyan nang pumatak ang luha.

“Leona. Leona, are you okay?”

Napadilat ako at nasa harapan ko si Rupert. Naglalaban ang matinding antok at kagustuhan kong magising kung kaya’t para pa din akong nananaginip habang niyuyugyog niya ang balikat ko. Pinilit kong idilat ang aking mga mata at tinignan ang paligid. Naroon ako sa kwarto ni Rupert. Wala si Mama Tam na isang panaginip lang na bumalik sa akin.

“Matagal ba akong nawalan ng malay?” tanong ko kay Rupert.

“No, 10 minutes lang. Dumilat ka ng konti kani-kanina pagkatapos ay pumikit din kaya naisip kong pagpahingahin ka muna. Namumutla ka,” sabi ni Rupert habang nakatayo at nakatingin sa akin.

Tumayo ako at hinanap ang running shoes ko. Itinuro ni Rupert na nilagay niya sa shoe rack. Dire-diretso akong nagpunta sa shoe rack na parang walang nagbago sa pwesto ng mga kasangkapan sa bahay. Sa sala, napadaan ako sa malaking litrato ni Ate Christina at hindi ko maiwasang makaramdam ng panlalamig ng kamay dahil kahit lampas tatlong dekada na siyang wala, buhay na buhay sa isip at puso namin ang buo niyang pagkatao.

San Rafael River Adventure Glass Cottage

Glass Cottage

If you want to take a break from the busy city, why don’t you try to have an overnight stay at the San Rafael River Adventure? San Rafael is a municipality in Bulacan that boasts a picturesque view of the river where you can do some water activities like kayaking and banana boating. Not afraid of the heights? Then you can try the gigantic swing.

You can simply walk around and enjoy the freshness of the air or ride on the rented APV. You can either enjoy your coffee from Barra El Rio while looking at the river or wait until the sun sets to order your favorite wine. You can swim in the deep infinity pool or just enjoy a dip at the kiddie pool.

The cottages are unique and have an “into the woods” feel especially at night. Our cottage can accommodate up to 8 people. Please refer to the youtube video that I posted; the rest of the videos are in the same channel.

The Haunted: Chapter 7- You’re Not Welcome Here

Pauwi na ako mula sa pagdya-jogging nang di ko mapigilang tumingin sa direksyon ng bahay nila Rupert. Mula sa kinatatayuan ko ay tanaw na tanaw ang bintana ng kuwarto sa ikalawang palapag ng college house. Ito ang kwarto nila Clara, Marie at Joy. Kumabog nang husto ang dibdib ko ang masilip ko ang malawak na bakuran na may nakahilerang mga pine tree. Napalilibutan na ng mga yellowbell ang bakod. Mukhang maayos namang naaalagaan ang bermuda grass na lalong nagpatingkad sa ganda ng hardin. Hindi nasisilip ang buong bahay mula sa gate dahil nakukublihan ito ng mga punong hindi naman katangkaran.

Matagal nang may remote control ang front gate nila Rupert. Kumbaga ay hindi pa gaanong uso ay mayroon na sila. Kung nagluluko ang remote, may passcode namang pipindutin sa tagong bahagi ng bakod. Lagusan din ang bahay nila sa kabilang kalsada. Sa back gate kami dumaraan kapag kailangang ilabas o ipasok ang mga sasakyan dahil ang garahe ay nasa likurang bahagi ng bahay. Mataas ang back gate at mahirap akyatin, kabaligtaran naman ng front gate na ang tanging seguridad ay ang passcode at remote-controlled na gate.

Alam ko ang passcode ng front gate dahil madalas naman ako sa bahay nila. Sinubukan kong pindutin ang apat na numerong natatandaan ko. Nakahanda akong tumakbo kung mali ang napindot ko dahil tiyak na mag-aalarm ito mula sa bahay.

“0525,” nanlalamig kong pinindot ang keypad.

Tik… hindi ako makapaniwalang ilang dekadang hindi pinalitan ang passcode. Dahan-dahang bumukas ang front gate at natambad ako sa malawak na lupang sumalubong sa akin. Bagama’t nagdadalawang-isip ay tinapangan ko ang loob ko at marahang lumakad papasok.

“Crack!”

Natapakan ko ang isang piraso ng pine cone. Maraming pine cone ang nalaglag at nagmistulang disenyo.

Tug…tug…tug… habang papalapit ako ay lumilinaw ang tunog na naririnig ko. Pilit kong inalala ang tunog kung saan nagmumula ngunit wala akong maaalala. Ang kahuli-hulihang tunog na tumatak sa akin hanggang ngayon ay ang malakas na sigaw na pinakawalan ni Rupert habang nagmamadali akong tumakbong pabalik sa college house.

Malamig na malamig ang aking mga palad habang papalapit nang papalapit sa tunog. Huminto ako at pinalibot ang aking mga mata sa malaking bahay na tanaw na tanaw ko na ngayon. Halos walang nabago sa bahay sa labing-walong taong hindi ko ito nakita. Ang tatsulok na bubong nito ay buong-buo pa at parang hindi naluluma. Puting-puti pa din ang haligi ng bahay. Ang nawala na lang ay ang tumba-tumba sa terrace ng bahay na pinaglalaruan ko noong madalas pa akong magpunta.

Tug..tug.. tug… lalong lumalakas ang tunog na nanggagaling sa likurang bahagi ng bakuran. Lumakad ako at nakita ko ang nakahubad na lalaking nakatalikod. Nag-alala akong makita niya dahil trespassing ang ginawa ko. Sa pagmamadali kong makabalik sa front gate ay nagkamali ako ng hakbang at nadulas.

“AYYYYY!” pasalampak kong upo sa porch.

Pagtingin ko sa harap ko ay nakita ko ang palakol na hawak ng lalaki. Nanginginig akong tumingin pataas at para akong nabuhusan ng malamig na tubig.

“Leona? Ano’ng ginagawa mo dito?” hindi ko mawari kung galit o nagulat lang si Rupert.

Halos hindi ako makatayo dahil sa sakit kaya’t binuhat niya ako. Hindi ako makapagsalita hanggang sa inupo nya ako sa garden chair na nasa likod na bahagi ng bahay kung saan kami nagba-barbecue noon.

Nakatayo naman si Rupert at hinatak ang puting T-shirt sa isang garden chair. Hindi ko maiwasang tignan ang malaking pagbabago sa kanyang katawan mula sa payat na teenager na nakilala ko hanggang sa pagkakaroon ng matipunong katawan ngayon. Naaalala kong pawisan nga pala ako ngayon dahil sa pagdya-jogging. Hindi ko alam kung nahiya ba ako na ganito ang hitsura ko sa muli naming pagkikita.

“Hindi ka nagsabing dadalaw ka. Paano ka nga pala nakapasok?”

“Yung… passcode.”

“Ah, hindi ko pinalitan,” napangiti siya.

“I just tried… nag-jogging lang ako tapos nadaanan ko ito. Sige, aalis na ako. Wala na yung sakit sa pagkakadulas,” pinilit kong tumayo.

Lumapit si Rupert at hinawakan ako sa kanang braso, “Gusto mong ihatid kita ng bike?”

Napangiti ako. Naaalala niya ang unang pagkakataong nagkakilala kami. Ganun pa man ay napalitan ito ng matinding pagkatakot nang makita ko si Mama Tam na nakatingin sa amin at nanlilisik ang mga mata. Pagod, gutom at matinding takot—hindi ko na namalayang nawalan na pala ako ng malay. Maling-mali yata ang pagbabalik ko sa malaking bahay dahil hindi ko pa din kayang harapin ang multo na sinusundan ako sa loob ng labing-walong taon.

The Haunted: Chapter 6-First Meeting

“Good morning. Magja-jogging lang ako,” bati ko kay Dina. Nasa kusina sya at nagluluto nang agahan.

Tumango lang siya at tahimik na sumunod sa akin para ikandado ang gate. Nag-warm up muna ako sa harap ng gate saka tumahak sa kanan para simulan ang jogging. Parang nakita ko ang batang bersyon ng sarili ko na nagja-jogging kasama ang mga housemates ko.

Lima kaming magkakasama sa college house, pang-anim ang caretaker. Ang pinakamatanda sa amin ay sila Marie at Joy. Graduating na sila habang kami ni Jenny ay freshman pa lamang. Matanda naman ng isang taon sa amin si Clara. Dahil magkaedaran kami ni Jenny, kami lagi ang magkasama hanggang sa jogging. Sila Marie at Joy naman ang hindi mo mapaghihiwalay. Si Clara ang pambalanse sa amin dahil neutral sya lagi sa grupo. Madali din para kay Clara na makisama sa mas nakatatanda sa kanya at sa aming mas bata. Yun nga lang, kapag lima kaming lumalabas, medyo naa-out of place siya dahil siya lang ang walang ka-partner kasi nga ay nauunang magkasabay sila Marie at Joy at kami naman ni Jenny ang nasa huli. Si Clara ang nasa gitna palagi at nag-iisa.

Nadaanan ko ang malaking bahay nila Mrs. Reyes na iba na ang disenyo ngayon. Tumigil ako at sinilip ang malawak na hardin na dati ay may slide at swing. Kumahol ang aso kung kaya’t dumungaw ang nakatira para tignan ang kinakahulan. Hindi ko makilala ang nakatira kaya’t nagpatuloy na lang ako sa pagja-jogging. Sa kurbada kung saan may malaking bato na pwedeng upuan, nagbalik ang ibang mga ala-ala ko noong mga unang taon ko sa Baguio. Tumigil ako at umupo. Naaalala ko na dalawampu’t tatlong taon na ang lumipas, dito din ako umupo para magpahinga nang matapilok ako sa pagja-jogging.

“Dito muna ako, sige mag-jogging pa kayo. Balikan niyo na lang ako,” ang sabi ko sa grupo.

Noong una ay ayaw pumayag ni Jenny na iwanan ako pero sinabi kong okey lang ako at nagpapahupa lang ng sakit. Habang papalayo sila, tinanggal ko ang sapatos ko at sinimulang hilutin ang kanang bukung-bukong.

“Bakit iniwan ka nila?”

Mula sa pagkakayuko ay tinignan ko ang pinagmulan ng boses. Isang teenager na siguro ay kaedaran ko na nakasakay sa bisikleta ang huminto para mag-usisa sa akin. Saglit akong napatitig sa mukha niya na tila Adonis na nagsisimulang umusbong. Hinawi ko ang buhok ko, na-conscious ako sa hitsura ko.

“Na-sprain yata ako kaya nagpahinga muna ako. Babalikan naman nila ako maybe after twenty minutes,” sagot ko.

Bumaba nang bike ang lalaki at lumuhod.

“Pwede ko bang i-check kung masakit? Kung sobrang sakit o tolerable pain ba?” nakatingala niyang tanong sa akin.

“Huwag na. Okay lang ako.”

“Titignan ko lang. Madalas din akong ma-sprain kaya nga mas gusto kong mag-bike na lang.”

Hinawakan niya ang paa ko at dulo ng binti. Kinapa ang bukung-bukong at marahang hinilot. Napakislot ako sa sakit.

Umupo siya sa tabi ko at nagsalita,”Sasamahan na lang kita hanggang makabalik sila. Ako nga pala si Rupert.”

“Leona.”

“Bago lang kayo sa bahay ni Auntie Yumi?”

“Paano mo naman nalaman?”

“Ikaw yata ang nakita kong nakatayo sa attic nila. Siguro last week of May ‘yun.”

Naaalala kong may nakita din akong nakatayo sa harap ng gate. Kung ganun ay siya pala ang nakita ko.

“Siguro nga. Rupert, salamat sa pagbabantay sa akin, eto na ang mga kasama ko. Uuwi na kami,” sabi ko habang nagpupumilit tumayo.

Nakipagkilala si Rupert sa mga kasama ko sa bahay. Nagpasalamat si Marie sa pagbabantay ni Rupert sa akin.

“See you around, Rupert. Uuwi na kami,” sabi ni Marie.

Iika-ika akong naglakad habang ginawang tungkod si Jenny na tawa nang tawa. Paglingon ko ay naroon si Rupert na nakangiti sa likod namin.

“Angkas na. Nasasaktan ka yatang maglakad,” pabiro niyang sabi.

“Huwag na. Baka hinahanap ka na ng parents mo,” nahihiya kong sagot.

“Magkapitbahay lang tayo,” nakangiti nyang sagot.

“Sure ka?”

“Wen, manang.”

Inalalayan ako ni Jenny na umangkas sa harap na bar ng bisikleta. Nakakailang andar pa lang ay pumreno na si Rupert.

“Ang bigat mo pala.”

“Ah sige, maglalakad na lang ako.”

“Joke lang, ito naman.”

Ilang metro na ang layo ng mga kasama ko mula sa amin. Mabagal namang pinatakbo ni Rupert ang bisikleta.

“First time mo?”tanong nya.

“Oo, hindi ako sumasakay sa bike,”sagot ko.

“I mean, sa Baguio. Di ba hinatid ka ng parents mo nung last week of May?”pagtatama niya.

“Paano mo naman nalaman?””nagtataka kong tanong.

“Di ba nga, nasa attic ka?”

Sa pangalawang pagkakataon ay nasiguro kong nakamasid sya sa akin bago ko pa man siya nakilala. Kung isang pagkakataon lang na nakita niya akong natapilok at nakaupo sa tabing kalsada ay hindi ko alam. Malayo na ang agwat namin ng mga kasama ko sa bahay. Pakiramdam ko ay ang bagal ng mundo kapag kasama ko si Rupert. Hindi ko inaasahang sa unang pagkakataon ay titibok ang pihikan kong puso.