Kodak at Photoshop

Bago nauso sa atin ang digicam noong early 2000, sino ba naman ang mag-aakala na darating ang panahon na ang pagkuha ng litrato ay magiging very common na lang? The lowest price you can get for a film of 12 negative slots was around a hundred pesos during the late 80’s. Yung ibang camera na hindi rewindable ay lugi kapag may palpak sa shot mo dahil hindi mo na mao-overwrite ang kuha mo. Samantalang ngayon, halos lahat may camera na lalo’t kasama ito sa feature ng cellphone.

Ang mga usong camera film noon ay Agfa Color, Kodak Color at Fuji Film. Kapag rush ang pa-develop ng film, aabutin ka ng 30 minutes at may extra charge yun. Kapag naman normal na pa-develop lang, maghahantay ka ng 1-2 days depende sa dami ng dine-develop nila. Usong-uso noon ang pick up line na “Film ka ba? Kasi parang made-develop na ako sa yo!” (Ang kakornihan nga naman, walang pinipiling panahon. LOL)

Mula elementary hanggang high- school, hindi maaaring hindi kilala ng mga taga-Balanga si Mang Pikoy. Sya lang naman ang sikat na photographer sa Balanga para sa mga class picture. Jason Magbanua levels! During the class picture-taking at dahil bawal magkamali, talagang effort akong idilat ang mata ko. Grade 3 ako sa isang class picture namin, nakapikit ako! Buti na lang at may 3 kopya yun kaya pinili ko ang pinakamaganda. Fast forward to 2008, during my wedding preparation, biniro ko ang nanay ko na si Mang Pikoy ang kukunin kong photographer. Unfortunately, may sakit na ata sya noon at hindi namin mahagilap.

Aminado akong late bloomer pagdating sa what’s in noong araw kaya nagulat ako sa isang photo studio ng i-offer sa kaibigan ko na may option daw syang “iparetoke”ang graduation photo nya para kuminis naman sa litrato ang kutis nya.

“Eh bakit mo babaguhin?” tanong ko sa studio crew.

“Para makinis syang tignan,”sagot nya.

“Eh hindi naman sya makinis, di ba?”nalilito pa din ako dahil wala pa sa kamalayan ko ang retouch-retouch na yan ng litrato.

“Kasi ang graduation picture nyo ay habambuhay makikita kaya dapat maganda kayo,”sagot ulit ni Kuya.

“So paano ang gagawin mo?” usisa ko ulit. Medyo nako-conscious na ang friend ko nung mga panahon na yun.

“Ide-develop ko lang tapos pipicturan ko ulit sa mas magandang ilaw,”pang-wakas na sagot ni Kuya.

Nakumbinsi si friend na iretoke ang litrato nya at ako naman ay parang labag sa loob na baguhin kung anuman ang itsura nya. Sino ba naman ang makapagsasabi na mauuso years later ang photoshop? Na hindi lang sa desktop o laptop pwedeng baguhin ang itsura ng tao kundi maging sa cellphone, magagawa na through application.

Noong araw, kung pangit ang kuha mo, hindi mo agad ma-adjust o ma-filter. Pero ngayon, pwede mo pang baguhin ang kulay ng buhok at mata mo. Nakakaaliw pero minsan, kailangan din nating ipakita na nagkaka-pimple tayo, na pumuputi din ang buhok natin, na may laugh lines na tayo dahil hindi naman tayo imortal.

 

Advertisement