1. Uod sa palayan sa Bataan- nakakaawa ang mga magsasakang umaasa lang sa kita mula sa pananim. Ang mga uod na yun ay hindi bago sa Bataan, may mga pangyayari na rin dating maraming uod sa mga halaman at puno (gaya ng tibig) ngunit hindi naman nakakapanalanta talaga.
2. Pagkalunod ng mga mangingisda sa Mariveles- pati ako ay naluluha pag nakikita ko ang hinagpis ng mga pamilyang naulila ng nalunod na mga mangingisda. Sino ba ang makakapag-akalang magiging trahedya ang pangingisda nila sa gitna ng hindi pa kalakasang bagyong Basyang?
3. Oil spill sa Cavite at Limay- nakakaperwisyo sa kabuhayan ng mga mangingisda.
4. Kakapusan ng tubig sa ilang lugar sa ka-Maynilaan- isang araw kang mawalan ng tubig ay napakalaking hassle na, ano pa kaya kung ilang linggo ng wala? Sabi nga, mawalan na ng kuryente, wag lang tubig. Papaano pag may LBM ka? Paano pag may batang maliit ka sa bahay? Paano ang kalinisan ng paligid kung walang tubig?
5. Sunog- manakawan ka na nga raw, wag lang masunugan. Nakatingin lang tayo sa TV habang ang mga nasunugan ay abot-abot ang panawagan sa tulong. Ang pagkain nila ay rasyon. Ang mga damit, baka nga di pa nakapagpapalit. Naisip ko lang, ang daming nanonood ng TV pero may nagawa bang tulong para maibsan ang paghihirap ng mga nasunugan?
Ganun naman siguro talaga ang kalikasan ng tao; marunong maawa o makaramdam ng awa. Pero iilan lang ang may ganang tumulong. Maliit man o malaki, tulong pa rin yun, hindi kailangang maging si Zobel de Ayala o kahit si Sharon Cuneta para makatulong.
Ang daming problema ng bawat Pilipino, alam ko. Kahit ako nga, hindi naman din ganun kaunlad ang buhay. Pero sa maliit na paraan, sikapin nating tumulong. Marami dyan, nakakabili ng kung anu-ano pero wala namang naibibigay na tulong para mapabuti ang buhay ng kapwa. Social and moral responsibilty? Argumento yan ng mararamot, na wala daw tayong moral at sosyal na responsibilidad para sa kapwa. Kung ganun lang din pala, sinasabing pag sa inyo nangyari, hindi rin obligado ang iba na tumulong sa inyo.
Ang pagtulong nga ay nasa puso. Kung ang tao ay hindi tinuruang maging matulungin sa mabuting paraan, hindi nya maiintindihan ang pakikiramay sa mga taong nasa kaawa-awang kalagayan.